YouVersion Logo
Search Icon

JOB 2

2
Si Job ay Nagkaroon ng mga Bukol
1Isang araw, muling dumating ang mga anak ng Diyos upang iharap ang kanilang sarili sa Panginoon, at dumating din si Satanas upang iharap ang sarili sa Panginoon.
2Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Si Satanas ay sumagot sa Panginoon, at nagsabi, “Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pamamanhik-manaog doon.”
3At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job, wala siyang katulad sa lupa, isang walang kapintasan at matuwid na lalaki, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan? Siya'y nanatili pa rin sa kanyang katapatan, bagaman ako'y inudyukan mo laban sa kanya, upang sirain siya nang walang kadahilanan.”
4Si Satanas ay sumagot sa Panginoon, “Balat sa balat! Lahat ng pag-aari ng tao ay ibibigay niya dahil sa kanyang buhay.
5Ngunit iunat mo ngayon ang iyong kamay, galawin mo ang kanyang buto at laman, at kanyang susumpain ka nang mukhaan.”
6At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Siya'y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kanyang buhay.”
7Kaya't umalis si Satanas mula sa harapan ng Panginoon, at nilagyan si Job ng mga nakakapandiring bukol mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa puyo ng kanyang ulo.
8At kumuha siya ng isang pirasong basag na palayok upang kayurin ang sarili at siya'y umupo sa mga abo.
9Pagkatapos ay sinabi ng kanyang asawa sa kanya, “Mananatili ka pa ba sa iyong katapatan? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka na.”
10Ngunit sinabi niya sa kanya, “Nagsasalita kang gaya ng pagsasalita ng mga hangal na babae. Tatanggap lang ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kanyang mga labi.
Dinalaw Siya ng Tatlong Kaibigan
11Nang mabalitaan ng tatlong kaibigan ni Job ang lahat ng kasamaang ito na dumating sa kanya, dumating ang bawat isa sa kanila mula sa kanya-kanyang sariling pook: si Elifaz na Temanita, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamatita. Sila'y nagkaisang pumunta upang makiramay sa kanya at aliwin siya.
12Nang kanilang matanaw siya mula sa malayo, siya ay hindi nila nakilala. Kanilang inilakas ang kanilang tinig, umiyak at sinira ng bawat isa sa kanila ang kanya-kanyang balabal, at nagbuhos ng alabok sa kanilang mga ulo paharap sa langit.
13At sila'y umupo sa ibabaw ng lupa na kasama niya na pitong araw at pitong gabi, at walang nagsalita sa kanya, sapagkat kanilang nakita na ang kanyang paghihirap ay napakalaki.

Currently Selected:

JOB 2: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in