YouVersion Logo
Search Icon

JOB 40

40
1At sumagot ang Panginoon kay Job at sinabi:
2“Ang mapaghanap ng kamalian ay makikipagtalo ba sa Makapangyarihan sa lahat?
Siyang nakikipagtalo sa Diyos, ay sagutin niya ito.”
3Nang magkagayo'y sumagot si Job sa Panginoon, at nagsabi,
4“Narito, ako'y walang kabuluhan; anong isasagot ko sa iyo?
Aking inilalagay ang aking kamay sa bibig ko,
5minsan ay nagsalita ako, at hindi ako tutugon;
makalawa, at hindi na ako magpapatuloy.”
6Nang magkagayo'y sumagot ang Panginoon kay Job mula sa ipu-ipo:
7“Tulad sa isang lalaki'y magbigkis ka ng iyong baywang;
tatanungin kita, at sa akin ay iyong ipaalam.
8Pati ba ako'y ilalagay mo sa kamalian?
Upang ikaw ay ariing ganap, ako ba'y iyong hahatulan?
9Mayroon ka bang kamay na tulad sa Diyos?
Makakapagpakulog ka ba ng tinig na gaya niya?
10“Maggayak ka ngayon ng karilagan at karangalan,
magbihis ka ng kaluwalhatian at karingalan.
11Ang pag-uumapaw ng iyong galit ay ibuhos mong lahat,
tunghayan mo ang bawat palalo, at siya'y gawin mong hamak.
12Masdan mo ang bawat mayabang, at pababain mo siya;
at yapakan mo ang masama sa kinatatayuan nila.
13Silang lahat sa alabok ay sama-samang itago mo;
talian mo ang kanilang mukha sa lihim na dako.
14Kung magkagayo'y kikilalanin ko sa iyo,
na mabibigyan ka ng tagumpay ng kanang kamay mo.
15“Masdan mo, ang Behemot#40:15 BEHEMOT: Maaaring hippopotamus.
na aking ginawa kung paanong ika'y aking ginawa;
siya'y kumakain ng damo na gaya ng baka.
16Masdan mo, ang lakas niya'y nasa kanyang mga balakang,
at ang kapangyarihan niya'y nasa kalamnan ng kanyang tiyan.
17Pinapatigas niya ang kanyang buntot na sedro ang katulad,
ang mga litid ng kanyang mga hita ay magkakalapat.
18Mga tubong tanso ang mga buto niya,
parang mga baretang bakal ang kanyang mga paa.
19“Sa mga gawa ng Diyos ang pangunahin ay siya;
tanging ang lumalang sa kanya, ang makapaglalapit ng kanyang espada!
20Sapagkat ang nagbibigay sa kanya ng pagkain ay ang mga bundok
na doo'y naglalaro ang lahat ng maiilap na hayop.
21Sa lilim ng punong lotus siya'y nahihimlay,
sa puwang ng mga tambo, at sa mga latian.
22Ang mga puno ng lotus, siya'y lumililim;
ang mga sangang batis sa kanya'y nakapaligid.
23Narito, hindi siya natatakot kung ang ilog man ay nagngangalit;
siya'y tiwasay bagaman rumagasa ang Jordan sa kanyang bibig.
24Mayroon bang makakakuha sa kanya sa pamamagitan ng kanyang mga mata,
o matutuhog ang kanyang ilong ng isang silo?

Currently Selected:

JOB 40: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in