NEHEMIAS 12
12
Ang Talaan ng mga Pari at mga Levita
1Ang mga ito ang mga pari at ang mga Levita na umahong kasama ni Zerubabel na anak ni Shealtiel, at ni Jeshua: sina Seraya, Jeremias, Ezra;
2Amarias; Malluc, Hatus;
3Shecanias, Rehum, Meremot;
4Iddo, Ginetoi, Abias;
5Mijamin, Maadias, Bilga;
6Shemaya, Joiarib, Jedias;
7Sallu, Amok, Hilkias, at si Jedias. Ang mga ito ang mga puno ng mga pari at ng kanilang mga kapatid sa mga araw ni Jeshua.
8At ang mga Levita: sina Jeshua, Binui, Cadmiel, Sherebias, Juda, at Matanias, na kasama ng kanyang mga kapatid na namahala sa mga awit ng pasasalamat.
9Sina Bakbukias at Uni na kanilang mga kapatid ay tumayong kaharap nila sa paglilingkod.
10Si Jeshua ay siyang ama ni Joiakim, si Joiakim ay ama ni Eliasib, si Eliasib ang ama ni Joiada,
11si Joiada ang ama ni Jonathan at si Jonathan ang ama ni Jadua.
Mga Puno ng Angkan ng mga Pari
12At sa mga araw ni Joiakim ay ang mga pari, na mga puno ng mga sambahayan ng mga magulang: kay Seraya, si Meraias; kay Jeremias, si Hananias;
13kay Ezra, si Mesulam; kay Amarias, si Jehohanan;
14kay Melica, si Jonathan; kay Sebanias, si Jose;
15kay Harim, si Adna; kay Meraiot, si Helcai;
16kay Iddo, si Zacarias; kay Gineton, si Mesulam;
17kay Abias, si Zicri; kay Miniamin, kay Moadias, si Piltai;
18kay Bilga, si Samua; kay Shemaya, si Jonathan;
19at kay Joiarib, si Matenai; kay Jedias, si Uzi;
20kay Sallai, si Kallai; kay Amok, si Eber;
21Kay Hilkias, si Hashabias; kay Jedias, si Natanael.
Talaan ng Sambahayan ng mga Pari at mga Levita
22Tungkol sa mga Levita, sa mga araw nina Eliasib, Joiada, Johanan, at ni Jadua, ay naitala ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno; gayundin ang mga pari hanggang sa paghahari ni Dario na taga-Persia.
23Ang mga anak ni Levi, na mga puno ng mga sambahayan ng mga magulang ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan hanggang sa mga araw ni Johanan na anak ni Eliasib.
Ang Pagbabaha-bahagi ng mga Gawain sa Templo
24Ang mga puno ng mga Levita: sina Hashabias, Sherebias, at si Jeshua na anak ni Cadmiel, at ang kanilang mga kapatid na naglingkod sa tapat nila upang magpuri at magpasalamat, ayon sa utos ni David na tao ng Diyos, pangkat sa bawat pangkat.
25Sina Matanias, Bakbukias, Obadias, Mesulam, Talmon, at Akub ay mga bantay-pinto, na nagbabantay sa mga kamalig na nasa malapit sa pintuan.
26Ang mga ito'y sa mga araw ni Joiakim na anak ni Jeshua, na anak ni Josadak, at sa mga araw ni Nehemias na tagapamahala at ng paring si Ezra na eskriba.
Itinalaga ni Nehemias ang Pader ng Lunsod
27Sa pagtatalaga ng pader ng Jerusalem ay kanilang hinanap ang mga Levita sa lahat nilang mga dako, upang dalhin sila sa Jerusalem at ipagdiwang ang pagtatalaga na may kagalakan, may mga pagpapasalamat at may mga awitan, may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa.
28Ang mga anak ng mga mang-aawit ay sama-samang nagtipon mula sa kapatagan ng palibot ng Jerusalem at mula sa mga nayon ng mga Netofatita;
29at mula rin naman sa Bet-gilgal at mula sa mga bahagi ng Geba at ng Azmavet: sapagkat nagtayo para sa kanilang sarili ang mga mang-aawit ng mga nayon sa palibot ng Jerusalem.
30At ang mga pari at ang mga Levita ay naglinis ng kanilang mga sarili; at nilinis nila ang taong-bayan at ang mga pintuan at ang pader.
31Pagkatapos ay isinama ko ang mga pinuno ng Juda sa ibabaw ng pader, at humirang ng dalawang malaking pulutong na nagpasalamat at sunud-sunod na lumakad. Ang isa'y tumungo sa kanan sa ibabaw ng pader sa dako ng Pintuan ng Tapunan ng Dumi;
32at sumusunod sa kanila si Hoshaias at ang kalahati sa mga pinuno ng Juda,
33at sina Azarias, Ezra, Mesulam,
34Juda, Benjamin, Shemaya, at Jeremias,
35at ang iba sa mga anak ng mga pari na may mga trumpeta: si Zacarias na anak ni Jonathan, na anak ni Shemaya, na anak ni Matanias, na anak ni Micaya, na anak ni Zacur, na anak ni Asaf;
36at ang kanyang mga kapatid na sina Shemaya, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Natanael, Juda, at si Hanani, na may mga kagamitang panugtog ni David na tao ng Diyos; at si Ezra na eskriba ay nasa unahan nila.
37Sa Pintuang Bukal, sa harapan nila, ay umakyat sila sa pamamagitan ng mga baytang ng lunsod ni David, sa akyatan sa pader, sa ibabaw ng bahay ni David, hanggang sa Pintuan ng Tubig sa dakong silangan.
38Ang isa pang pulutong ng mga nagpapasalamat ay nagtungo sa kaliwa, at ako'y sumunod sa hulihan nila na kasama ko ang kalahati ng taong-bayan, sa ibabaw ng pader, sa itaas ng Tore ng mga Pugon, hanggang sa Maluwang na Pader;
39at sa ibabaw ng Pintuan ng Efraim, at sa tabi ng Matandang Pintuan at sa may Pintuan ng Isda, at sa Tore ng Hananel, at sa Tore ng Isandaan, hanggang sa Pintuan ng mga Tupa; at sila'y huminto sa Pintuan ng Bantay.
40Kaya't ang mga pulutong na nagpasalamat ay parehong tumayo sa bahay ng Diyos, at ako at ang kalahati sa mga pinuno na kasama ko;
41at ang mga paring sina Eliakim, Maasias, Miniamin, Micaya, Elioenai, Zacarias, at si Hananias, na may mga trumpeta;
42at si Maasias, Shemaya, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malkia, Elam, at si Eser. At ang mga mang-aawit ay nagsiawit na kasama si Jezrahias bilang kanilang pinuno.
43At sila'y naghandog ng malalaking alay nang araw na iyon, at nagalak, sapagkat sila'y pinagalak ng Diyos ng malaking pagkagalak. Ang mga babae at ang mga bata ay nagalak din. At ang kagalakan ng Jerusalem ay narinig hanggang sa malayo.
44Nang araw na iyon ay hinirang ang mga lalaki upang mangasiwa sa mga silid para sa mga imbakan, sa mga ambag, sa mga unang bunga, at sa mga ikasampung bahagi, upang tipunin sa mga iyon ang mga bahaging itinakda ng kautusan para sa mga pari at sa mga Levita ayon sa mga bukid ng mga bayan; sapagkat ang Juda ay nagalak sa mga pari at sa mga Levita na naglingkod.
45Kanilang#1 Cro. 25:1-8; 1 Cro. 26:12 ginawa ang paglilingkod sa kanilang Diyos, at ang paglilingkod ng paglilinis, gaya ng ginawa ng mga mang-aawit at mga bantay-pinto, ayon sa utos ni David, at ni Solomon na kanyang anak.
46Sapagkat sa mga araw ni David at ni Asaf nang una ay may pinuno ng mga mang-aawit, at may mga awit ng pagpupuri at pasasalamat sa Diyos.
47Ang buong Israel sa mga araw ni Zerubabel at sa mga araw ni Nehemias ay nagbigay ng mga pang-araw-araw na bahagi sa mga mang-aawit at sa mga bantay-pinto, at kanilang itinalaga sa mga Levita; at ibinukod ng mga Levita ang para sa mga anak ni Aaron.
Currently Selected:
NEHEMIAS 12: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001