YouVersion Logo
Search Icon

JOB 21

21
Pinatunayan ni Job na Masagana ang Buhay ng Masama
1Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2“Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko,
at ito'y maging kaaliwan ninyo.
3Pagtiisan ninyo ako, at ako nama'y magsasalita,
at pagkatapos na ako'y makapagsalita, ay saka kayo manuya.
4Sa ganang akin, ang sumbong ko ba ay laban sa tao?
Bakit hindi ako dapat mainip?
5Tingnan ninyo ako, at manghilakbot kayo,
at ilagay ninyo ang inyong kamay sa bibig ninyo.
6Kapag ito'y aking naaalala ay nanlulumo ako,
at nanginginig ang laman ko.
7Bakit nabubuhay ang masama,
tumatanda, at nagiging malakas sa kapangyarihan?
8Ang kanilang mga anak ay matatag sa kanilang paningin,
at nasa harapan ng kanilang mga mata ang kanilang supling.
9Ligtas sa takot ang mga bahay nila,
ang pamalo ng Diyos ay wala sa kanila.
10Ang kanilang baka ay naglilihi nang walang humpay,
ang kanilang baka ay nanganganak, at hindi napapahamak ang kanyang guya.
11Kanilang inilabas ang kanilang mga bata na gaya ng kawan,
at ang kanilang mga anak ay nagsasayawan.
12Sila'y nag-aawitan sa saliw ng tamburin at lira,
at nagkakatuwaan sa tunog ng plauta.
13Ang kanilang mga araw sa kaginhawahan ay ginugugol,
at sila'y payapang bumababa sa Sheol.
14At sinasabi nila sa Diyos, ‘Lumayo ka sa amin!
Hindi namin ninanasa na ang inyong mga lakad ay aming alamin.
15Ano ang Makapangyarihan sa lahat, upang siya'y paglingkuran namin?
At anong pakinabang ang makukuha namin, kung kami sa kanya ay manalangin?’
16Narito, hindi ba ang kanilang kaginhawahan ay nasa kanilang kamay?
Ang payo ng masama ay malayo sa akin.
17“Gaano kadalas pinapatay ang ilaw ng masama?
Na ang kanilang kapahamakan ay dumarating sa kanila?
Na ipinamamahagi ng Diyos ang sakit sa kanyang galit?
18Na sila'y gaya ng dayami sa harap ng hangin,
at gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo?
19Inyong sinasabi, ‘Iniipon ng Diyos ang kanilang kasamaan para sa kanyang mga anak.’
Iganti nawa niya sa kanilang sarili, upang ito'y malaman nila.
20Makita nawa ng kanilang mga mata ang kanilang pagkagiba,
at painumin nawa sila ng poot ng Makapangyarihan sa lahat.
21Sapagkat anong pinapahalagahan nila para sa kanilang bahay pagkamatay nila,
kapag ang bilang ng kanilang mga buwan ay natapos na?
22May makakapagturo ba sa Diyos ng kaalaman?
Gayong ang nasa itaas ay kanyang hinahatulan?
23Ang isa'y namamatay sa kanyang lubos na kasaganaan,
ganap na matatag at may katiwasayan.
24Ang kanyang katawan ay punô ng taba,
at ang utak ng kanyang mga buto ay basa.
25At ang isa pa'y namatay sa paghihirap ng kaluluwa,
at kailanman ay hindi nakatikim ng mabuti.
26Sila'y nakahigang magkasama sa alabok,
at tinatakpan sila ng uod.
27“Tingnan mo, aking nalalaman ang inyong haka,
at ang inyong mga balak na gawan ako ng masama.
28Sapagkat inyong sinasabi, ‘Saan naroon ang bahay ng pinuno?
At saan naroon ang tolda na tinatahanan ng masama?’
29Sa mga naglalakbay sa lansangan ay di ba itinanong ninyo?
At hindi ba ninyo tinatanggap ang kanilang mga patotoo?
30Na ang masamang tao ay kaaawaan sa araw ng kapahamakan?
Na siya'y ililigtas sa araw ng kapootan?
31Sinong magpapahayag ng kanyang lakad sa kanyang mukha?
At sinong maniningil sa kanya sa kanyang ginawa?
32Kapag siya'y dinala sa libingan,
ay binabantayan ang kanyang himlayan.
33Ang mga kimpal ng lupa ng libis ay mabuti sa kanya;
lahat ng tao ay susunod sa kanya,
at hindi mabilang ang mga nauna sa kanya.
34Paano ngang inyong aaliwin ako ng walang kabuluhan?
Walang naiiwan sa inyong mga sagot kundi kabulaanan.”

Currently Selected:

JOB 21: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in