1 Mga Taga-Corinto 9
9
Mga Karapatan at Tungkulin ng Isang Apostol
1Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol? Hindi ba't nakita ko si Jesus na ating Panginoon? Hindi ba kayo ang bunga ng aking paglilingkod sa kanya? 2Ang iba'y ayaw kilalanin ang aking pagka-apostol, subalit para sa inyo, ako'y isang apostol, at kayo ang katibayang ako'y apostol nga ng Panginoon.
3Ito ang sagot ko sa mga pumupuna sa akin. 4Wala ba kaming karapatang tustusan ng iglesya sa aming pangangailangan? 5Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang Cristiano, tulad ng ginagawa ng ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at gayundin ni Pedro? 6Kami lamang ba ni Bernabe ang walang karapatang tumigil sa paghahanapbuhay? 7Ang kawal ba ang gagastos para sa kanyang sariling pangangailangan habang naglilingkod siya? Sinong tao ang nagtatanim ng ubas at di nakikinabang sa mga bunga nito? Sinong pastol ang nag-aalaga ng tupa at di nakikinabang sa gatas nito?
8Ang sinasabi ko ay hindi nababatay sa kaisipan lamang ng tao. Ganoon din ang sinasabi ng Kautusan. 9Sapagkat#Deut. 25:4; 1 Tim. 5:18. nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Mga baka nga kaya ang inaalala ng Diyos? 10Hindi ba tayo ang tinutukoy niya? Alang-alang sa atin kaya iyon isinulat, sapagkat ang magsasakang nag-aararo at ang naghihiwalay ng mga butil sa uhay ay gumagawa sa pag-asang may kaparte sila sa aanihin. 11Naghasik#Ro. 15:27. kami sa inyo ng pagpapalang espirituwal; malaking bagay ba naman kung umani kami ng mga materyal na pakinabang mula sa inyo? 12Kung ang iba'y may ganitong karapatan, lalo na kami!
Ngunit hindi namin ginamit ang karapatang ito. Tiniis namin ang lahat upang hindi kami maging hadlang sa Magandang Balita tungkol kay Cristo. 13Hindi#Deut. 18:1. ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay may bahagi sa mga handog na nasa dambana? 14Sa#Mt. 10:10; Lu. 10:7. ganyan ding paraan, ipinag-uutos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng Magandang Balita ay dapat matustusan ang ikabubuhay sa pamamagitan ng Magandang Balita.
15Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ko kayo sinusulatan ngayon upang hingan ng tulong. Mas iibigin ko pang mamatay kaysa mawala sa akin ang bagay na maipagmamalaki ko! 16Hindi ngayo't nangangaral ako ng Magandang Balita ay maaari na akong magmalaki. Sapagkat iyan ay tungkuling iniatang sa akin, sumpain ako kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita! 17Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, ako'y may maaasahang kabayaran, ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkuling ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. 18Ano ngayon ang aking kabayaran? Ang maipangaral ko nang walang-bayad ang Magandang Balita, at ang hindi ko pag-angkin ng karapatang nauukol sa akin bilang tagapangaral.
19Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami sa Panginoon. 20Sa piling ng mga Judio, ako'y namumuhay tulad ng isang Judio upang mahikayat ko sila. Kahit na hindi ako saklaw ng Kautusan, nagpailalim ako rito alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang mailapit ko sila sa Diyos. 21Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan ni Moises, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo. 22Sa piling ng mahihina sa pananampalataya, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.
23Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito. 24Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. 25Lahat#Kar. 4:2; 5:16. ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon. 26Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan at hindi ako sumusuntok sa hangin. 27Subalit sinasanay ko at sinusupil ang aking katawan, upang sa gayo'y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba.
Currently Selected:
1 Mga Taga-Corinto 9: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society