YouVersion Logo
Search Icon

MGA AWIT 39

39
Sa Punong Mang-aawit: kay Jedutun. Awit ni David.
1Aking sinabi, “Ako'y mag-iingat sa aking mga lakad,
upang huwag akong magkasala sa aking dila;
iingatan ko ang aking bibig na parang binusalan,
hangga't ang masasama ay nasa aking harapan.”
2Ako'y tumahimik at napipi,
ako'y tumahimik pati sa mabuti;
lalong lumubha ang aking pighati,
3ang puso ko'y uminit sa aking kalooban.
Samantalang ako'y nagbubulay-bulay, ang apoy ay nagningas,
pagkatapos sa aking dila ako ay bumigkas:
4Panginoon, ipaalam mo sa akin ang aking katapusan,
at kung ano ang sukat ng aking mga araw;
ipaalam sa akin kung gaano kadaling lumipas ang aking buhay!
5Narito, ang aking mga araw ay ginawa mong iilang mga dangkal,
at sa paningin mo'y tulad sa wala ang aking buhay.
Tunay na bawat tao'y nakatayong gaya ng isang hininga lamang. (Selah)
6Tunay na ang tao ay lumalakad na gaya ng anino!
Tunay na sila'y nagkakagulo nang walang kabuluhan;
ang tao ay nagbubunton, at hindi nalalaman kung sinong magtitipon!
7“At ngayon, Panginoon, sa ano pa ako maghihintay?
Ang aking pag-asa ay nasa iyo.
8Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsuway.
Huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.
9Ako'y pipi, hindi ko ibinubuka ang bibig ko,
sapagkat ikaw ang gumawa nito.
10Paghampas sa akin ay iyo nang tigilan,
ako'y bugbog na sa mga suntok ng iyong kamay.
11Kapag pinarurusahan mo ang tao nang may pagsaway sa pagkakasala,
iyong tinutupok na gaya ng bukbok ang mahalaga sa kanya;
tunay na ang bawat tao ay isa lamang hininga! (Selah)
12“Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
at iyong dinggin ang aking daing;
huwag kang manahimik sa aking mga luha!
Sapagkat ako'y dayuhan na kasama mo,
isang manlalakbay gaya ng lahat na aking mga ninuno.
13Ilayo mo ang iyong tingin sa akin, upang muli akong makangiti,
bago ako umalis at mapawi!”

Currently Selected:

MGA AWIT 39: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in