YouVersion Logo
Search Icon

Mateo 8

8
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin
(Mc. 1:40-45; Lu. 5:12-16)
1Nang makababa si Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. 2Lumapit sa kanya ang isang taong may ketong,#2 ketong: Ang salitang ito ay tumutukoy sa maraming uri ng sakit sa balat. lumuhod sa harapan niya, at sinabi, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” 3Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Oo, nais kong gumaling ka at maging malinis.” At gumaling at luminis nga agad ang ketongin. 4Pagkatapos,#Lev. 14:1-32. sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip, pumunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog na iniuutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw nga'y magaling at malinis na.”
Ang Pagpapagaling sa Katulong ng Kapitang Romano
(Lu. 7:1-10)
5Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang opisyal ng hukbong Romano at nakiusap, 6“Ginoo, ang katulong ko po ay naparalisado. Siya po'y nakaratay sa bahay at lubhang nahihirapan.” 7Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” 8Ngunit sumagot sa kanya ang opisyal, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong. 9Ako'y#Bar. 3:33-35. nasa ilalim ng mga nakakataas na pinuno at may nasasakupan ding mga kawal. Kapag inutusan ko ang isa, ‘Pumunta ka roon!’ siya'y pumupunta; at ang isa naman, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa nga niya iyon.” 10Namangha si Jesus nang marinig ito at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Tandaan ninyo: hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya sa buong Israel. 11Tandaan#Lu. 13:29. ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. 12Ngunit#Mt. 22:13; 25:30; Lu. 13:28. ang mga taong dapat sana'y kasama sa kaharian ay itatapon sa kadiliman; mananangis sila doon at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” 13At sinabi ni Jesus sa opisyal, “Umuwi ka na; mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” Sa oras ding iyon ay gumaling ang katulong ng kapitan.
Maraming Pinagaling si Jesus
(Mc. 1:29-34; Lu. 4:38-41)
14Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro at nakita niya roon ang biyenan nito na nakaratay at nilalagnat. 15Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at ito'y gumaling agad, bumangon at nagsimulang maglingkod sa kanya.
16Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming sinasapian ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. 17Sa#Isa. 53:4. gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Inalis niya ang ating mga kahinaan,
pinagaling ang ating mga karamdaman.”
Ang Paglilingkod kay Jesus
(Lu. 9:57-62)
18Nang makita ni Jesus ang mga tao#18 ang mga tao: Sa ibang manuskrito'y ang napakaraming tao. sa kanyang paligid, iniutos niya sa mga alagad na maghandang tumawid sa kabilang ibayo. 19Lumapit sa kanya ang isang tagapagturo ng Kautusan at sinabi, “Guro, sasama po ako sa inyo saanman kayo pupunta.” 20Ngunit sumagot si Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon, ngunit wala man lamang matulugan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao.” 21Isa#Tb. 4:3-4. naman sa mga alagad#21 sa mga alagad: Sa ibang manuskrito'y sa kanyang mga alagad. ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, maaari po bang umuwi muna ako upang ipalibing ko ang aking ama?” 22Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Maglingkod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay.”
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo sa Lawa
(Mc. 4:35-41; Lu. 8:22-25)
23Sumakay si Jesus sa bangka, kasama ng kanyang mga alagad. 24Habang sila'y naglalayag sa lawa, si Jesus ay natutulog. Biglang bumugso ang isang malakas na unos at halos matabunan ng mga alon ang bangka. 25Dahil sa labis na takot, si Jesus ay nilapitan at ginising ng mga alagad. “Panginoon, tulungan ninyo kami! Lulubog tayo!” sabi nila. 26Ngunit sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot? Napakaliit naman ng inyong pananampalataya!” Bumangon siya, pinatigil ang hangin at ang mga alon, at bumuti ang panahon. 27Namangha silang lahat at sinabi, “Ano kayang uri ng tao ito? Maging ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kanya!”
Mga Gadarenong Pinalaya sa Pang-aalipin ng mga Demonyo
(Mc. 5:1-20; Lu. 8:26-39)
28Nang dumating si Jesus sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno,#28 GADARENO: Sa ibang manuskrito'y Geraseno, at sa iba pa'y Gergeseno. sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasapian ng mga demonyo. Sila ay nakatira sa libingan. Napakababangis nila kaya't walang sinuman ang dumaraan doon. 29Biglang nagsisigaw ang dalawang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa amin, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami kahit hindi pa panahon?” 30Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. 31Nakiusap sa kanya ang mga demonyo, “Kung palalayasin mo kami, hayaan mong pumasok kami sa mga baboy na iyon.” 32Sinabi ni Jesus, “Sige, lumayas kayo.” Lumabas nga sila sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang buong kawan ay biglang sumibad ng takbo papunta sa bangin, nahulog sa lawa at nalunod.
33Nagtakbuhan papuntang bayan ang mga tagapag-alaga ng mga baboy. Pagdating doon, ipinamalita nila ang buong pangyayari, pati ang naganap sa mga lalaking sinasapian ng demonyo. 34Kaya't lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, ipinakiusap nilang lisanin niya ang kanilang lupain.

Currently Selected:

Mateo 8: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in