YouVersion Logo
Search Icon

JOB 42

42
Kinilala ni Job ang Kanyang Pagkakamali
1Pagkatapos ay sumagot si Job sa Panginoon, at sinabi,
2“Alam kong magagawa mo ang lahat ng mga bagay,
at wala kang layunin na mahahadlangan.
3‘Sino#Job 38:2 itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman?’
Kaya't aking nasambit ang hindi ko nauunawaan,
mga bagay na lubhang kahanga-hanga para sa akin, na hindi ko nalalaman.
4‘Makinig#Job 38:3 ka at magsasalita ako;
tatanungin kita at sa akin ay ipahayag mo.’
5Narinig kita sa pakikinig ng tainga,
ngunit ngayo'y nakikita ka ng aking mata,
6kaya't ako'y namumuhi sa sarili ko,
at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.”
7Pagkatapos na masabi ng Panginoon ang mga salitang ito kay Job, sinabi ng Panginoon kay Elifaz na Temanita, “Ang aking poot ay nag-aalab laban sa iyo at sa iyong dalawang kaibigan; sapagkat hindi kayo nagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, gaya ng ginawa ng aking lingkod na si Job.
8Kaya't kumuha kayo ngayon ng pitong guyang baka, at pitong lalaking tupa, at pumunta kayo sa aking lingkod na si Job. Maghandog kayo para sa inyo ng handog na sinusunog, at idadalangin kayo ng aking lingkod na si Job. Tatanggapin ko ang kanyang panalangin na huwag kayong pakitunguhan ayon sa inyong kamangmangan; sapagkat hindi kayo nagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, gaya ng aking lingkod na si Job.”
9Sa gayo'y humayo si Elifaz na Temanita, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamatita, at ginawa ang ayon sa iniutos sa kanila ng Panginoon, at tinanggap ng Panginoon ang panalangin ni Job.
Muling Pinagpala ng Diyos si Job
10At#Job 1:1-3 ibinalik ng Panginoon ang kayamanan ni Job, nang kanyang idalangin ang kanyang mga kaibigan. At dinoble ng Panginoon ang dating kayamanan ni Job.
11Nang magkagayo'y pumunta sa kanya ang lahat niyang mga kapatid na lalaki at babae, at lahat na naging kakilala niya nang una, at kumain ng tinapay na kasalo niya sa kanyang bahay. Nakiramay sila sa kanya, at inaliw siya tungkol sa lahat ng kasamaan na ibinigay sa kanya ng Panginoon. Bawat tao'y nagbigay sa kanya ng isang pirasong salapi,#42:11 Sa Hebreo ay qesitah. at singsing na ginto.
12Sa gayo'y pinagpala ng Panginoon ang mga huling araw ni Job na higit kaysa kanyang pasimula. Siya'y nagkaroon ng labing-apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, isang libong magkatuwang na baka, at isang libong asnong babae.
13Siya'y nagkaroon din ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.
14Tinawag niya ang pangalan ng una na Jemima, ang ikalawa ay Keziah, at ang ikatlo ay Keren-hapuch.
15At sa buong lupain ay walang mga babaing natagpuang kasingganda ng mga anak na babae ni Job, at binigyan sila ng kanilang ama ng mana kasama ng kanilang mga kapatid na lalaki.
16Pagkatapos nito'y nabuhay si Job na isandaan at apatnapung taon, at nakita niya ang kanyang mga anak, at ang mga anak ng kanyang mga anak, hanggang sa apat na salinlahi.
17At namatay si Job, matanda na at puspos ng mga araw.

Currently Selected:

JOB 42: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in