Isaias 60:1-11
Isaias 60:1-11 RTPV05
Bumangon ka, Jerusalem, at sumikat na tulad ng araw. Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ni Yahweh. Mababalot ng kadiliman ang buong daigdig; ngunit ikaw ay liliwanagan ni Yahweh, at mapupuspos ka ng kanyang kaluwalhatian. Ang mga bansa ay lalapit sa iyong liwanag, ang mga hari ay pupunta sa ningning ng iyong pagsikat. Pagmasdan mo ang iyong kapaligiran, ang lahat ay nagtitipun-tipon upang magtungo sa iyo; manggagaling sa malayo ang mga anak mong lalaki; ang mga anak mong babae'y kakargahing parang mga bata. Magagalak ka kapag nakita sila; sa iyong damdami'y pawang kasiyahan ang madarama; sapagkat malaking yaman buhat sa karagata'y iyong matatamo, at mapapasaiyo ang kayamanan ng maraming bansa. Darating ang maraming pangkat ng kamelyo mula sa Midian at Efa; buhat sa Seba ay darating silang may dalang mga ginto at insenso, at naghahayag ng pagpupuri kay Yahweh. Lahat ng kawan ng tupa sa Kedar ay dadalhin sa iyo, at paglilingkuran ka ng mga barakong tupa sa Nebaiot. Ihahain sila bilang handog sa aking altar at pararangalan ko ang aking Templo. Sino ang mga ito na lumilipad na tulad ng mga ulap, at gaya ng mga kalapating bumabalik sa tahanan? Ang mga malalaking barko ay hinihintay sa daungan; upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malalayong lupain. May mga dala silang ginto at pilak, bilang pagpaparangal kay Yahweh na iyong Diyos, ang Banal na Diyos ng Israel, sapagkat ikaw ay kanyang pinaparangalan. Sinabi ni Yahweh sa Jerusalem, “Mga dayuhan ang muling magtatayo ng iyong mga pader, at maglilingkod sa iyo ang kanilang mga hari. Nang ako'y mapoot, ikaw ay pinarusahan ko, ngunit ngayo'y tinutulungan kita at kinahahabagan. Ang mga pintuan mo'y aking ibubukas araw at gabi, upang dito papasok ang mga hari ng mga bansa, at dalhin sa iyo ang kanilang mga kayamanan.