YouVersion Logo
Search Icon

JOB 8

8
Ang Unang Pagsasalita ni Bildad
1Pagkatapos ay sumagot si Bildad na Suhita, at sinabi,
2“Hanggang kailan mo sasabihin ang mga bagay na ito,
at ang mga salita ng iyong bibig na gaya ng malakas na hangin?
3Binabaluktot ba ng Diyos ang katarungan?
O nililiko ba ng Makapangyarihan sa lahat ang matuwid?
4Kung ang iyong mga anak ay nagkasala laban sa kanya,
sa kapangyarihan ng kanilang pagsalangsang ay kanyang ibinigay sila.
5Kung hahanapin mo ang Diyos,
at dadaing ka sa Makapangyarihan sa lahat;
6kung ikaw ay dalisay at matuwid;
tiyak na gigising siya dahil sa iyo,
at ibabalik ka sa iyong matuwid na tirahan.
7At bagaman maliit ang iyong pasimula,
ang iyong huling wakas ay magiging napakadakila.
8“Sapagkat magsiyasat ka sa mga nagdaang panahon, hinihiling ko sa iyo,
at isaalang-alang mo ang natuklasan ng mga ninuno;
9sapagkat tayo'y sa kahapon lamang, at walang nalalaman,
sapagkat ang ating mga araw sa lupa ay isang anino.
10Hindi ka ba nila tuturuan, at sasabihin sa iyo,
at bibigkas ng mga salita mula sa kanilang pang-unawa?
11“Lalago ba ang yantok kung walang latian?
Tutubo ba ang tambo kung walang tubig?
12Habang namumukadkad pa at hindi pa pinuputol,
una silang nalalanta kaysa alinmang halaman.
13Gayon ang mga landas ng lahat ng lumilimot sa Diyos;
ang pag-asa ng masamang tao ay maglalaho.
14Ang kanyang pagtitiwala ay masisira,
at sapot ng gagamba ang kanyang tiwala.
15Siya'y sasandal sa kanyang bahay, ngunit ito'y hindi tatayo;
siya'y hahawak dito, ngunit hindi ito magtatagal.
16Siya'y nananariwa sa harap ng araw,
at ang kanyang mga suwi ay sumisibol sa kanyang halamanan.
17Ang kanyang mga ugat ay kumapit sa palibot ng bunton,
kanyang minamasdan ang dako ng mga bato.
18Kung siya'y nawasak sa kanyang kinalalagyan,
kung magkagayo'y ikakaila siya nito, na sinasabi: ‘Hindi kita kailanman nakita.’
19Tingnan mo, ito ang kagalakan ng landas niya;
at mula sa lupa ay sisibol ang iba.
20“Tingnan mo, hindi itatakuwil ng Diyos ang taong walang kapintasan,
ni aalalayan man ang kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.
21Kanya namang pupunuin ng pagtawa ang iyong bibig,
at ang iyong mga labi ng pagsigaw.
22Silang napopoot sa iyo ay mabibihisan ng kahihiyan,
at ang tolda ng masama ay mapaparam.”

Currently Selected:

JOB 8: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in