Isaias 33
33
Si Yahweh ang Magliligtas
1Mapapahamak ang aming mga kaaway!
Sila'y nagnakaw at nagtaksil,
kahit na walang gumawa sa kanila ng ganito.
Ngunit magwawakas ang ginagawa nilang ito,
at sila'y magiging biktima rin ng pagnanakaw at pagtataksil.
2Kahabagan mo kami, O Yahweh, kami'y naghihintay sa iyo;
ingatan mo kami araw-araw
at iligtas sa panahon ng kaguluhan.
3Kapag ikaw ay nasa panig namin, tumatakas ang mga kaaway
dahil sa ingay ng labanan.
4Ang ari-arian nila'y nalilimas,
parang pananim na dinaanan ng balang.
5Dakila si Yahweh! Ang trono niya'y ang kalangitan,
maghahari siya sa Zion na may katarungan at katuwiran.
6Siya ang magpapatatag sa bansa,
inililigtas niya ang kanyang bayan, at binibigyan ng karunungan at kaalaman;
ang pangunahing yaman nila, si Yahweh'y sundin at igalang.
7Ang matatapang ay napapasaklolo,
ang mga tagapamayapa ay naghihinagpis.
8Sapagkat wala nang tao sa mga lansangan,
mapanganib na ang doo'y dumaan.
Mga kasunduan ay di na pinahahalagahan,
at wala na ring taong iginagalang.
9Ang tuyong lupa'y parang nagluluksa,
ang kagubatan ng Lebanon ay nalalanta;
naging parang disyerto na ang magandang lupain ng Sharon;
gayundin ang Bundok ng Carmel at ang Bashan.
10“Kikilos ako ngayon,” ang sabi ni Yahweh sa mga bansa,
“At ipapakita ko ang aking kapangyarihan.”
11Walang kabuluhan ang mga plano ninyo, at ang mga gawa ninyo ay walang halaga;
dahil sa aking poot tutupukin kayo ng aking espiritu.#11 tutupukin…espiritu: Sa ibang manuskrito'y wala kayong winawasak kundi ang sarili ninyo.
12Madudurog kayong tulad ng mga batong sinunog para gawing apog.
Kayo'y magiging abo, na parang tinik na sinunog.
13Kayong mga nasa malayo, pakinggan ninyo ang ginawa ko;
kayong mga nasa malapit, kilalanin ninyo ang kapangyarihan ko.
14Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Zion.
Sabi nila, “Parang apoy na hindi namamatay ang parusang igagawad ng Diyos.
Sino ang makakatagal sa init niyon?”
15Ngunit maliligtas kayo kung tama ang sinasabi ninyo at ginagawa.
Huwag ninyong gagamitin ang inyong kapangyarihan para apihin ang mahihirap;
huwag kayong tatanggap ng suhol;
huwag kayong makikiisa sa mga mamamatay-tao;
o sa mga gumagawa ng kasamaan.
16Sa gayon, magiging ligtas kayo,
parang nasa loob ng matibay na tanggulan.
Hindi kayo mawawalan ng pagkain at inumin.
Ang Kinabukasang Punung-puno ng Pag-asa
17Makikita ninyo ang kaningningan ng hari
na mamamahala sa buong lupain.
18Mawawala na ang kinatatakutang
mga dayuhang tiktik at maniningil ng buwis.
19Mawawala na rin ang mga palalong dayuhan
na hindi maunawaan kung anong sinasabi.
20Masdan mo ang Zion, ang pinagdarausan natin ng mga kapistahan!
Masdan mo rin ang Jerusalem,
mapayapang lugar, magandang panahanan.
Ito'y parang matatag na toldang ang mga tulos ay nakabaon nang malalim
at ang mga lubid ay hindi na kakalagin.
21Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay ihahayag sa atin.
Maninirahan tayo sa baybayin ng malalawak na ilog at batis
na hindi mapapasok ng sasakyan ng mga kaaway.
22Sapagkat si Yahweh ang ating hukom, siya ang mamamahala,
at siya rin ang haring magliligtas sa atin.
23Ngayon, tulad mo'y mahinang barko,
hindi mapigil ang lubid o mailadlad ang mga layag.
Ngunit pagdating ng panahong iyon, maraming masasamsam sa mga kaaway,
at pati mga pilay ay bibigyan ng bahagi.
24Wala nang may sakit na daraing doon,
patatawarin na lahat ng mga kasalanan.
Currently Selected:
Isaias 33: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society