2 Mga Hari 15
15
Ang Paghahari ni Azarias sa Juda
(2 Cro. 26:1-23)
1Nang ikadalawampu't pitong taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, si Azarias na anak ni Amazias ay nagsimula namang maghari sa Juda. 2Labing-anim na taóng gulang siya noon at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't dalawang taon. Ang kanyang ina ay si Jecolias na taga-Jerusalem. 3Siya'y naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat sumunod siya sa halimbawa ng kanyang amang si Amazias. 4Gayunman, hindi niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa pagdadala roon ng mga handog at pagsusunog ng insenso. 5Pinarusahan siya ni Yahweh at nagkaroon siya ng sakit sa balat na parang ketong hanggang mamatay. Tumira siyang mag-isa sa isang bahay samantalang ang anak niyang si Jotam ang namamahala sa kaharian.
6Ang iba pang ginawa ni Azarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 7Nang#Isa. 6:1. mamatay si Azarias,#7 AZARIAS: o kaya'y Uzias. inilibing siya sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Zacarias sa Israel
8Nang ikatatlumpu't walong taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, si Zacarias na anak ni Jeroboam ay naging hari ng Israel. Naghari siya sa Samaria nang anim na buwan. 9Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh tulad ng kanyang mga ninuno. Nagpakasama rin siyang tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel para magkasala. 10Si Sallum na anak ni Jabes ay nakipagsabwatan laban kay Zacarias. Pinatay niya ito sa Ibleam#10 Ibleam: Sa ibang manuskrito'y harap ng mga tao. at siya ang pumalit bilang hari ng Israel.
11Ang mga ginawa ni Zacarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 12Natupad#1 Ha. 10:30. ang pangako ni Yahweh kay Jehu nang sabihin niya, “Ang mga anak mo hanggang sa ikaapat na salinlahi ang maghahari sa Israel.”
Ang Paghahari ni Sallum sa Israel
13Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, si Sallum naman na anak ni Jabes ay naging hari ng Israel. Siya ay naghari sa Samaria nang isang buwan lamang. 14Mula sa Tirza, dumating si Menahem na anak ni Gadi at sinalakay ang Samaria. Pinatay niya si Sallum at siya ang pumalit bilang hari. 15Ang iba pang ginawa ni Sallum pati ang pakikipagsabwatan niya laban kay Zacarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 16Mula sa Tirza patungong Samaria, winasak ni Menahem ang Tapua sapagkat ayaw nilang sumuko sa kanya. Wala siyang pinatawad at ipinabiyak niya pati ang tiyan ng mga buntis.
Ang Paghahari ni Menahem sa Israel
17Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Menahem na anak ni Gadi. Siya'y naghari sa Samaria nang sampung taon. 18Tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel upang magkasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
19Sa panahon ni Menahem, ang Israel ay sinalakay ni Haring Pul ng Asiria.#19 Haring Pul ng Asiria: o kaya'y Tiglat-pileser. Nagbigay sa kanya si Menahem ng 35,000 kilong pilak upang makuha ang suporta nito sa pagpapalakas ng kanyang paghahari sa Israel. 20Para matipon ang halagang ito, hiningan niya ng tiglilimampung pirasong pilak ang lahat ng mayayaman sa Israel at ibinigay sa hari ng Asiria. Dahil dito, hindi sinakop ng Asiria ang Israel.
21Ang iba pang ginawa ni Menahem ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 22Namatay siya at inilibing at ang anak niyang si Pekahias ang humalili sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Pekahias sa Israel
23Nang ikalimampung taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Pekahias na anak ni Menahem. Siya'y naghari sa Samaria nang dalawang taon. 24Tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel upang magkasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 25Si Peka na anak ni Remalias, isa sa mga opisyal sa hukbo ni Pekahias, ay nakipagsabwatan sa limampung taga-Gilead laban kay Pekahias. Pinatay nila si Pekahias sa loob ng nasasakupan ng palasyo sa Samaria, at si Peka ang humalili sa kanya bilang hari ng Israel. 26Ang iba pang ginawa ni Pekahias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Peka sa Israel
27Nang ikalimampu't dalawang taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Peka na anak ni Remalias. Siya'y naghari sa Samaria nang dalawampung taon. 28Hindi rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan din niya ang kasamaan ni Jeroboam na anak ni Nebat na siyang umakay sa Israel para magkasala.
29Sa panahon ng paghahari ni Peka, ang Israel ay sinalakay ni Haring Tiglat-pileser ng Asiria at nasakop nito ang Ijon, Abel-bet-maaca, Janoa, Kedes, Hazor, Gilead at Galilea at ang buong Neftali; dinala niyang bihag ang lahat ng naninirahan doon.
30Nang ikadalawampung taon ng paghahari ni Jotam sa Juda, si Oseas na anak ni Ela ay nakipagsabwatan laban kay Peka. Pinatay niya ito at siya ang humalili bilang hari ng Israel. 31Ang iba pang ginawa ni Peka ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Jotam sa Juda
32Nang ikalawang taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, naging hari ng Juda si Jotam na anak ni Azarias. 33Dalawampu't limang taóng gulang siya noon at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-anim na taon. Ang kanyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok. 34Siya ay naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat sinundan niya ang mabuting halimbawa ng kanyang amang si Azarias. 35Gayunman, hindi rin niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa pagdadala ng mga handog at sa pagsusunog ng mga insenso roon. Siya ang nagpatayo ng pintuan sa gawing hilaga ng Templo ni Yahweh.
36Ang iba pang ginawa ni Jotam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 37Nang panahong iyon, ang Juda ay ipinasalakay ni Yahweh kina Resin ng Siria at Peka na anak ni Remalias. 38Namatay si Jotam at inilibing sa lunsod ni David, sa libingan ng kanyang mga ninunong hari. Humalili sa kanya ang anak niyang si Ahaz.
Currently Selected:
2 Mga Hari 15: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society