Mga Hukom 19
19
Ang Levita at ang Kanyang Asawang-lingkod
1Nang panahong wala pang hari ang Israel, may isang Levita sa malayong bulubundukin ng Efraim. Kumuha siya ng isang babaing taga-Bethlehem, Juda at ginawa niyang asawang-lingkod. 2Subalit nagalit sa kanya ang babae at#19:2 nagalit…babae at: Sa ibang manuskrito'y nagtaksil sa kanya ang babae kaya't. umuwi sa mga magulang nito sa Bethlehem. Nanatili ito roon nang apat na buwan. 3Naisipan naman ng Levita na puntahan ang asawa at himuking makisamang muli sa kanya. Nagpagayak siya ng dalawang asno at lumakad na kasama ang isang katulong. Pagdating doon, pinatuloy sila ng babae at malugod na tinanggap ng biyenang lalaki. 4Pinilit pa siyang tumigil doon, kaya nanatili siya roon nang tatlong araw. 5Nang ikaapat na araw, maaga silang gumising at naghanda sa pag-uwi. Ngunit sinabi ng ama ng babae, “Kumain muna kayo bago lumakad para hindi kayo gutumin sa daan.”
6Nagpapigil naman sila at magkakasalo pang kumain. Pagkatapos, sinabi ng ama, “Magpabukas na kayo at lubus-lubusin na natin ang pagsasayang ito.”
7Ayaw sana niyang papigil ngunit mapilit ang pakiusap ng biyenan kaya pumayag na rin siya. 8Kinaumagahan, muli silang naghanda sa pag-uwi ngunit sinabi na naman ng ama ng babae, “Kumain muna kayo at mamaya na lumakad.” Kaya't nagsalo muli sila sa pagkain.
9Nang sila'y lalakad na, sinabi ng ama, “Lulubog na ang araw at maya-maya lang ay madilim na. Mabuti pa'y dito na muli kayo matulog at bukas na ng umagang-umaga kayo umuwi.”
10-11Ngunit hindi na pumayag ang Levita. Sa halip, tumuloy na sila. Dumidilim na nang sila'y dumating sa tapat ng Jebus, na ngayo'y Jerusalem, kaya't sinabi ng alipin, “Mabuti pa po'y tumuloy na tayo ng lunsod at doon na tayo magpalipas ng gabi.”
12Sinabi ng Levita, “Hindi tayo maaaring tumuloy sa lugar na hindi sakop ng mga Israelita. Tutuloy tayo ng Gibea. 13Halikayo at sa Gibea o sa Rama na tayo magpalipas ng gabi.” 14Kaya lumampas sila ng Jebus at nagpatuloy sa kanilang paglalakbay. Lumulubog na ang araw nang sila'y makarating sa Gibea, isang bayang sakop ng lipi ni Benjamin. 15Pumasok sila at umupo sa liwasang-bayan upang doon magpalipas ng gabi sapagkat walang nag-alok sa kanila ng matutuluyan.
16Samantalang nakaupo sila roon, may nagdaang isang matandang lalaki galing sa pagtatrabaho sa bukid. Ang matandang ito'y dating taga kaburulan ng Efraim ngunit sa Gibea na nakatira. Karamihan ng nakatira doo'y mula sa lipi ng Benjamin. 17Napansin ng matanda ang Levita sa liwasang-bayan. Nilapitan niya ito at tinanong, “Tagasaan kayo at saan kayo pupunta?”
18Sumagot ang Levita, “Galing po kami sa Bethlehem, Juda at papauwi na sa kaburulan ng Efraim. Wala po namang nag-aalok sa amin ng matutuluyan. 19Mayroon po kaming pagkain, pati ang aming mga asno. Sapat po ang dala namin para sa aking sarili, sa aking asawang-lingkod at aking alipin.”
20Sinabi ng matandang lalaki, “Sa amin na kayo magpalipas ng gabi, huwag dito sa liwasang-bayan.” 21Sumama naman sila sa matanda. Pagdating ng bahay, pinakain ng matanda ang mga asno ng kanyang panauhin. Sila naman ay naghugas ng paa, at kumain.
22Nang#Gen. 19:5-8. sila'y kasalukuyang kumakain, ang bahay ay pinaligiran ng mga tagaroong mahilig sa kalaswaan at kinalampag ang pinto. Sinabi nila sa matandang may-ari ng bahay, “Ilabas mo ang lalaking panauhin mo't makikipagtalik kami sa kanya.”
23Sumagot ang matanda, “Huwag, mga kaibigan! Napakasama ng iniisip ninyong iyan. Nakikiusap ako sa inyo na igalang naman ninyo ang taong ito sapagkat siya'y aking panauhin. 24Kung gusto ninyo, ang anak kong birhen pa o ang kanyang asawa na lang ang hilingin ninyo. Ibibigay ko sila sa inyo at gawin ninyo ang gusto ninyong gawin, huwag lang itong panauhin kong lalaki.” 25Ayaw makinig ng mga tao, kaya inilabas sa kanila ng Levita ang asawa nito, at ito'y magdamag na hinalay ng mga lalaki.
26Nang mag-uumaga na, ang babae'y nahandusay na lamang sa pintuan ng bahay ng matanda at doon na sinikatan ng araw. 27Nang buksan ng Levita ang pinto upang magpatuloy sa kanyang paglalakbay, nakita niya roon ang kanyang asawang nakadapa at ang mga kamay ay nakahawak pa sa pintuan. 28Sinabi niya, “Bangon na at uuwi na tayo.” Ngunit hindi sumasagot ang babae, kaya isinakay niya ito sa kanyang asno at nagpatuloy ng paglalakbay. 29Pagdating#1 Sam. 11:7. sa kanyang bahay, kumuha siya ng kutsilyo at pinagputul-putol niya sa labindalawang piraso ang bangkay ng asawa at ipinadala sa buong Israel. 30Lahat ng makakita rito'y nagsabi, “Wala pang nangyaring ganito buhat nang umalis sa Egipto ang mga Israelita. Ano ang dapat nating gawin?”
Currently Selected:
Mga Hukom 19: MBBTAG12
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
New Testament © 2012 Philippine Bible Society
Old Testament © 2005 Philippine Bible Society