MGA KAWIKAAN 31
31
Payo sa Hari
1Ang mga salita ni Haring Lemuel; na itinuro sa kanya ng kanyang ina:
2Ano, anak ko? Ano, O anak ng aking bahay-bata?
Ano, O anak ng aking mga panata?
3Huwag mong ibigay ang iyong lakas sa mga babae,
o ang iyong mga lakad sa mga lumilipol ng mga hari.
4Hindi para sa mga hari, O Lemuel,
hindi para sa mga hari ang uminom ng alak,
ni para sa mga pinuno ang magnais ng matapang na alak;
5baka sila'y uminom, at makalimutan ang itinakdang kautusan,
at baluktutin ang karapatan ng lahat ng nahihirapan.
6Bigyan mo ng matapang na inumin ang malapit nang mamatay,
at ng alak ang nasa mapait na kaguluhan;
7hayaan silang uminom at lumimot sa kanilang kahirapan,
at huwag nang alalahanin pa ang kanilang kasawian.
8Buksan mo ang iyong bibig alang-alang sa pipi,
para sa karapatan ng lahat ng naiwang walang kandili.
9Buksan mo ang iyong bibig, humatol ka nang may katuwiran,
at ipagtanggol mo ang karapatan ng dukha at nangangailangan.
Ang Huwarang Maybahay
10Sinong makakatagpo ng isang butihing babae?
Sapagkat siya'y higit na mahalaga kaysa mga batong rubi.
11Ang puso ng kanyang asawa, sa kanya'y nagtitiwala,
at siya'y#31:11 o ang asawang lalaki'y. hindi kukulangin ng mapapala.
12Gumagawa siya ng mabuti sa kanya#31:12 o sa lalaki. at hindi kasamaan
sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.
13Siya'y#31:13 o Ang babae'y. humahanap ng balahibo ng tupa at lino,
at kusang-loob ang kanyang mga kamay ay nagtatrabaho.
14Siya'y gaya ng mga sasakyang dagat ng mangangalakal,
nagdadala siya ng kanyang pagkain mula sa kalayuan.
15Siya'y bumabangon samantalang gabi pa,
at naghahanda ng pagkain para sa kanyang pamilya,
at nagtatakda ng mga gawain sa mga babaing alila niya.
16Tinitingnan niya ang isang bukid at ito'y binibili niya,
sa bunga ng kanyang mga kamay ay nagtatanim siya ng ubasan.
17Binibigkisan niya ng lakas ang kanyang mga balakang,
at pinalalakas ang kanyang mga bisig.
18Kanyang nababatid na kikita ang kanyang kalakal,
ang kanyang ilaw sa gabi ay hindi namamatay.
19Kanyang inilalagay ang kanyang mga kamay sa panulid,
at ang kanyang mga kamay ay humahawak ng panghabi.
20Binubuksan niya sa mga dukha ang kanyang kamay,
iniaabot niya ang kanyang mga kamay sa nangangailangan.
21Hindi siya natatakot sa niyebe para sa sambahayan niya,
sapagkat ang buo niyang sambahayan ay nakadamit na pula.
22Gumagawa siya ng mga saplot para sa sarili,
ang kanyang pananamit ay pinong lino at kulay-ube.
23Kilala ang kanyang asawa sa mga pintuang-bayan,
kapag siya'y nauupong kasama ng matatanda sa lupain.
24Gumagawa siya ng mga kasuotang lino at ito'y ipinagbibili,
at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga negosyante.
25Kalakasan at dangal ang kanyang kasuotan,
at ang panahong darating ay kanyang tinatawanan.
26Binubuka niya ang kanyang bibig na may karunungan;
at nasa kanyang dila ang aral ng kabaitan.
27Kanyang tinitingnang mabuti ang mga lakad ng kanyang sambahayan,
at hindi siya kumakain ng tinapay ng katamaran.
28Tumatayo ang kanyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad;
gayundin ang kanyang asawa, at kanyang pinupuri siya:
29“Maraming anak na babae ang nakagawa ng kabutihan,
ngunit silang lahat ay iyong nahigitan.”
30Ang alindog ay madaya, at ang ganda ay walang kabuluhan,
ngunit ang babaing natatakot sa Panginoon ay papupurihan.
31Bigyan siya ng bunga ng kanyang mga kamay,
at purihin siya ng kanyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.
Currently Selected:
MGA KAWIKAAN 31: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001