Juan 1:1-14
Juan 1:1-14 RTPV05
Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Ang nilikha sa kanya ay may buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman. At naparito si Juan na isinugo ng Diyos upang magpatotoo sa mga tao patungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya dito. Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo patungkol sa ilaw. Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao. Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. Sila nga ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao kundi ang pagiging anak nila ay dahil sa kalooban ng Diyos. Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.