JOB 29
29
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
1At muling ipinagpatuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:
2“O, ako sana'y tulad nang nakaraang mga buwan,
gaya noong mga araw na ang Diyos ang sa akin ay nagbabantay,
3nang sa ibabaw ng aking ulo ay sumisikat ang kanyang ilawan,
at sa pamamagitan ng kanyang ilaw ay lumalakad ako sa kadiliman;
4gaya noong ako'y namumukadkad pa,
noong ang pakikipagkaibigan ng Diyos ay nasa aking tolda;
5nang kasama ko pa ang Makapangyarihan sa lahat,
nang nasa palibot ko ang aking mga anak;
6noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas,
at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng langis na tumatagas!
7Noong ako'y lumabas sa pintuan ng bayan,
noong ihanda ko ang aking upuan sa liwasan,
8nakita ako ng mga kabataang lalaki, at sila'y umalis,
at ang matatanda ay tumayo;
9ang mga pinuno ay nagtimpi sa pagsasalita,
at inilagay ang kanilang kamay sa bibig nila.
10Ang tinig ng mga maharlika ay pinatahimik,
nang sa ngalangala ng kanilang bibig, ang dila nila ay dumikit.
11Nang marinig ng tainga, tinawag nito akong mapalad,
at nang makita ito ng mata, iyon ay pumayag.
12Sapagkat aking iniligtas ang dumaraing na dukha,
maging sa mga ulila na walang tumutulong.
13Ang basbas ng malapit nang mamamatay sa akin ay dumating,
at ang puso ng babaing balo ay pinaawit ko sa kagalakan.
14Ako'y nagbihis ng katuwiran, at ako'y dinamitan;
parang isang balabal at isang turbante ang aking katarungan.
15Sa bulag ako'y naging mga mata,
at sa pilay ako'y naging mga paa.
16Sa dukha ako'y naging isang ama,
at siniyasat ko ang usapin niyaong hindi ko nakikilala.
17Aking binali ang mga pangil ng masama,
at ipinalaglag ko ang kanyang biktima sa mga ngipin niya.
18Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Sa aking pugad ako mamamatay,
at gaya ng buhangin aking pararamihin ang aking mga araw.
19Kumalat hanggang sa tubig ang aking mga ugat,
at may hamog sa aking sanga sa buong magdamag,
20sariwa sa akin ang aking kaluwalhatian,
at ang aking busog ay laging bago sa aking kamay!’
21“Sa akin ay nakikinig at naghihintay ang mga tao,
at tumatahimik para sa aking payo.
22Pagkatapos ng aking pagsasalita, ay hindi na sila muling nagsalita,
at ang aking salita ay bumagsak sa kanila.
23At kanilang hinihintay ako, na gaya ng paghihintay sa ulan,
at kanilang ibinuka ang kanilang bibig na gaya sa huling ulan.
24Kapag sila'y hindi nagtitiwala, ako sa kanila'y ngumingiti,
at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila pinababa.
25Pinili ko ang kanilang daan, at umupo bilang puno,
at namuhay gaya ng hari sa gitna ng kanyang hukbo,
gaya ng isang umaaliw sa mga nagdadalamhati.
Currently Selected:
JOB 29: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001