LEVITICO 13
13
Mga Batas tungkol sa mga Sakit sa Balat
1Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron:
2“Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng pamamaga sa balat ng kanyang katawan, o langib, o kaya'y singaw, at sa balat ng kanyang katawan ay naging salot na ketong, dadalhin siya sa paring si Aaron, o sa isa sa kanyang mga anak na pari.
3Susuriin ng pari ang bahaging may karamdaman na nasa balat ng kanyang katawan; at kung ang balahibo sa salot ay pumuti, at ang anyo ng karamdaman ay higit na malalim kaysa balat ng kanyang katawan, ito nga ay salot na ketong. Pagkatapos na siya'y masuri ng pari, ipahahayag niya na marumi siya.
4Subalit kung ang pamamaga ay maputi sa balat ng kanyang katawan, at makitang ito ay hindi malalim kaysa balat, at ang balahibo niyon ay hindi pumuti, ibubukod ng pari ang may karamdaman sa loob ng pitong araw.
5Siya'y susuriin ng pari sa ikapitong araw, at kung makitang ang bahaging may karamdaman ay tumigil at ito ay hindi kumalat sa balat, ibubukod siyang muli ng pari sa loob ng pitong araw pa.
6Muli siyang susuriin ng pari sa ikapitong araw, at kung makitang ang bahaging may karamdaman ay namutla, at ang sakit ay hindi kumalat sa balat, kung gayon ay ipahahayag siya ng pari na malinis. Iyon ay isa lamang singaw at lalabhan niya ang kanyang damit, at magiging malinis.
7Subalit kung ang singaw ay kumakalat sa balat pagkatapos na siya'y magpakita sa pari para sa kanyang paglilinis, siya ay muling magpapakita sa pari.
8Siya'y susuriin ng pari, at kung ang singaw ay kumakalat na sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ketong#13:8 Isang kataga para sa iba't ibang uri ng sakit sa balat. nga iyon.
9“Kapag ang salot na ketong ay nasa isang tao, siya ay dadalhin sa pari.
10Siya'y susuriin ng pari, at kung may maputing pamamaga sa balat, at pumuti ang balahibo, at may buháy na laman sa pamamaga,
11iyon ay matagal nang ketong sa balat ng kanyang laman. Siya'y ipahahayag ng pari na marumi; hindi siya ikukulong sapagkat siya'y marumi.
12At kung kumalat ang ketong sa balat, at ang ketong ay bumalot sa buong balat ng may salot, mula sa ulo hanggang sa kanyang mga paa, sa buong maaabot ng paningin ng pari;
13kung gayo'y susuriin siya ng pari, at kung makitang ang ketong ay kumalat na sa kanyang buong katawan, kanyang ipahahayag na siya'y malinis na sa sakit. Yamang ito'y pumuting lahat, siya'y malinis.
14Subalit sa araw na makitaan siya ng lamang buháy, siya ay magiging marumi.
15Susuriin ng pari ang lamang buháy, at siya'y ipahahayag na marumi; ang lamang buháy ay marumi; ito ay ketong.
16Ngunit kapag pumuti ang lamang buháy, ay lalapit siya sa pari;
17siya'y susuriin ng pari, at kung ang karamdaman ay pumuti, ang may karamdaman ay ipahahayag ng pari na malinis; siya nga'y malinis.
18“Kung sa balat ay may isang bukol na gumaling,
19at ang humalili sa bukol ay isang pamamaga na maputi, o isang pantal na makintab na namumula, ito ay ipapakita sa pari.
20Susuriin ito ng pari, at kung makitang ito'y tila mas malalim kaysa balat, at ang balahibo niyon ay pumuti, ipahahayag ng pari na siya ay marumi. Ito ay sakit na ketong na lumitaw mula sa bukol.
21Subalit kung sa pagsusuri ng pari ay makitang walang balahibong puti iyon, o hindi malalim kaysa balat, kundi maitim-itim, siya ay ibubukod ng pari sa loob ng pitong araw.
22At kung ito ay kumalat sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; iyon nga ay sakit.
23Ngunit kung ang pamamaga ay tumigil sa kanyang kinaroroonan, at hindi kumalat, ito ay galos ng bukol; at ipahahayag ng pari na siya ay malinis.
24“O kapag ang katawan ay may paso sa balat at ang laman sa paso ay naging tila mapulang-mapula, o maputi;
25ito ay susuriin ng pari, at kung makitang ang buhok ay pumuti sa bahaging makintab, at tila mas malalim kaysa balat, ito ay ketong. Ito ay lumitaw sa paso, at ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ito ay sakit na ketong.
26Ngunit kung sa pagsusuri ng pari ay walang balahibong maputi sa bahaging makintab at ito ay hindi mas malalim kaysa ibang balat, kundi parang maitim-itim, ibubukod siya ng pari sa loob ng pitong araw.
27Sa ikapitong araw ay titingnan siya ng pari, at kung ito ay kumalat na sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi. Ito ay sakit na ketong.
28Kung ang bahaging makintab ay nanatili sa kanyang kinaroroonan at hindi kumakalat sa balat, kundi maitim-itim, ito ay pamamaga ng paso, at ipahahayag ng pari na siya ay malinis, sapagkat iyon ay isang pilat ng paso.
29“At kung ang sinumang lalaki o babae ay mayroong karamdaman sa ulo o sa balbas,
30ay susuriin nga ng pari ang karamdaman, at kung ang anyo ay mas malalim kaysa balat, at ang buhok doon ay madilaw at manipis, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ito ay pangangati na isang uri ng ketong sa ulo o sa baba.
31Kapag tiningnan ng pari ang makating karamdaman, at tila hindi mas malalim kaysa balat, at wala iyong buhok na maitim, ibubukod ng pari sa loob ng pitong araw ang may makating karamdaman.
32At sa ikapitong araw ay susuriin ng pari ang karamdaman; at kung makitang hindi kumalat ang pangangati, at walang buhok na naninilaw, at tila ang pangangati ay hindi mas malalim kaysa balat,
33kung gayon ay mag-aahit siya, subalit hindi aahitan ang kinaroroonan ng pangangati, at muling ibubukod ng pari ang maysakit ng pangangati sa loob ng pitong araw.
34Susuriin ng pari ang pangangati sa ikapitong araw, at kung makitang hindi kumalat ang pangangati sa balat, at tila hindi mas malalim kaysa balat, ipahahayag ng pari na siya ay malinis, at siya'y maglalaba ng kanyang damit at magiging malinis.
35Ngunit kung ang pangangati ay kumalat na sa balat pagkatapos ng kanyang paglilinis,
36ay susuriin siya ng pari, at kung kumalat na sa balat ang pangangati, hindi na hahanapin ng pari ang buhok na naninilaw; siya'y marumi.
37Subalit kung sa kanyang mga mata ay napigil na ang pangangati at may tumubong buhok na itim at gumaling na ang pangangati, siya'y malinis; at siya'y ipahahayag na malinis ng pari.
38“Kapag ang isang lalaki o babae ay nagkaroon sa balat ng nangingintab na pantal, ng mga makintab na pantal na puti,
39ito ay susuriin ng pari, at kung may namumuti na nangingintab na pantal sa balat ng kanyang laman; ito ay isang singaw na sumibol sa balat; siya'y malinis.
40“Kapag ang buhok ng sinuman ay nalalagas mula sa kanyang ulo, siya ay kalbo, gayunma'y malinis.
41At kung ang kanyang buhok ay nalagas mula sa kanyang noo, siya ay kalbo mula sa noo, ngunit siya ay malinis.
42Subalit kung sa kalbong ulo o noo ay magkaroon ng namumula o namumuting sugat, ito ay ketong na sumibol sa kanyang kalbong ulo o sa kanyang kalbong noo.
43Siya'y susuriin ng pari, at kung ang pamamaga ng karamdaman ay mapula-pula na maputi sa kanyang kalbong ulo o sa kanyang kalbong noo, gaya ng anyo ng ketong sa balat ng kanyang katawan,
44siya ay ketongin, siya'y marumi. Ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ang kanyang sakit ay nasa kanyang ulo.
45“Ang ketonging may sakit ay magsusuot ng punit na damit, at ang buhok ng kanyang ulo ay ilulugay, at tatakpan niya ang itaas na bahagi ng kanyang nguso, at siya'y sisigaw, ‘Marumi, marumi.’
46Siya'y mananatiling marumi hangga't nasa kanya ang karamdaman; siya'y marumi. Siya ay maninirahang mag-isa sa labas ng kampo.
47“Kung alinman sa mga kasuotan ay may sakit na ketong; sa kasuotang mula sa balahibo ng tupa o kasuotang lino,
48maging ito ay paayon o pahalang; o ng lino o ng balahibo ng tupa, maging sa balat o sa alinmang yari sa balat,
49at kung ang salot ay nagkukulay berde o namumula sa kasuotan, o sa balat, o sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang kasangkapang yari sa balat; ito ay sakit na ketong at ito ay ipapakita sa pari.
50Susuriin ng pari ang sakit, at ibubukod ang bagay na may sakit sa loob ng pitong araw.
51Kanyang susuriin ang sakit sa ikapitong araw at kung kumalat na ang sakit sa kasuotan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa balat, o alinmang yari sa balat upang gamitin, ang salot ay isang kumakalat na ketong; iyon ay marumi.
52Kanyang susunugin ang kasuotan, maging paayon, at maging pahalang, ng balahibo ng tupa o lino o sa alinmang kasangkapang yari sa balat na kinaroroonan ng salot. Sapagkat iyon ay ketong na kumakalat; iyon ay susunugin sa apoy.
53“Kapag sinuri ng pari, at ang sakit ay hindi kumalat sa kasuotan, maging sa paayon man, o sa pahalang man, o sa alinmang kasangkapang yari sa balat,
54kung gayon ay mag-uutos ang pari, at kanilang lalabhan ang kinaroroonan ng sakit, at ito ay ibubukod na muli sa loob ng pitong araw.
55Susuriin ng pari ang bagay na may sakit pagkatapos na malabhan; at kung makitang ang sakit ay hindi nagbago ng anyo nito, at kung hindi kumalat ang sakit, ito ay marumi. Susunugin mo ito sa apoy, maging ang bahaging may ketong ay nasa likuran o sa harapan.
56“Subalit kapag tiningnan ng pari, at nakitang nangitim ang dakong may sakit pagkatapos na malabhan, ito ay hahapakin mula sa kasuotan, o mula sa paayon, o mula sa pahalang.
57At kung ito ay nakikita pa sa kasuotang iyon, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, ito ay sakit na kumakalat; susunugin mo sa apoy ang kinaroroonan ng sakit.
58Ang kasuotan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, na pinanggalingan ng sakit matapos mo itong malabhan, ay muli mong lalabhan, at magiging malinis.”
59Ito ang batas tungkol sa sakit na ketong sa kasuotang balahibo ng tupa o lino, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, upang maipahayag kung ito ay malinis o marumi.
Currently Selected:
LEVITICO 13: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001