Mga Gawa 5
5
Si Ananias at si Safira
1Mayroon namang mag-asawa na nagbenta rin ng kanilang ari-arian; Ananias ang pangalan ng lalaki at Safira naman ang babae. 2Subalit nagsabwatan ang dalawa at hindi ibinigay ni Ananias sa mga apostol ang buong pinagbilhan. 3Kaya't sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang pinagbilhan mo ng lupa? 4Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.”
5Nang#Dan. 13:55. marinig ito ni Ananias, siya'y patay na bumagsak, at lahat ng nakabalita sa pangyayaring iyon ay pinagharian ng matinding takot. 6Lumapit ang ilang binata, binalot ang bangkay, at siya'y inilibing.
7Pagkaraan ng may tatlong oras, dumating naman ang kanyang asawa na walang kamalay-malay sa nangyari. 8Kinausap siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito nga ba lamang ang kabuuang halagang pinagbilhan ninyo ng inyong lupa?”
“Oo, iyan lamang,” sagot ng babae.
9Kaya't sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkaisa kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Hayan! Kadarating pa lamang ng mga naglibing sa iyong asawa, at ikaw naman ngayon ang isusunod nilang ilibing!”
10Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na siya kaya't inilibing siya sa tabi ng kanyang asawa. 11Nakadama ng matinding takot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito. 12Maraming himalang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao.
Ang Pagpapagaling sa mga Maysakit
Sa Portiko ni Solomon nagtitipon ang mga mananampalataya, 13ngunit natatakot sumama sa kanila ang mga di mananampalataya, kahit na humahanga ang mga ito sa kanila. 14Samantala, parami nang parami ang mga lalaki at babaing nananalig sa Panginoon. 15Dinadala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilalagay sa mga papag at banig upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila. 16Dumating din ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinapahirapan ng masasamang espiritu; at gumaling silang lahat.
Ang Pag-uusig sa mga Apostol
17Nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo, kaya't kumilos sila. 18Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. 19Ngunit kinagabiha'y binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, 20“Pumunta kayo sa Templo at ipahayag sa tao ang buong mensahe tungkol sa bagong pamumuhay na ito.” 21Kaya nang mag-uumaga na, pumasok sa Templo ang mga apostol at nagturo sa mga tao.
Nagtipon naman ang pinakapunong pari at ang kanyang mga kasamahan, at tumawag ng pangkalahatang pulong ng buong Sanedrin. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol, 22ngunit ang mga ito ay wala na nang dumating doon ang mga kawal kaya't nagbalik sila sa Sanedrin at nag-ulat, 23“Nakita po namin na nakasusing mabuti ang pintuan ng bilangguan at nakatayo roon ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” 24Nang marinig ito, nabahala ang mga punong pari at ang kapitan ng mga bantay sa Templo. Hindi nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol.
25Siya namang pagdating ng isang taong ganito ang sabi, “Tingnan po ninyo, ang mga lalaking ipinakulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.”
26Kaya't pumunta sa Templo ang kapitan, kasama ang kanyang mga tauhan. Isinama nila ang mga apostol, ngunit hindi sila gumamit ng dahas sa pangambang baka sila pagbabatuhin ng mga tao.
27Iniharap nila sa Sanedrin ang mga apostol at siniyasat sila ng pinakapunong pari. 28Sinabi#Mt. 27:25. niya, “Hindi ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang mangaral sa pangalan ng Jesus na iyan? Ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong itinuturo at nais pa ninyo kaming papanagutin sa pagkamatay ng taong iyan!” 29Sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao. 30Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Jesus na pinatay ninyo nang siya'y inyong ipapako sa krus. 31Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ang mga Israelita ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan, at nang sa gayon ay magkamit sila ng kapatawaran. 32Saksi kami sa mga bagay na ito, kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”
33Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Sanedrin nang marinig ito, at nais nilang ipapatay ang mga apostol. 34Ngunit tumayo ang isa sa kanila na ang pangalan ay Gamaliel, isang Pariseong guro ng Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol, 35at pagkatapos ay nagsalita, “Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin ninyo sa mga taong ito. 36Hindi pa nagtatagal mula nang lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay ang kanyang mga tauhan at nauwi sa wala ang kanilang kilusan. 37Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala ng mga mamamayan, at nakaakit din ito ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay din ang mga tagasunod niya. 38Kaya't ganito ang payo ko: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang plano o kilusan ay mula sa tao, ito'y kusang maglalaho. 39Ngunit#2 Mcb. 7:19. kung ito'y mula sa Diyos, hindi ninyo ito mahahadlangan, at lilitaw pang kayo'y lumalaban sa Diyos!”
Sinunod nga nila ang payo ni Gamaliel. 40Pinapasok nilang muli ang mga apostol, at matapos ipahagupit at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Jesus, ang mga ito'y pinalaya. 41Nilisan ng mga apostol ang Sanedrin at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng panlalait alang-alang sa pangalan ni Jesus. 42At araw-araw, nagpupunta sila sa Templo at sa mga bahay-bahay upang magturo at mangaral tungkol kay Jesus, ang Cristo.
Currently Selected:
Mga Gawa 5: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society