YouVersion Logo
Search Icon

Ruth 2

2
Si Ruth sa Bukid ni Boaz
1-3Isang#Lev. 19:9-10; Deut. 24:19. araw, sinabi ni Ruth kay Naomi, “Pupunta po ako sa bukid at mamumulot ng mga uhay na naiiwan ng mga gumagapas. Doon ako sa may likuran ng sinumang papayag.”
Sumagot si Naomi, “Ikaw ang bahala, anak.” Kaya't si Ruth ay nagpunta sa bukid at namulot ng mga uhay, kasunod ng mga gumagapas. Nagkataong ang napuntahan niya ay ang bukid ni Boaz, isang kamag-anak ni Elimelec na napakayaman at iginagalang sa kanilang bayan.
4Di nagtagal, dumating naman si Boaz mula sa Bethlehem. “Sumainyo si Yahweh,” ang bati niya sa mga gumagapas.
“Pagpalain naman kayo ni Yahweh!” sagot nila.
5Nang makita si Ruth, itinanong ni Boaz sa katiwala, “Sino ang babaing iyon?”
6“Siya po ang Moabitang kasama ni Naomi nang umuwi rito mula sa Moab,” sagot ng katiwala. 7“Nakiusap po siyang makapamulot ng nalaglag na mga uhay. Pinayagan ko naman. Kaya't maagang-maaga pa'y naririto na siya. Katitigil lamang niya para magpahinga sandali.”
8Nilapitan ni Boaz si Ruth at kinausap, “Anak, huwag ka nang pupunta sa ibang bukid. Dito ka na lamang mamulot kasama ng aking mga manggagawang babae. 9Tingnan mo kung saan sila gumagapas, at sumunod ka. Sinabi ko na sa mga tauhan ko na huwag kang gambalain. At kung ikaw ay nauuhaw, malaya kang uminom ng tubig mula sa aking banga.”
10Nagpatirapa si Ruth, bilang pagbibigay-galang, at nagtanong, “Ako po ay isang dayuhan, bakit po napakabuti ninyo sa akin?”
11Sumagot si Boaz, “Nabalitaan ko ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula nang mamatay ang iyong asawa. Alam ko ring iniwan mo ang iyong mga magulang at sariling bayan upang manirahan sa isang lugar na wala kang kakilala. 12Pagpalain ka nawa ni Yahweh dahil sa iyong ginawa. Gantimpalaan ka nawa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sapagkat sa kanya ka lumapit at nagpakupkop!” 13Sumagot si Ruth, “Salamat po. Pinalakas ninyo ang aking loob sa inyong sinabi. Kahit ako'y isang hamak na lingkod at sa katunaya'y hindi kabilang sa inyong mga manggagawa, naging mabuti kayo sa akin.”
14Nang dumating ang oras ng pagkain, tinawag ni Boaz si Ruth, “Halika rito. Kumuha ka ng tinapay at isawsaw mo sa sarsa.” Kaya't umupo na siyang kasama ng mga manggagawa, at binigyan siya ni Boaz ng inihaw na sebada. Kumain naman si Ruth hanggang sa mabusog. May natira pa sa pagkaing ibinigay sa kanya. 15Nang ipagpatuloy niya ang pamumulot, pinagbilinan ni Boaz ang mga manggagawa, “Hayaan ninyo siyang mamulot kahit sa tabi ng mga binigkis na uhay. Huwag ninyo siyang babawalan. 16Maglaglag kayo ng mga uhay mula sa binigkis para may mapulot siya.”
17Si Ruth ay namulot hanggang gabi, at pagkatapos ay giniik niya ang kanyang napulot. Halos limang salop na sebada ang nakuha niya. 18Umuwi si Ruth at ipinakita sa kanyang biyenan ang naipong sebada, at ibinigay pa niya sa matanda ang lumabis niyang pagkain. 19Nagtanong si Naomi, “Saang bukid ka ba namulot ngayon? Pagpalain nawa ng Diyos ang taong nagmagandang-loob sa iyo!” At ikinuwento ni Ruth ang nangyari sa kanya sa bukid ni Boaz. 20Kaya't#Lev. 25:25. sinabi ni Naomi, “Pagpalain nawa siya ni Yahweh na hindi nakakalimot sa kanyang pangako sa mga buháy at sa mga patay.” Idinugtong pa niya, “Malapit nating kamag-anak ang taong iyon, isa sa mga may tungkuling mangalaga sa naiwan ng mga yumao.”
21Nagpatuloy ng pagsasalaysay si Ruth, “Sinabi pa niyang magpatuloy akong mamulot sa kanyang bukid hanggang sa matapos ang anihan niya.”
22Sumagot si Naomi, “Oo nga, anak. Baka mapahamak ka lamang kung sa ibang bukid ka pupunta. Mabuti ngang manatili kang kasama ng kanyang mga manggagawang babae.” 23Ganoon nga ang nangyari. Namulot si Ruth kasama ng mga gumagapas sa bukid ni Boaz, hanggang sa maaning lahat ang trigo at ang sebada. At namuhay siya sa piling ng kanyang biyenan.

Currently Selected:

Ruth 2: MBBTAG12

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in