Mateo 27
27
Dinala si Jesus kay Pilato
(Mc. 15:1; Lu. 23:1-2; Jn. 18:28-32)
1Kinaumagahan, nagpulong ang mga punong pari at mga pinuno ng bayan kung paano nilang maipapapatay si Jesus. 2Kaya siya'y iginapos nila at dinala kay Pilato na siyang gobernador doon.
Ang Pagkamatay ni Judas
(Gw. 1:18-19)
3Nang#Gw. 1:18-19. makita ni Judas na si Jesus ay nahatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong pari at mga pinuno ng bayan ang tatlumpung pirasong pilak. 4Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang dugo ng taong wala ni anumang bahid ng kasalanan.”
“Ano ang pakialam namin sa iyo? Bahala ka sa buhay mo!” sagot nila.
5Inihagis ni Judas sa loob ng Templo ang tatlumpung pirasong pilak, at pagkaalis doon, siya'y nagbigti.
6Pinulot ng mga punong pari ang mga pirasong pilak. Sinabi nila, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo sapagkat bayad ito sa buhay ng isang tao.” 7Nagkaisa sila na ang salaping iyon ay ibili ng bukid ng isang magpapalayok, upang gawing libingan ng mga dayuhan. 8Mula noon hanggang sa panahong ito, ang bukid na iyon ay tinawag na “Bukid ng Dugo.”
9Sa#Zac. 11:12-13. gayon, natupad ang sinabi ni propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halagang katumbas niya ayon sa mga Israelita, 10at ginamit ito upang bilhin ang bukid ng isang magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”
Si Jesus sa Harap ni Pilato
(Mc. 15:2-5; Lu. 23:3-5; Jn. 18:33-38)
11Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”
Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang may sabi.” 12Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik.
13Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba narinig ang paratang nila laban sa iyo?” 14Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador.
Hinatulang Mamatay si Jesus
(Mc. 15:6-15; Lu. 23:13-25; Jn. 18:39–19:16)
15Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan. 16Si Jesus Barabbas#16 JESUS BARABBAS: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang salitang “Jesus”. ay isang kilalang bilanggo noon. 17Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na ‘Cristo’?” 18Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus.
19Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa taong iyan. Wala siyang kasalanan. Ngayon ay pinapahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya.”
20Ang mga tao nama'y sinulsulan ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay. 21Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?”
“Si Barabbas!” sigaw ng mga tao.
22Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?”
At sumagot ang lahat, “Ipako siya sa krus!”
23“Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?” tanong ni Pilato.
Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, “Ipako siya sa krus!”
24Nang#Deut. 21:6-9. makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa dugo#24 dugo: o kaya'y pagkamatay. ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!” sabi niya.
25Sumagot naman ang mga tao, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo#25 dugo: o kaya'y pagkamatay. niya.”
26Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus.
Hinamak ng mga Kawal si Jesus
(Mc. 15:16-20; Jn. 19:2-3)
27Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo ng gobernador, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. 28Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. 29Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y ininsulto nila, niluhud-luhuran at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo. 31Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus.
Ipinako sa Krus si Jesus
(Mc. 15:21-32; Lu. 23:26-43; Jn. 19:17-27)
32Paglabas ng lunsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” 34Binigyan#Awit 69:21. nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.
35Nang#Awit 22:18. maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, 36at pagkatapos, naupo sila upang siya'y bantayan. 37Isinulat nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” 38At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.
39Ininsulto#Awit 22:7; 109:25; Ecc. 12:17-18; 13:7. rin siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang 40sinasabi,#Mt. 26:61; Jn. 2:19. “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!”
41Kinutya naman siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. Sinasabi nila, 42“Iniligtas niya ang iba ngunit ang sarili ay hindi mailigtas! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! 43Nananalig#Awit 22:8; Kar. 2:18-20. siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!”
44Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.
Ang Pagkamatay ni Jesus
(Mc. 15:33-41; Lu. 23:44-49; Jn. 19:28-30)
45Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. 46Nang#Awit 22:1. mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eli, Eli, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
47Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” 48May#Awit 69:21. isang tumakbo at kumuha ng espongha, binasa ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus.
49Sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!”
50Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga.
51Biglang#Exo. 26:31-33. nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. 52Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. 53Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lunsod, at doo'y marami ang nakakita sa kanila.
54Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, “Tunay na siya'y Anak ng Diyos!”
55Naroon#Lu. 8:2-3. din ang maraming mga babaing nakatanaw mula sa malayo. Mula pa sa Galilea, sila'y sumunod na naglilingkod kay Jesus. 56Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo.
Ang Paglilibing kay Jesus
(Mc. 15:42-47; Lu. 23:50-56; Jn. 19:38-42)
57Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, ang isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Jesus. 58Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya't iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. 59Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. 60Inilagay niya ito sa kanyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. 61Kasama sa paglilibing sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria; nakaupo sila sa tapat ng libingan.
Ang mga Bantay sa Libingan
62Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong pari at ang mga Pariseo. 63Sinabi#Mt. 16:21; 17:23; 20:19; Mc. 8:31; 9:31; 10:33-34; Lu. 9:22; 18:31-33. nila, “Naalala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong siya'y nabubuhay pa, na siya'y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. 64Kaya pabantayan po sana ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumunta doon ang kanyang mga alagad at kunin ang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang siya'y muling nabuhay. Ang pandarayang ito ay magiging masahol pa kaysa una.”
65Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.”
66Kaya pumaroon nga sila at nilagyan ng tatak ang batong panakip sa libingan, at pinabantayan ito sa mga kawal.
Currently Selected:
Mateo 27: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society