YouVersion Logo
Search Icon

Mga Taga-Efeso 6:10-24

Mga Taga-Efeso 6:10-24 RTPV05

Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. Gamitin ninyo ang lahat ng kagamitan at sandatang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, at sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito—ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. Kaya't isuot ninyo ang kasuotang pandigma na mula sa Diyos. Sa gayon, makalalaban kayo kapag dumating ang masamang araw na sumalakay ang kaaway, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo. Kaya't maging handa kayo. Ibigkis sa inyong baywang ang sinturon ng katotohanan, at isuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran; isuot ninyo ang sandalyas ng pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita ng kapayapaan. Lagi ninyong gawing panangga ang pananampalataya, na siyang papatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng diyablo. Isuot ninyo ang helmet ng kaligtasan, at gamitin ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita ng Diyos. Ang lahat ng ito'y gawin ninyo na may panalangin at pagsamo. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos. Ipanalangin din ninyong ako'y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Magandang Balitang ito. Dahil sa Magandang Balitang ito, ako'y isinugo, at ngayo'y nakabilanggo. Kaya't ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat. Si Tiquico, na mahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat ng bagay tungkol sa aking kalagayan at ginagawa. Kaya't isinusugo ko siya sa inyo upang malaman ninyo ang aming kalagayan, at upang palakasin ang inyong loob. Nawa'y ipagkaloob ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo sa lahat ng mga kapatid ang kapayapaan at ang pag-ibig na kalakip ng pananampalataya. Ang pagpapala ng Diyos ay sumainyong lahat, sa inyo na umiibig nang walang maliw sa ating Panginoong Jesu-Cristo.