YouVersion Logo
Search Icon

2 Mga Cronica 9

9
Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba
(1 Ha. 10:1-13)
1Nabalitaan#Mt. 12:42; Lu. 11:31. ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Haring Solomon. Kaya't nagsadya siya sa Jerusalem upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Marami siyang kasamang tauhan at mga kamelyong may kargang mga pabango, ginto at mamahaling bato. Nang makaharap niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng maisipan niyang itanong. 2Ipinaliwanag naman ni Solomon ang lahat ng ibig malaman ng reyna. Wala itong tanong na hindi niya nasagot. 3Napatunayan ng reyna ang karunungan ni Solomon at nakita niya ang palasyong ipinatayo nito. 4Nakita rin niya ang mga pagkain sa hapag ng hari at ang mga silid ng kanyang mga opisyal, gayundin ang paglilingkod ng kanyang mga utusan at mga tagadala ng inumin at ang mga kasuotan nilang lahat. Nakita rin niya ang mga handog na susunugin na iniaalay ni Solomon sa Templo ni Yahweh. Labis siyang namangha sa lahat niyang nakita.
5Kaya't sinabi niya sa hari: “Totoo nga pala ang balitang nakarating sa bayan ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. 6Noong una'y hindi ako makapaniwala. Ngunit ngayong makita ng dalawa kong mata, wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Ang karunungan pala ninyo ay higit sa nabalitaan ko. 7Mapalad ang inyong mga lingkod. Mapalad ang mga tauhan ninyong ito na laging nakakarinig ng inyong karunungan. 8Purihin ang Diyos ninyong si Yahweh na nalugod sa inyo kaya't ginawa ka niyang hari upang mamahala alang-alang sa kanya. Sapagkat tapat ang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, at nais niyang patatagin ito magpakailanman. Ginawa niya kayong hari nila upang pairalin dito ang batas at katarungan.” 9At binigyan niya ang hari ng 4,200 kilong ginto, maraming pabango at mamahaling hiyas. Walang kaparis ang mga pabangong ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.
10Bukod dito, ang mga tauhan ni Haring Hiram at ni Solomon na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mamahaling bato at maraming kahoy na algum. 11Ito ang kahoy na ginamit ng hari sa mga upuan sa Templo at sa kanyang palasyo at sa mga lira at alpa ng mga mang-aawit. Wala pang nakikitang kahoy na tulad nito nang panahong iyon sa lupain ng Juda.
12Ipinagkaloob naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang lahat ng hiniling nito, bukod pa sa kanyang regalo bilang ganti sa pasalubong nito sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna ng Seba at ang kanyang mga tauhan sa kanilang lupain.
Ang Kayamanan ni Solomon
(1 Ha. 10:14-25)
13Taun-taon, 23,310 kilong ginto ang dumarating kay Solomon. 14Hindi pa kabilang dito ang buwis ng mga mangangalakal, ang tinutubo ng kanyang mga tauhang umaangkat sa ibang bansa at ang buwis ng mga hari sa Arabia at ng mga gobernador ng lalawigan. 15Nagpagawa siya ng 200 malalaking kalasag na may balot na pitong kilong pinitpit na ginto bawat isa. 16Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot namang tatlong kilong pinitpit na ginto bawat isa. Ipinalagay ng hari ang nasabing mga kalasag sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. 17Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong balot sa garing na may palamuting ginto. 18Balot din ng ginto ang anim na baytang na paakyat sa trono at ang tuntungan dito. May patungan ng kamay sa magkabilang tagiliran ng trono at may rebulto ng nakatayong leon sa magkabila. 19Labindalawang rebultong leon naman ang nakahanay sa magkabilang dulo ng anim na baytang. 20Walang ganitong trono na nagawa saan mang kaharian. Lantay na ginto ring lahat ang mga kopa ni Haring Solomon at ang mga kasangkapan sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. Hindi gaanong pinahahalagahan ang pilak noon. 21May mga malalaking barko siyang nagbibiyahe sa Tarsis kasama ng mga tauhan ni Hiram at tuwing ikatlong taon ay dumarating na maraming dalang ginto, pilak, garing, mga gorilya at pabo real.#21 pabo real: o kaya'y unggoy.
22Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 23Kaya't pinupuntahan siya ng mga hari buhat sa iba't ibang panig ng daigdig upang makinig sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 24Bawat isa'y may dalang regalo: mga kasangkapang ginto at pilak, mga damit, mira, mga pabango, mga kabayo at mola. Nagpapatuloy ito taun-taon. 25Si#1 Ha. 4:26. Solomon ay may 4,000 kuwadra para sa kanyang mga kabayo at karwahe. Mayroon rin siyang 12,000 na mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga lunsod-himpilan ng mga karwahe at ang iba nama'y pinapaalagaan sa Jerusalem. 26Sakop#Gen. 15:18; 1 Ha. 4:21. niya ang lahat ng mga hari ng mga lupain buhat sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa may hangganan ng Egipto. 27Nang panahon ni Haring Solomon, ang pilak sa Jerusalem ay naging pangkaraniwan lamang na parang bato, at ang kahoy na sedar ay naging sindami ng sikamoro sa mga paanan ng mga burol. 28Ang#Deut. 17:16. mga kabayo ni Solomon ay galing sa Egipto at sa iba't ibang bansa.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Solomon
(1 Ha. 11:41-43)
29Ang iba pang mga pangyayari sa paghahari ni Solomon buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Propeta Natan at sa Pahayag ni Ahias na Taga-Shilo. Mababasa rin iyon sa Mga Pangitain ni Propeta Iddo na nagsasaad din ng paghahari ni Jeroboam na anak ni Nebat. 30Apatnapung taóng naghari si Solomon sa buong Israel mula sa Jerusalem. 31Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Rehoboam.

Currently Selected:

2 Mga Cronica 9: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in