YouVersion Logo
Search Icon

MGA BILANG 3

3
Ang mga Pari at Levita ay Ibinukod
1Ito ang mga salinlahi nina Aaron at Moises, nang araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai.
2Ito#Bil. 26:60 ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron: si Nadab ang panganay, kasunod sina Abihu, Eleazar, at Itamar.
3Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron, na mga paring binuhusan ng langis, na kanyang itinalaga upang maglingkod bilang mga pari.
4Subalit#Lev. 10:1, 2; Bil. 26:61 sina Nadab at Abihu ay namatay sa harap ng Panginoon nang sila'y maghandog ng kakaibang apoy sa harap ng Panginoon sa ilang ng Sinai, at sila'y walang anak. Kaya't sina Eleazar at Itamar ay nanungkulan bilang mga pari sa harap ni Aaron na kanilang ama.
5Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6“Ilapit mo ang lipi ni Levi, at ilagay mo sila sa harap ng paring si Aaron upang sila'y maglingkod sa kanya.
7Kanilang gaganapin ang katungkulan para sa kanya, at sa buong sambayanan sa harap ng toldang tipanan habang sila'y naglilingkod sa tabernakulo.
8At kanilang iingatan ang lahat ng kasangkapan ng toldang tipanan at ang katungkulan ng mga anak ni Israel habang sila'y naglilingkod sa tabernakulo.
9Iyong ibibigay ang mga Levita kay Aaron at sa kanyang mga anak. Sila'y lubos na ibinigay sa kanya mula sa mga anak ni Israel.
10Iyong itatalaga si Aaron at ang kanyang mga anak, at kanilang gaganapin ang kanilang pagkapari; at ang ibang lalapit ay papatayin.”
11Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
12“Kinuha ko ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel sa halip na ang mga panganay na nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel. Ang mga Levita ay magiging akin.
13Lahat#Exo. 13:2 ng mga panganay ay akin, nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay aking itinalaga para sa akin ang lahat ng mga panganay sa Israel, maging tao at hayop man. Sila'y magiging akin; ako ang Panginoon.”
Ang Bilang at Katungkulan ng mga Levita
14Nagsalita ang Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, na sinasabi,
15“Bilangin mo ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at mga angkan; bawat lalaki mula isang buwang gulang pataas ay bibilangin mo.”
16Kaya't sila'y binilang ni Moises ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos sa kanya.
17Ito ang mga naging anak ni Levi ayon sa kanilang mga pangalan: sina Gershon, Kohat, at Merari.
18Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Gershon ayon sa kanilang mga angkan: si Libni at si Shimei.
19Ang mga anak ni Kohat ayon sa kanilang mga angkan ay sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel.
20Ang mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan ay sina Mahli at Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
21Kay Gershon galing ang angkan ng mga Libnita, at ang angkan ng mga Shimeita; ito ang mga angkan ng mga Gershonita.
22Ang nabilang sa kanila, ayon sa bilang ng lahat ng mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas, ay pitong libo at limang daan.
23Ang mga angkan ng mga Gershonita ay magkakampo sa likuran ng tabernakulo sa dakong kanluran.
24Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga Gershonita ay si Eliasaf na anak ni Lael.
25Ang magiging katungkulan ng mga anak ni Gershon sa toldang tipanan ay ang tabernakulo, ang tolda at ang takip nito at ang tabing sa pintuan ng toldang tipanan,
26ang mga tabing ng bulwagan at ng pintuan ng bulwagan na nasa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at ang mga tali niyon na nauukol sa buong paglilingkod doon.
27Mula kay Kohat ang angkan ng mga Amramita at mga Izarita, at mga Hebronita, at mga Uzielita. Ito ang mga angkan ng mga Kohatita.
28Ayon sa bilang ng lahat na mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas ay walong libo at animnaraang gumaganap ng katungkulan sa santuwaryo.
29Ang mga angkan ng mga anak ni Kohat ay magkakampo sa tagiliran ng tabernakulo, sa gawing timog.
30Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga angkan ng mga Kohatita ay si Elisafan na anak ni Uziel.
31Ang pangangasiwaan nila ay ang kaban, hapag, ilawan, mga dambana, mga kasangkapan ng santuwaryo na kanilang ginagamit sa paglilingkod, at tabing—lahat ng paglilingkod na may kinalaman sa mga ito.
32Si Eleazar na anak ng paring si Aaron ay siyang magiging pinuno ng mga pinuno ng mga Levita at mamamahala sa mga may tungkulin sa santuwaryo.
33Mula kay Merari ang angkan ng mga Mahlita at angkan ng mga Musita: ito ang mga angkan ni Merari.
34Ang nabilang sa kanila ayon sa bilang ng lahat na mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas ay anim na libo at dalawandaan.
35Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga angkan ni Merari ay si Suriel na anak ni Abihail. Sila'y magkakampo sa tagiliran ng tabernakulo sa gawing hilaga.
36Ang pangangasiwaan ng mga anak ni Merari ay ang mga balangkas ng tabernakulo, ang mga biga, ang mga haligi, ang mga patungan, at ang lahat ng kasangkapan—lahat ng paglilingkod doon na may kinalaman sa mga ito;
37gayundin ang mga haligi sa palibot ng bulwagan, mga patungan, mga tulos, at mga tali ng mga iyon.
38Ang lahat ng magkakampo sa harap ng tabernakulo sa gawing silangan, sa harap ng toldang tipanan, sa dakong sinisikatan ng araw ay sina Moises at Aaron, at ang kanyang mga anak na mamamahala ng katungkulan sa santuwaryo, upang gampanan ang anumang dapat gawin para sa mga anak ni Israel, at ang sinumang ibang lalapit ay papatayin.
39Ang lahat ng nabilang sa mga Levita na binilang nina Moises at Aaron sa utos ng Panginoon ayon sa kanilang mga angkan, lahat ng lalaki mula sa isang buwang gulang pataas ay dalawampu't dalawang libo.
40At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bilangin mo ang lahat ng mga lalaking panganay sa mga anak ni Israel mula sa isang buwang gulang pataas, at kunin mo ang kanilang bilang ng ayon sa kanilang mga pangalan.
41Iuukol mo sa akin ang mga Levita (ako ang Panginoon) sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel; at ang mga hayop ng mga Levita sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga hayop ng mga anak ni Israel.”
42Kaya't binilang ni Moises ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel, gaya ng iniutos sa kanya ng Panginoon.
43Lahat ng mga panganay na lalaki ayon sa bilang ng mga pangalan, mula sa isang buwang gulang pataas, doon sa nabilang sa kanila ay dalawampu't dalawang libo dalawandaan at pitumpu't tatlo.
Pantubos sa mga Panganay
44At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
45“Kunin mo ang mga Levita sa halip ng lahat na mga panganay sa mga anak ni Israel, at ang mga hayop ng mga Levita sa halip ng kanilang mga hayop, at ang mga Levita ay magiging akin; ako ang Panginoon.
46Bilang pantubos sa dalawandaan at pitumpu't tatlong panganay ng mga anak ni Israel na higit sa bilang ng mga lalaking Levita,
47ay kukuha ka ng limang siklo#3:47 Tingnan sa Talaan ng mga Timbang at Sukat. para sa bawat isa ayon sa ulo; ayon sa siklo ng santuwaryo ay kukunin mo (ang isang siklo ay dalawampung gera#3:47 Tingnan sa Talaan ng mga Timbang at Sukat.).
48Ibibigay mo kay Aaron at sa kanyang mga anak ang salapi bilang pantubos sa humigit sa bilang.”
49At kinuha ni Moises ang salaping pantubos sa mga hindi natubos ng mga Levita,
50mula sa mga panganay ng mga anak ni Israel kinuha niya ang salapi; isang libo tatlong daan at animnapu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo.
51At ibinigay ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak ang salaping pantubos ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Currently Selected:

MGA BILANG 3: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in