YouVersion Logo
Search Icon

Job 37

37
1Kinakabahan ako kapag bumabagyo,
at hindi ko malaman ang gagawin ko.
2Pakinggan ninyo ang tinig ng Diyos
mula sa bibig niya'y nanggagaling ang kulog.
3Ang kidlat ay kanyang pinaguguhit sa kalangitan,
mula sa isang panig ng daigdig hanggang sa kasuluk-sulukan.
4Tinig niya'y umuugong, parang dagundong ng kulog,
ang pagguhit ng kidlat ay hindi malagut-lagot.
5Sa isang salita niya'y may nangyayaring kababalaghan,
kahanga-hangang bagay na di natin mauunawaan.
6Pinauulan niya ng yelo sa ibabaw ng daigdig,
ibinubuhos niya sa lupa ang ulang walang patid.
7Pinahihinto niya ang tao sa kanilang gawain,
upang malaman nila kung ano ng kaya niyang gawin.
8Ang maiilap na hayop ay nasa kanilang mga taguan.
9Ang malalakas na hangi'y sa timog nagmumula,
at ang malamig na simoy ay galing sa hilaga.
10Sa hininga ng Diyos nabubuo itong tubig,
nagiging yelong matigas at napakalamig.
11Pinabibigat niya itong mga ulap, mula rito'y pinaguguhit ang mga kidlat.
12Ito'y bilang pagsunod sa utos ng ating Diyos,
sumusunod kahit saang panig nitong sansinukob.
13Ang ulang ibinubuhos ng dakilang Diyos,
maaaring parusa o kagandahang-loob.
14“Tumigil ka sandali, Job, at iyong isipin,
ang mga gawa ng Diyos na walang kahambing.
15Alam mo ba kung paano niya inuutusan,
na maglabasan ang kidlat sa kalangitan?
16Alam mo ba kung bakit ang ulap ay lumulutang?
Iyan ay gawa ng makapangyarihan niyang kamay. Tunay at ganap ang kanyang kaalaman.
17Hindi mo nga alam! Sapagkat nadarama mo lamang ang matinding init,
kapag ang hanging habagat ay umiihip.
18Tulad ng ginawa niya, ang langit ba'y iyong mailalatag
na parang metal na makinis at matigas?
19Ituro mo sa amin ang dapat sabihin sa Diyos,
isip nami'y walang laman, pang-unawa'y kapos.
20Ang makipag-usap sa Diyos ay di ko na hahangarin,
bakit bibigyan ko siya ng pagkakataong ako ay puksain?
21“Ngayon ang langit ay nalinis na ng hangin,
at nakakasilaw ang kanyang luningning.
22May malagintong kaningningan sa gawing hilaga,
iyon ay kaluwalhatian ng Diyos na dakila.
23Ang Diyos ay tunay na makapangyarihan, kaya walang makalapit sa kanyang kinalalagyan.
Siya ay tapat at makatarungan sa pakikitungo sa sangkatauhan.
24Di kataka-takang siya'y iginagalang ng lahat,
at di niya pinapansin ang mga nagkukunwaring mauutak.”

Currently Selected:

Job 37: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in