Awit ng Tatlong Kabataan 1
1
Ang Panalangin ni Azarias
1Habang lumalakad ang tatlong kabataan—sina Hananias, Misael at Azarias—sa gitna ng apoy, umaawit sila ng papuri sa Diyos at dinadakila ang Panginoon. 2Huminto si Azarias at nanalangin nang malakas doon sa loob ng nagniningas na pugon,
3“Napakadakila mo, Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno.
Purihin nawa at parangalan ang iyong pangalan magpakailanman!
4Makatarungan ka at tapat sa lahat ng ginagawa mo;
makatuwiran ang iyong landas;
walang kinikilingan ang mga hatol mo.
5Makatarungan ang naging parusa mo sa amin at sa Jerusalem,
ang banal na lunsod ng aming mga ninuno.
Oo, makatarungan lamang ang hatol mo sa mga kasalanan namin.
6Talagang kami'y nagkasala,
lumabag sa kautusan, at naghimagsik laban sa iyo.
7Hindi namin ginampanan ang iyong mga utos
na para sa kapakanan din naming lahat.
8Kaya nga, makatarungan lamang
ang mga parusang inilapat mo sa amin.
9Ipinabihag mo kami sa pinakamahigpit naming mga kaaway, lahing malulupit at kasuklam-suklam.
Inalipin kami ng isang napakasamang hari, pinakamasama sa buong sanlibutan.
10At ngayon, nauutal ang aming dila sa laki ng kahihiyan.
Kaming iyong mga alipin at tagasunod ay naging kasuklam-suklam.
11Alang-alang sa iyong karangalan, huwag mo kaming itakwil habang panahon;
huwag mong putulin ang iyong tipan sa amin.
12Muli mo kaming kahabagan,
alang-alang kay Abraham na iyong minamahal,
kay Isaac na iyong lingkod,
at kay Israel na iyong ginawang banal.
13Ipinangako mong pararamihin ang kanilang lahi
gaya ng mga bituin sa langit at ng buhanginan sa tabing-dagat.
14Subalit ngayon, Panginoon, kami ay naging pinakamaliit na bansa.
Dahil sa aming mga kasalanan, kami ang pinakaaba ngayon sa sanlibutan.
15Wala kaming hari, mga propeta, o mga pinuno ngayon.
Walang templong mapagdalhan sa mga handog na susunugin, mga hain at insenso;
wala man lamang dakong mapaghandugan upang kami ay humingi ng awa mo.
16Ngunit lumalapit kami sa iyo ngayon na nagsisisi at nagpapakumbaba.
Tanggapin mo na kami na parang nag-aalay ng mga barakong tupa at toro,
at libu-libong matatabang tupa na susunugin bilang handog sa iyong harapan.
17Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog
upang kami'y matutong sumunod sa iyo nang buong puso.
Walang nagtiwala sa iyo na nabigo.
18Simula ngayon, buong puso kaming susunod sa iyo,
sasamba at magpupuri sa iyo.
19Huwag mo kaming biguin.
Sapagkat ikaw ay maamo at mapagkalinga,
kahabagan mo kami at saklolohan.
20Muli mong iparanas sa amin ang iyong kahanga-hangang pagliligtas
upang muling dakilain ang iyong pangalan, Panginoon.
21“Mapahiya nawa ang lahat ng nananakit sa amin na iyong mga alipin;
alisin mo ang kanilang kapangyarihan,
at durugin ang kanilang lakas.
22Ipakita mong ikaw lamang ang Panginoong Diyos
na makapangyarihan at dakila sa buong sanlibutan.”
23Ang mga alipin ng hari na naghagis sa tatlong kabataang lalaki sa pugon ay patuloy na naghahagis doon ng mga pampaningas: langis, alkitran, dayami at mga sanga ng kahoy, 24anupa't tumaas nang mahigit dalawampu't dalawang metro ang apoy. 25Lumabas ang ningas at nasunog ang mga taga-Babilonia na nakatayo malapit sa pugon. 26Ngunit#Tob. 5:4. bumabâ ang isang anghel ng Panginoon at sinamahan ang tatlong kabataan. Itinulak ng anghel ang apoy papalayo sa tatlo 27at ginawang sa paligid nila'y tila may umiihip na napakalamig na hanging parang hamog. Kaya't hindi sila nalapatan ng apoy o nasaktan dahil dito.
Ang Awit ng Tatlong Kabataan
28Habang naroon sa loob ng pugon, ang tatlong kabataan ay sama-samang nagpuri at nagparangal sa Diyos,
29“Pinupuri ka namin, Panginoon; Diyos ng aming mga ninuno;
karapat-dapat po kayong parangalan
at dakilain magpakailanman!
30Purihin po ang iyong marangal at banal na pangalan.
Nararapat kang purihin at parangalan magpakailanman.
31Purihin ka sa iyong banal at marangal na tahanan;
lubhang karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
32Purihin ka mula sa iyong luklukan sa ibabaw ng mga kerubin,
nakikita po ninyo ang kalaliman, ang daigdig ng mga patay.
Karapat-dapat kang purihin at dakilain magpakailanman.
33Purihin ka, na nakaupo sa maningning mong trono,
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
34Purihin ka sa buong sangkalangitan;
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
35“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilikha;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
36Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat, mga kalangitan;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
37Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga anghel ng Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
38Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga tubig sa ibabaw ng langit;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
39Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na bumubuo ng kanyang hukbo;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
40Purihin ninyo ang Panginoon, araw at buwan;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
41Purihin ninyo ang Panginoon, mga bituin sa langit;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
42“Purihin ninyo ang Panginoon, mga ulan at hamog;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
43Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng hanging umiihip sa buong daigdig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
44Purihin ninyo ang Panginoon, apoy at init;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
45Purihin ninyo ang Panginoon, matinding lamig at nakakapasong init;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
46Purihin ninyo ang Panginoon, mga hamog at yelong nalalaglag;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
47Purihin ninyo ang Panginoon, mga gabi at mga araw;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
48Purihin ninyo ang Panginoon, liwanag at kadiliman;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
49Purihin ninyo ang Panginoon, yelo at ginaw;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
50Purihin ninyo ang Panginoon, yelo at taglamig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
51Purihin ninyo ang Panginoon, mga kidlat at mga ulap;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
52“O lupa, dakilain mo ang Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
53Purihin ninyo ang Panginoon, mga bundok at mga burol;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
54Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng tumutubo sa lupa;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
55Purihin ninyo ang Panginoon, mga dagat at mga ilog;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
56Purihin ninyo ang Panginoon, mga batis at mga bukal;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
57Purihin ninyo ang Panginoon, mga balyena at lahat ng nilikhang nasa tubig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
58Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng ibon sa himpapawid;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
59Purihin ninyo ang Panginoon, mga kawan at maiilap na hayop;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
60“Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng tao sa daigdig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
61Purihin ninyo ang Panginoon, bansang Israel;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
62Purihin ninyo ang Panginoon, mga paring naglilingkod sa Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
63Purihin ninyo ang Panginoon, mga lingkod ng Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
64Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga tapat;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
65Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga banal at mapagpakumbaba;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
66Purihin ninyo ang Panginoon, Hananias, Azarias, at Misael;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Sapagkat hinango niya tayo sa daigdig ng mga patay; iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kamatayan.
Hinango niya tayo sa nagliliyab na pugon;
iniligtas niya tayo sa apoy.
67Pasalamatan natin ang Panginoon sapagkat napakabuti niya;
nananatili magpakailanman ang kanyang habag.
68Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na sumasamba sa kanya;
awitan siya ng papuri, ang Diyos ng mga diyos.
Pasalamatan natin siya dahil sa habag niyang walang hanggan.”
Currently Selected:
Awit ng Tatlong Kabataan 1: MBBTAG12
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
New Testament © 2012 Philippine Bible Society
Old Testament © 2005 Philippine Bible Society