YouVersion Logo
Search Icon

MARCOS 13

13
Ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo
(Mt. 24:1, 2; Lu. 21:5, 6)
1Sa paglabas niya sa templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan mo! Pagkalalaking mga bato, at pagkalalaking mga gusali!”
2Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitira ditong isa mang bato sa ibabaw ng kapwa bato na hindi ibabagsak.”
Mga Kaguluhan at Pag-uusig na Darating
(Mt. 24:3-14; Lu. 21:7-19)
3Samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, tinanong siya nang lihim nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres,
4“Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang magiging tanda kapag malapit nang maganap ang lahat ng mga bagay na ito?”
5Si Jesus ay nagsimulang magsabi sa kanila, “Mag-ingat kayo, na baka mailigaw kayo ng sinuman.
6Maraming darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako siya!’ at maililigaw nila ang marami.
7Subalit kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan, huwag kayong mabahala. Ang mga bagay na ito'y dapat mangyari ngunit hindi pa iyon ang wakas.
8Sapagkat maghihimagsik ang bansa laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian; at lilindol sa iba't ibang dako; magkakaroon ng taggutom. Ang mga ito'y pasimula lamang ng paghihirap.
9Ngunit#Mt. 10:17-20; Lu. 12:11, 12 para sa inyong mga sarili, mag-ingat kayo; sapagkat kayo'y ibibigay nila sa mga Sanhedrin at kayo'y hahampasin sa mga sinagoga. Kayo'y tatayo sa harap ng mga gobernador at ng mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila.
10At kailangan munang maipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng mga bansa.
11Kapag kayo'y dinala nila sa paglilitis at kayo'y ipinadakip, huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin, ngunit sabihin ninyo ang anumang ipagkaloob sa inyo sa oras na iyon, sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo.
12Ipagkakanulo ng kapatid sa kamatayan ang kapatid at ng ama ang kanyang anak; at maghihimagsik ang mga anak laban sa mga magulang at sila'y ipapapatay.
13Kayo#Mt. 10:22 nama'y kapopootan ng lahat dahil sa aking pangalan, ngunit ang makapagtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.
Ang Karumaldumal na Paglapastangan
(Mt. 24:15-28; Lu. 21:20-24)
14“Ngunit#Dan. 9:27; 11:31; 12:11 kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na nakatayo sa dakong hindi niya dapat kalagyan (unawain ng bumabasa), kung magkagayo'y dapat nang tumakas sa mga bundok ang mga nasa Judea.
15At#Lu. 17:31 ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba, o pumasok upang maglabas ng anuman sa kanyang bahay.
16Ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kanyang balabal.
17Kahabag-habag ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso ng mga sanggol sa mga araw na iyon!
18Subalit ipanalangin ninyo na ito'y huwag nawang mangyari sa taglamig.
19Sapagkat#Dan. 12:1; Apoc. 7:14 sa mga araw na iyon ay magkakaroon ng kapighatian, na ang gayo'y hindi pa nangyari buhat sa pasimula ng paglikha na nilalang ng Diyos hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman.
20At malibang paikliin ng Panginoon ang mga araw, walang taong#13:20 Sa Griyego ay laman. makakaligtas, ngunit dahil sa mga hinirang na kanyang pinili, pinaikli niya ang mga araw na iyon.
21Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o, ‘Tingnan ninyo naroon siya!’ huwag ninyong paniwalaan.
22Maglilitawan ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, upang mailigaw nila, kung maaari, ang mga hinirang.
23Ngunit mag-ingat kayo; ipinagpauna ko nang sabihin sa inyo ang lahat ng bagay.
Ang Pagdating ng Anak ng Tao
(Mt. 24:29-31; Lu. 21:25-28)
24“Ngunit#Isa. 13:10; Joel 2:10, 31; 3:15; Apoc. 6:12; Isa. 13:10; Ez. 32:7 sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag,
25at#Isa. 34:4; Apoc. 6:13; Joel 2:10 malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa mga langit.
26Pagkatapos,#Dan. 7:13; Apoc. 1:7 makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.
27Pagkatapos ay susuguin niya ang mga anghel at titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa mga dulo ng lupa hanggang sa mga dulo ng langit.
Ang Aral mula sa Puno ng Igos
(Mt. 24:32-35; Lu. 21:29-33)
28“Sa puno nga ng igos ay pag-aralan ninyo ang talinghaga: kapag nananariwa ang kanyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tag-araw.
29Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, alam ninyong iyon ay malapit na, nasa mga pintuan na.
30Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.
31Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.
Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon
(Mt. 24:36-44)
32“Ngunit#Mt. 24:36 tungkol sa araw o oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama.
33Kayo'y mag-ingat, kayo'y magbantay, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan ang panahon.
34Tulad#Lu. 12:36-38 ng isang tao na umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya sa kanyang bahay, at pagkabigay ng tagubilin sa kanyang mga alipin, sa bawat isa ang kanyang gawain, ay inutusan ang tanod sa pinto na magbantay.
35Kaya't maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa umaga.
36Baka sa bigla niyang pagdating ay matagpuan niya kayong natutulog.
37At ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo.”

Currently Selected:

MARCOS 13: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in