YouVersion Logo
Search Icon

MGA KAWIKAAN 25

25
Mga Paghahambing at Aral sa Buhay
1Ang mga ito ay mga kawikaan din ni Solomon, na sinipi ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.
2Kaluwalhatian ng Diyos na ang mga bagay ay ilihim,
ngunit kaluwalhatian ng mga hari na ang mga bagay ay saliksikin.
3Gaya ng langit sa kataasan, at ng lupa sa kalaliman,
gayon ang isipan ng mga hari ay di masiyasat.
4Ang dumi sa pilak ay iyong alisin,
at ang panday para sa isang kasangkapan ay may gagamitin;
5alisin ang taong masama sa harapan ng hari,
at ang kanyang luklukan ay matatatag sa katuwiran.
6Sa#Lu. 14:8-10 harapan ng hari ay huwag kang mangunguna,
at huwag kang tatayo sa lugar ng mga taong dakila,
7sapagkat mas mabuting sabihan ka, “Umakyat ka rito,”
kaysa ibaba ka sa harapan ng pangulo.
Ang nakita ng iyong mga mata,
8huwag mo kaagad dalhin sa hukuman;
sapagkat anong gagawin mo sa wakas niyon,
kapag ikaw ay hiniya ng iyong kapwa?
9Ipaglaban mo ang iyong usapin sa harap ng iyong kapwa,
at huwag mong ihayag ang lihim ng iba;
10baka ang nakakarinig sa iyo ay dalhan ka ng kahihiyan,
at hindi magwakas ang iyong kasiraan.
11Ang naaangkop na salitang binitawan,
ay gaya ng mga mansanas na ginto sa pilak na lalagyan.
12Tulad ng singsing na ginto, at palamuting gintong dalisay,
sa nakikinig na tainga ang pantas na tagasaway.
13Tulad ng lamig ng niyebe sa panahon ng anihan,
ang tapat na sugo sa kanila na nagsugo sa kanya,
sapagkat kanyang pinagiginhawa ang espiritu ng mga panginoon niya.
14Tulad ng mga ulap at hangin na walang ulan,
ang taong naghahambog ng kanyang kaloob na hindi niya ibinibigay.
15Sa pamamagitan ng pagtitiyaga maaaring mahikayat ang pinuno,
at ang malumanay na dila ay bumabali ng buto.
16Kung nakasumpong ka ng pulot, kumain ka ng sapat sa iyo,
baka ikaw ay masuya, at ito'y isuka mo.
17Dapat paminsan-minsan lamang ang paa mo sa bahay ng iyong kapwa,
baka siya'y magsawa sa iyo, at kamuhian ka.
18Ang taong sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanyang kapwa-tao
ay tulad ng batuta, o isang tabak, o ng isang matulis na palaso.
19Ang pagtitiwala sa taong di-tapat sa panahon ng kagipitan,
ay gaya ng sirang ngipin, at ng paang nabalian.
20Ang umaawit ng mga awit sa pusong mabigat,
ay tulad ng nag-aalis ng damit sa panahon ng tagginaw, at tulad ng suka sa sugat.
21Kung#Ro. 12:20 ang iyong kaaway ay gutom, bigyan mo siya ng makakain;
at kung siya'y uhaw, bigyan mo siya ng tubig na iinumin;
22sapagkat magbubunton ka sa ulo niya ng mga baga ng apoy,
at gagantimpalaan ka ng Panginoon.
23Ang hanging amihan ay ulan ang hatid;
at ang mapanirang-dila, mga tingin na may galit.
24Mas mabuti ang tumira sa isang sulok ng bubungan,
kaysa sa isang bahay na kasama ng isang babaing palaaway.
25Tulad ng malamig na tubig sa uhaw na kaluluwa,
gayon ang mabuting balita na sa malayong lupain nagmula.
26Tulad ng malabong balon at maruming bukal,
ang taong matuwid na sa masama'y nagbibigay-daan.
27Ang kumain ng napakaraming pulot ay hindi mabuti,
at hindi kapuri-puri na hanapin ang papuri sa sarili.
28Siyang hindi nagpipigil ng kanyang sarili,
ay parang lunsod na winasak at walang pader na nalabi.

Currently Selected:

MGA KAWIKAAN 25: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in