Deuteronomio 31
31
Si Josue ang Kahalili ni Moises
1Nagpatuloy si Moises sa pagsasalita sa mga Israelita. 2Ang#Bil. 20:12. sabi niya, “Sandaa't dalawampung taon na ako ngayon at hindi ko na kayo kayang pamunuan. Bukod dito, sinabi sa akin ni Yahweh na hindi ako maaaring tumawid sa Jordan. 3Ang Diyos ninyong si Yahweh mismo ang mangunguna sa inyo. Pupuksain niya ang mga bansang daraanan ninyo upang mapasainyo ang lupain nila. Si Josue ang inyong magiging pinuno gaya ng sinabi ni Yahweh. 4Ang#Bil. 21:21-35. mga bansang iyon ay lilipulin ni Yahweh tulad ng ginawa niya sa mga haring Amoreo na sina Sihon at Og, at sa kani-kanilang kaharian. 5Sila'y ipapabihag ni Yahweh sa inyo at gagawin naman ninyo sa kanila ang sinabi ko sa inyo. 6Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat sasamahan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Hindi niya kayo iiwan ni pababayaan man.”
7Ipinatawag ni Moises si Josue at sa harapan ng sambayanan ng Israel ay sinabi ang ganito: “Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mangunguna sa bayang ito sa pagsakop sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa kanilang mga ninuno. 8Si#Jos. 1:5; Heb. 13:5. Yahweh ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya bibiguin o pababayaan man, kaya't huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”
Dapat Basahin ang Kautusan Tuwing Ikapitong Taon
9Isinulat ni Moises ang mga utos at ibinigay ito sa mga paring tagadala ng Kaban ng Tipan, at sa matatandang namumuno sa bayan. 10Sinabi#Deut. 15:12; Deut. 16:13-15. niya, “Sa Pista ng mga Tolda tuwing katapusan ng ikapitong taon na siyang taon ng pagpapatawad ng utang, 11basahin ninyo ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa lugar na pipiliin ni Yahweh upang doo'y sambahin siya. 12Tipunin ninyong lahat ang mga lalaki, babae, bata, pati ang mga dayuhang kasama ninyo upang marinig nila ang kautusang ito. Sa ganoon, matututo silang matakot sa Diyos ninyong si Yahweh at sumunod sa kanyang mga utos. 13Pati ang inyong mga anak na hindi pa nakaaalam nito ay magkakaroon ng takot kay Yahweh habang sila'y nabubuhay sa lupaing titirhan ninyo sa ibayo ng Jordan.”
Ang Huling Tagubilin ni Yahweh kay Moises
14Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Malapit ka nang mamatay. Tawagin mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan upang bigyan siya ng mga bilin.” Gayon nga ang ginawa nila. 15Si Yahweh ay bumabâ sa Toldang Tipanan sa anyong haliging ulap at tumayo sa pintuan.
16Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Nalalapit na ang iyong kamatayan. Kapag nangyari na ito, ang Israel ay magpapakasama at maglilingkod sa mga diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan nila. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. 17Kung magkaganoon, magagalit ako sa kanila. Itatakwil ko sila't tatalikuran, at sila'y madaling mabibihag ng kaaway. Daranas sila ng mga kaguluhan at kapahamakan hanggang sa mapag-isip-isip nilang ito'y dahil sa akong Diyos nila ay hindi nila kasama.
18“Pababayaan ko sila dahil sa kasamaang ginawa nila, ang pagsamba nila sa mga diyus-diyosan. 19Kaya nga, isulat mo ang awiting ito at ituro sa bansang Israel upang maging tagapagpaalala sa kanila. 20Kapag nadala ko na sila sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, tulad ng aking pangako sa kanilang mga ninuno, mamumuhay na sila nang sagana at tiwasay. Ngunit sasamba sila at maglilingkod sa mga diyus-diyosan. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. 21Kung dumating na sa kanila ang matinding kahirapan at kaguluhan, ang awit na ito ang siyang susumbat sa kanila sapagkat matatanim ito sa isipan ng magiging lahi nila. Hindi ko pa sila nadadala sa lugar na ibibigay ko sa kanila ay alam ko na ang kanilang binabalak.”
22Nang araw ring iyon, sinulat niya ang isang awit at itinuro ito sa mga Israelita.
23Itinalaga#Bil. 27:23; Jos. 1:6. ni Yahweh si Josue na anak ni Nun. Sinabi niya, “Magpakatatag at lakasan mo ang loob mo sapagkat ikaw ang mangunguna sa Israel sa pagpunta nila sa lupaing ipinangako ko sa kanila. Hindi kita pababayaan.”
24Matapos isulat ni Moises sa isang aklat ang buong kautusan, 25sinabi niya sa mga pari, 26“Dalhin ninyo ang aklat na ito at itabi sa Kaban ng Tipan upang maging babala sa inyo. 27Alam kong kayo'y mapaghimagsik at matigas ang ulo. Kung ngayong buháy pa ako ay lagi kayong naghihimagsik kay Yahweh, lalo na kung patay na ako. 28Pupulungin ko ang inyong matatanda at ang inyong mga pinuno. Ipapaliwanag ko sa kanila ang mga bagay na ito, at gagawin kong saksi ang langit at lupa laban sa kanila. 29Sapagkat natitiyak kong kayo'y magpapakasama pagkamatay ko, lilihis kayo sa daang itinuro ko sa inyo. Darating ang araw na magagalit sa inyo si Yahweh dahil gagawin ninyo ang pinakaaayawan niya.”
Ang Awit ni Moises
30Ito ang kabuuan ng awit na ipinarinig ni Moises sa mga Israelita:
Currently Selected:
Deuteronomio 31: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society