YouVersion Logo
Search Icon

2 Mga Taga-Corinto 1:4-20

2 Mga Taga-Corinto 1:4-20 RTPV05

Inaaliw niya tayo sa ating mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay makatulong naman tayo sa mga nahahapis. Sapagkat kung gaano karami ang aming paghihirap dahil sa aming pakikipag-isa kay Cristo, gayundin naman karami ang aming kaaliwan kay Cristo. Kung naghihirap man kami, ito'y para sa ikaaaliw at ikaliligtas ninyo. Kapag naaaliw kami, kayo ma'y naaaliw rin at lumalakas upang inyong matiis ang mga kapighatiang dinaranas ninyo tulad namin. Kaya't matibay ang aming pag-asa para sa inyo, sapagkat alam naming kung paanong kahati kayo sa aming kahirapan, magiging kahati rin kayo sa aming kaaliwan. Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang mga kapighatiang dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupa't akala namin ay mamamatay na kami. Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay. Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy na ililigtas. Kami'y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami. Ito ang aming ipinagmamalaki at pinapatunayan naman ng aming budhi: tapat at walang pagkukunwari ang aming pakikisama sa lahat, lalo na sa inyo. Subalit nagawa namin ito sa tulong ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao. Isinulat namin sa inyo iyon lamang kaya ninyong basahin at unawain. Gayon pa man, hindi pa rin ninyo kami lubos na maunawaan. Ngunit umaasa akong mauunawaan din ninyo kami, upang sa araw ng ating Panginoong Jesus ay maipagmalaki ninyo kami kung paanong ipinagmamalaki namin kayo. Dahil sa natitiyak ko ito, binalak kong pumunta muna diyan upang lalo kayong pagpalain. Binalak kong dalawin muna kayo diyan bago pumunta sa Macedonia, at dumaan muli sa pagbabalik ko galing doon upang matulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa Judea. Ako ba'y nagdadalawang-isip nang balakin ko ito? Ako ba'y nagpaplanong tulad ng mga taga-sanlibutan, na nagsasabi ng “Oo” at pagkatapos ay hindi naman pala? Kung paanong ang Diyos ay tapat, gayundin ang salita ko sa inyo, ang “Oo” ko ngayon ay mananatiling “Oo”. Ang Anak ng Diyos, na si Jesu-Cristo, na ipinangaral namin nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo” at “Hindi” dahil lagi siyang “Oo,” sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil sa kanya, nakakasagot tayo ng “Amen” para sa ikaluluwalhati ng Diyos.

Video for 2 Mga Taga-Corinto 1:4-20