LEVITICO 16
16
Ang Araw ng Pagtubos
1Nagsalita ang Panginoon kay Moises, pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron, nang sila'y lumapit sa harapan ng Panginoon at namatay.
2Sinabi#Heb. 6:19 ng Panginoon kay Moises: “Sabihin mo kay Aaron na iyong kapatid na huwag papasok nang wala sa panahon#16:2 Sa Hebreo ay sa lahat ng panahon. sa santuwaryo sa loob ng tabing, sa harapan ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban upang siya'y huwag mamatay, sapagkat ako'y magpapakita sa ulap sa ibabaw ng luklukan ng awa.
3Ganito#Heb. 9:7 papasok si Aaron sa loob ng dakong banal: may dalang isang guyang toro na handog pangkasalanan, at isang tupang lalaki na handog na sinusunog.
4Siya'y magsusuot ng banal na kasuotang lino, at ng lino bilang kasuotang panloob kasunod ng kanyang katawan, at magbibigkis ng pamigkis na lino, at magsusuot ng turbanteng lino; ito ang mga kasuotang banal. Paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig at pagkatapos ay isusuot niya ang mga iyon.
5Siya'y kukuha mula sa kapulungan ng mga anak ni Israel ng dalawang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng isang tupang lalaki bilang handog na sinusunog.
6“At iaalay ni Aaron ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili, at itutubos niya sa kanya at sa kanyang sambahayan.
7Pagkatapos ay kukunin niya ang dalawang kambing at ilalagay niya sa harapan ng Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan.
8Sa pamamagitan ng palabunutan ay pipiliin ni Aaron kung alin sa dalawang kambing ang sa Panginoon at kung alin ang kay Azazel.#16:8 Isinasalin din na: kambing na pinagbubuntunan ng sisi.
9At ihaharap ni Aaron ang kambing na nabunot para sa Panginoon, at ihahandog ito bilang handog pangkasalanan.
10Ngunit ang kambing na nabunot para kay Azazel ay ilalagay na buháy sa harapan ng Panginoon upang itubos sa kanya, at payaunin sa ilang kay Azazel.
11“Ihaharap ni Aaron ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili, at itutubos para sa kanya at sa kanyang sambahayan, at papatayin niya ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili.
12Kukuha siya mula sa dambana na nasa harapan ng Panginoon ng isang suuban na punô ng mga baga, at ng dalawang dakot ng masarap na dinikdik na insenso at kanyang dadalhin sa loob ng tabing.
13Ilalagay niya ang insenso sa ibabaw ng apoy sa harapan ng Panginoon upang ang mga usok ng insenso ay tumakip sa luklukan ng awa#16:13 o takip ng kaban. na nasa ibabaw ng patotoo,#16:13 o tipan. upang huwag siyang mamatay.
14At siya'y kukuha ng dugo ng toro at iwiwisik ito sa pamamagitan ng kanyang daliri sa ibabaw ng luklukan ng awa, at sa harapan ng luklukan ng awa ay iwiwisik niya ng pitong ulit ang dugo sa pamamagitan ng kanyang daliri.
15“Pagkatapos#Heb. 9:12 ay papatayin niya ang kambing na handog pangkasalanan na para sa bayan, at dadalhin ang dugo niyon sa loob ng tabing. Ang gagawin sa dugo ay ang gaya ng ginawa sa dugo ng toro, at iwiwisik iyon sa ibabaw ng luklukan ng awa at sa harapan ng luklukan ng awa.
16Gayon niya tutubusin ang santuwaryo dahil sa karumihan ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang mga pagsuway, sa lahat nilang mga kasalanan. Gayon ang kanyang gagawin sa toldang tipanan na nasa kanila, sa gitna ng kanilang mga karumihan.
17Huwag magkakaroon ng sinumang tao sa toldang tipanan kapag siya'y pumasok upang gumawa ng pagtubos sa loob ng dakong banal hanggang sa lumabas siya at matubos ang sarili, at ang kanyang kasambahay, at ang buong kapulungan ng Israel.
18Pagkatapos ay lalabas siya patungo sa dambana na nasa harapan ng Panginoon, at gagawa ng pagtubos para dito, at kukuha ng dugo ng toro at ng kambing, at ilalagay sa mga sungay sa palibot ng dambana.
19Pitong ulit niyang iwiwisik ang dugo sa dambana sa pamamagitan ng kanyang daliri, at lilinisin at babanalin ito mula sa mga karumihan ng mga anak ni Israel.
Ang Kambing na Pakakawalan
20“Pagkatapos niyang matubos ang dakong banal, ang toldang tipanan, at ang dambana, ay ihahandog niya ang kambing na buháy.
21At ipapatong ni Aaron ang kanyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buháy, at ipahahayag sa ibabaw niyon ang lahat ng mga kasamaan, mga paglabag at lahat ng mga kasalanan ng mga anak ni Israel. Ilalagay niya ang mga iyon sa ulo ng kambing at ipapadala sa ilang sa pamamagitan ng isang taong pinili.
22Dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila sa lupaing walang naninirahan, at pakakawalan niya ang kambing sa ilang.
23“At#Ez. 44:19 papasok si Aaron sa toldang tipanan at huhubarin ang mga suot na lino na isinuot niya nang siya'y pumasok sa dakong banal at iiwan niya ang mga iyon doon.
24Paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig sa isang dakong banal, at isusuot ang kanyang mga damit at lalabas, at iaalay ang kanyang handog na sinusunog at ang handog na sinusunog para sa bayan. Gayon niya gagawin ang pagtubos para sa kanyang sarili at sa bayan.
25Kanyang susunugin sa ibabaw ng dambana ang taba ng handog para sa kasalanan.
26At ang nagpakawala ng kambing na ukol kay Azazel ay maglalaba ng kanyang mga damit at paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo.
27Ang#Heb. 13:11 toro na handog pangkasalanan at ang kambing na handog pangkasalanan, na ang dugo ay ipinasok upang ipantubos sa dakong banal ay ilalabas sa kampo; at susunugin nila sa apoy ang mga balat, ang laman, at ang dumi ng mga iyon.
28Ang magsusunog ng mga iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit, at paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo.
Pagdaraos ng Araw ng Pagtubos
29“Ito'y#Lev. 23:26-32; Bil. 29:7-11 magiging alituntunin magpakailanman para sa inyo: sa ikapitong buwan ng ikasampung araw ng buwan ay magpakasakit kayo sa inyong mga sarili,#16:29 o mag-ayuno kayo. at huwag gagawa ng anumang gawain, ang mamamayan, ni ang taga-ibang bayan na nakatira sa inyong kalagitnaan.
30Sapagkat sa araw na ito, ang pari ay gagawa ng pagtubos sa inyo upang linisin kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan; kayo ay magiging malinis sa harapan ng Panginoon.
31Ito ay Sabbath na taimtim na kapahingahan sa inyo, at magpakasakit kayo;#16:31 o mag-ayuno kayo. ito'y isang alituntuning magpakailanman.
32Ang pari na kanyang hihirangin at itatalaga upang maging pari na kapalit ng kanyang ama, ay siyang gagawa ng pagtubos na suot ang mga banal na kasuotang lino.
33Kanyang tutubusin ang santuwaryo, at tutubusin niya ang toldang tipanan, at ang dambana; at tutubusin niya ang mga pari at ang buong bayan ng kapulungan.
34Ito'y magiging alituntuning walang hanggan sa inyo, na tubusin ang mga anak ni Israel minsan sa isang taon dahil sa lahat nilang mga kasalanan.” At ginawa ni Moises ang ayon sa iniutos ng Panginoon.
Currently Selected:
LEVITICO 16: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001