YouVersion Logo
Search Icon

1 Samuel 2:1-11

1 Samuel 2:1-11 RTPV05

Ganito ang naging panalangin ni Ana: “Pinupuri kita, Yahweh dahil sa iyong kaloob sa akin. Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan, sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan. “Si Yahweh lamang ang banal. Wala siyang katulad, walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos. Walang maaaring magyabang sa iyo, Yahweh, walang maaaring maghambog, sapagkat alam mo ang lahat ng bagay, ikaw ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao. Ginapi mo ang mga makapangyarihan, at pinapalakas ninyo ang mahihina. Kaya't ang dating mayayaman ay nagpapaupa para may makain. Masagana ngayon ang dating maralita. Nagsilang ng pito ang dating baog, at ang maraming anak ngayo'y nalulungkot. Ikaw, O Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay. Maaari mo kaming itapon sa daigdig ng mga patay, at maaari ring buhayin muli. Maaari mo kaming payamanin o paghirapin, maaari ring ibaba o itaas. Mapapadakila mo kahit ang pinakaaba, mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha. Maihahanay mo sila sa mga maharlika, mabibigyan ng karangalan kahit na ang mga hampaslupa. Hawak mo ang langit na nilikha, at sa iyo nasasalig ang lahat ng iyong gawa. “Papatnubayan mo ang tapat sa iyo, ngunit ang masasama ay isasadlak sa karimlan. Walang sinumang magtatagumpay sa sariling lakas. Lahat ng lumalaban sa iyo ay manginginig sa takot; kapag pinapadagundong mo ang mga kulog. Hahatulan mo ang buong daigdig, at pagtatagumpayin ang hinirang mong hari.” Si Elkana at ang buo niyang sambahayan ay umuwi sa Rama. Ngunit iniwan nila si Samuel upang maglingkod kay Yahweh sa pangangasiwa ng paring si Eli.