YouVersion Logo
Search Icon

Exodo 25

25
Mga Handog Para sa Santuwaryo
(Exo. 35:4-9)
1Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2“Sabihin mo sa mga Israelita na maghandog sila ng kaloob sa akin at tanggapin mo ang mga buong pusong inihandog nila. 3Ito ang kanilang ihahandog: ginto, pilak, tanso; 4lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula; mga pinong telang lino at hinabing balahibo ng kambing; 5balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya; 6langis para sa ilawan at pabangong panghalo para sa langis na pampahid at para sa insenso. 7Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mga mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari. 8Ipagpagawa mo ako ng santuwaryo na titirhan kong kasama nila. 9Ang santuwaryo at ang lahat ng kagamitang ilalagay roon ay gagawin mo ayon sa planong ibibigay ko sa iyo.
Ang Kaban ng Tipan
(Exo. 37:1-9)
10“Gumawa kayo ng isang kaban na yari sa akasya: 1.1 metro ang haba, 0.7 metro ang luwang, at 0.7 metro ang taas. 11Balutin ninyo ito ng lantay na ginto sa loob at labas, ang mga labi naman ay lagyan ninyo ng muldurang ginto. 12Gagawa rin kayo ng apat na argolyang ginto na ikakabit sa apat na paa ng kaban, tigalawa sa magkabila. 13Gumawa rin kayo ng kahoy na pampasan na yari sa akasya, babalutin din ito ng ginto 14at isuot ninyo ang mga ito sa mga argolya sa magkabilang gilid ng kaban upang maging pasanan nito. 15Huwag ninyong aalisin sa argolya ang mga pasanan. 16Ang dalawang tapyas na bato ng kasunduang ibibigay ko sa iyo ay ilalagay mo sa kaban.
17“Gumawa#Heb. 9:5 ka ng Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto. Ang haba nito'y 1.1 metro, at 0.7 metro naman ang luwang. 18Lalagyan mo ng dalawang kerubing ginto ang dalawang dulo nito, 19tig-isa sa magkabilang dulo. Ihihinang ang mga kerubin upang ito at ang Luklukan ng Awa ay maging iisang piraso. 20Gawin mong magkaharap ang dalawang kerubin na parehong nakatungo, at nakabuka ang mga pakpak na nilulukuban ang Luklukan ng Awa. 21Ilalagay mo ito sa ibabaw ng kaban na kinalalagyan ng dalawang tapyas na bato ng kautusang ibibigay ko sa iyo. 22Doon tayo magtatagpo sa Luklukan ng Awa, sa pagitan ng dalawang kerubin; doon ko ibibigay sa iyo ang kautusan ko sa mga Israelita.
Ang Mesa ng Tinapay na Handog sa Diyos
(Exo. 37:10-16)
23“Gagawa ka rin ng isang mesang yari sa akasya na 0.9 metro ang haba, 0.5 metro ang lapad, at 0.7 metro ang taas. 24Balutan mo ito ng purong ginto at paligiran mo ng muldurang ginto. 25Lagyan mo ang gilid nito ng sinepa na singlapad ng isang palad at paligiran din ng muldurang ginto. 26Gumawa ka ng apat na argolyang ginto at ikabit mo sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito. 27Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa. 28Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa akasya at babalutin din ito ng ginto. 29Gumawa rin kayo ng mga kagamitang ginto: plato, tasa, banga at mangkok para sa mga handog na inumin. 30Ang#Lev. 24:5-8 mga tinapay na handog ninyo sa akin ay ilalagay ninyo sa mesa sa harapan ko.
Ang Lalagyan ng Ilaw
(Exo. 37:17-24)
31“Gumawa kayo ng ilawang yari sa purong ginto. Ang patungan at tagdan nito'y yari sa pinitpit na purong ginto. Ang mga palamuti nitong bulaklak, ang buko at mga talulot ay parang iisang piraso. 32Lalagyan mo ito ng anim na sanga, tatlo sa magkabila. 33Bawat sanga'y lagyan mo ng tatlong magagandang bulaklak na parang almendra, may usbong at may talulot. 34Ang tangkay naman ay lagyan mo rin ng apat na bulaklak na tulad ng nasa sanga. 35Lalagyan mo ng usbong sa ilalim ng mga sanga, isa sa ilalim ng bawat dalawang sanga. 36Ang mga usbong, mga sanga, at ang tagdan ng ilawan ay gagawin ninyong isang piraso na gawa sa purong ginto. 37Gagawa kayo ng pitong ilaw para sa mga patungang ito. Iayos ninyo ito upang ang liwanag nito'y nasa harap ng ilawan. 38Ang pang-ipit ng mitsa at ang patungan ay dalisay na ginto rin. 39Sa lahat ng ito ay 35 kilong purong ginto ang gagamitin ninyo. 40Sundin#Gw. 7:44; Heb. 8:5 mong mabuti ang planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.

Currently Selected:

Exodo 25: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy