YouVersion Logo
Search Icon

RUTH 4

4
Tinubos ni Boaz ang Mana ni Elimelec
1Si Boaz ay nagtungo sa pintuang-bayan at naupo roon. Hindi nagtagal, ang malapit na kamag-anak na sinabi ni Boaz ay dumaan. Sinabi niya sa lalaking iyon “Halika, kaibigan. Maupo ka rito.” Siya'y lumapit at naupo.
2Siya'y kumuha ng sampung lalaki sa matatanda ng bayan, at sinabi, “Maupo kayo rito.” Kaya't sila'y naupo.
3Pagkatapos ay sinabi niya sa malapit na kamag-anak, “Si Naomi na bumalik na galing sa lupain ng Moab ay ipinagbibili ang bahagi ng lupa, na pag-aari ng ating kamag-anak na si Elimelec.
4Kaya't aking inisip na sabihin sa iyo na, “Bilhin mo sa harap ng mga nakaupo rito, at sa harap ng matatanda ng aking bayan. Kung iyong tutubusin ay tubusin mo; ngunit kung hindi mo tutubusin ay sabihin mo, upang malaman ko. Sapagkat wala ng iba pang tutubos liban sa iyo, at ako ang sumusunod sa iyo.” At sinabi niya, “Aking tutubusin.”
5Nang magkagayo'y sinabi ni Boaz, “Sa araw na iyong bilhin ang bukid sa kamay ni Naomi, iyo ring binibili si Ruth na Moabita, na asawa ng namatay, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kanyang mana.”
6At sinabi ng malapit na kamag-anak, “Hindi ko ito matutubos para sa aking sarili, baka masira ang aking sariling mana. Iyo na ang aking karapatan ng pagtubos, sapagkat hindi ko ito matutubos.”
7Ito#Deut. 25:9 ang kaugalian nang unang panahon sa Israel tungkol sa pagtubos at tungkol sa pagpapalitan upang pagtibayin ang lahat ng mga bagay. Hinuhubad ng isa ang kanyang panyapak at ibinibigay sa kanyang kapwa; at ito ang paraan ng pagpapatotoo sa Israel.
8Kaya't nang sabihin ng malapit na kamag-anak kay Boaz, “Bilhin mo para sa iyo,” ay hinubad niya ang kanyang panyapak.
9Sinabi ni Boaz sa matatanda at sa buong bayan, “Kayo'y mga saksi sa araw na ito, na aking binili ang lahat ng kay Elimelec, lahat ng kay Chilion at kay Malon, mula sa kamay ni Naomi.
10Bukod#Deut. 25:5, 6 dito'y si Ruth na Moabita na asawa ni Malon, ay aking binili upang aking maging asawa, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kanyang mana, upang ang pangalan ng namatay ay huwag matanggal sa gitna ng kanyang mga kapatid, at sa pintuang-bayan ng kanyang sinilangan. Kayo'y mga saksi sa araw na ito.”
11Pagkatapos,#Gen. 29:31 ang buong bayan na nasa pintuang-bayan at ang matatanda ay nagsabi, “Kami ay mga saksi. Gawin nawa ng Panginoon na ang babaing papasok sa iyong bahay na maging gaya nina Raquel at Lea na sila ang nagtatag ng sambahayan ni Israel. Maging makapangyarihan ka nawa sa Efrata at maging bantog sa Bethlehem.
12Ang#Gen. 38:27-30 iyong sambahayan ay maging gaya ng sambahayan ni Perez na ipinanganak ni Tamar kay Juda, dahil sa mga anak na ibibigay ng Panginoon sa iyo sa pamamagitan ng kabataang babaing ito.”
Si Ruth ay Naging Asawa ni Boaz
13Kaya't kinuha ni Boaz si Ruth. Siya'y naging kanyang asawa; at siya'y sumiping sa kanya, pinagdalang-tao siya ng Panginoon, at siya'y nanganak ng isang lalaki.
14Sinabi ng mga babae kay Naomi, “Purihin ang Panginoon na hindi ka pinabayaan sa araw na ito na mawalan ng isang malapit na kamag-anak. Maging bantog nawa ang kanyang pangalan sa Israel.
15Siya sa iyo'y magiging tagapagpanumbalik ng buhay, at tagapag-alaga sa iyong katandaan; sapagkat ang iyong manugang na babae na nagmamahal sa iyo, na para sa iyo ay higit pa kaysa pitong anak na lalaki, ay nagsilang sa kanya.”
16Kinuha ni Naomi ang bata, inihilig sa kanyang kandungan, at siya'y naging tagapag-alaga nito.
17Binigyan ng pangalan ang bata ng mga babaing kanyang kapitbahay, na sinasabi, “May isang lalaki na ipinanganak kay Naomi.” At tinawag nila ang pangalan niya na Obed. Siya ang ama ni Jesse na ama ni David.”
18Ito ang mga salinlahi ni Perez: naging anak ni Perez si Hesron;
19naging anak ni Hesron si Ram, naging anak ni Ram si Aminadab;
20naging anak ni Aminadab si Naashon, naging anak ni Naashon si Salmon:
21naging anak ni Salmon si Boaz, naging anak ni Boaz si Obed;
22naging anak ni Obed si Jesse, at naging anak ni Jesse si David.

Currently Selected:

RUTH 4: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in