JEREMIAS 33
33
Isa pang Pangako ng Pag-asa
1Ang salita ng Panginoon ay dumating sa ikalawang pagkakataon kay Jeremias, habang nakakulong pa siya sa bulwagan ng bantay, na sinasabi,
2“Ganito ang sabi ng Panginoon na gumawa ng lupa, ang Panginoon na nag-anyo nito upang ito'y itatag—ang Panginoon ang kanyang pangalan:
3Tumawag ka sa akin, at ako'y sasagot sa iyo, at magsasabi sa iyo ng mga dakila at makapangyarihang bagay na hindi mo nalalaman.
4Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga bahay ng lunsod na ito, at tungkol sa mga bahay ng mga hari ng Juda na ibinagsak upang gawing sanggalang laban sa mga bunton ng pagkubkob at laban sa tabak:
5Sila ay dumarating upang labanan ang mga Caldeo at punuin sila ng mga bangkay ng mga tao, na aking papatayin sa aking galit at poot, sapagkat ikinubli ko ang aking mukha sa lunsod na ito dahil sa lahat nilang kasamaan.
6Narito, dadalhan ko ito ng kalusugan at kagalingan, at pagagalingin ko sila at magpapahayag ako sa kanila ng kasaganaan ng kapayapaan at katotohanan.
7Ibabalik ko ang mga kayamanan ng Juda at ang mga kayamanan ng Israel, at muli ko silang itatayo na gaya nang una.
8Lilinisin ko sila sa lahat ng kanilang kasamaan na sa pamamagitan nito'y nagkasala sila laban sa akin; at aking patatawarin ang lahat ng kasamaan na sa pamamagitan nito'y naghimagsik sila laban sa akin.
9At ito sa akin ay magiging isang pangalan ng kagalakan, isang papuri at luwalhati sa harapan ng lahat ng mga bansa sa lupa na makakarinig ng lahat ng mabuti na ginagawa ko para sa kanila. Sila'y matatakot at manginginig dahil sa lahat ng kabutihan at kasaganaan na aking ginagawa para dito.
10“Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa dakong ito na inyong sinasabi, ‘Ito'y wasak, walang tao o hayop,’ sa mga bayan ng Juda at mga lansangan ng Jerusalem na sira, na walang naninirahan, tao man o hayop, ay muling maririnig
11ang#1 Cro. 16:34; 2 Cro. 5:13; 7:3; Ezra 3:11; Awit 100:5; 106:1; 107:1; 118:1; 136:1 tinig ng kagalakan at ang tinig ng kasayahan, ang mga tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, ang mga tinig ng mga umaawit, habang sila'y nagdadala ng handog na pasasalamat sa bahay ng Panginoon,
‘Kayo'y magpasalamat sa Panginoon ng mga hukbo,
sapagkat ang Panginoon ay mabuti,
sapagkat ang kanyang kagandahang-loob ay nananatili magpakailanman!’
Sapagkat aking ibabalik ang mga kayamanan ng lupain gaya nang una, sabi ng Panginoon.
12“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sa lugar na itong wasak, na walang tao at walang hayop, at sa lahat ng mga bayan nito, ay magkakaroon muli ng tahanan ng mga pastol na nagpapahinga ng kanilang mga kawan.
13Sa mga bayan ng maburol na lupain, sa mga bayan ng Shefela at Negeb, sa lupain ng Benjamin, at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem at sa mga bayan ng Juda, ang mga kawan ay muling daraan sa ilalim ng mga kamay ng bumibilang sa kanila, sabi ng Panginoon.
14“Narito,#Jer. 23:5, 6 ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking tutuparin ang mabuting bagay na aking sinabi tungkol sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda.
15Sa mga araw at panahong iyon, aking pasisibulin para kay David ang isang matuwid na Sanga at siya'y maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain.
16Sa mga araw na iyon ay maliligtas ang Juda at ang Jerusalem ay maninirahang tiwasay. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ay ating katuwiran.’
17“Sapagkat#2 Sam. 7:12-16; 1 Ha. 2:4; 1 Cro. 17:11-14 ganito ang sabi ng Panginoon: Si David ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki na uupo sa trono ng sambahayan ng Israel;
18at#Bil. 3:5-10 ang mga paring Levita ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki sa harapan ko na mag-aalay ng mga handog na sinusunog, na magsusunog ng mga butil na handog, at maghahandog ng mga alay magpakailanman.”
19Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,
20“Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung masisira ninyo ang aking tipan sa araw at ang aking tipan sa gabi, anupa't hindi magkakaroon ng araw at ng gabi sa kanilang takdang kapanahunan;
21kung gayon ang aking tipan kay David na aking lingkod ay masisira din, anupa't siya'y hindi magkakaroon ng anak upang maghari sa kanyang trono, at sa aking tipan sa mga paring Levita na aking mga ministro.
22Kung paanong ang lahat ng natatanaw sa langit ay hindi mabibilang at ang mga buhangin sa dagat ay di masusukat, gayon ko pararamihin ang binhi ni David na aking lingkod, at ang mga Levita na naglilingkod sa akin.”
23At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,
24“Hindi mo ba napapansin ang sinalita ng mga taong ito na sinasabi, ‘Itinakuwil ng Panginoon ang dalawang angkan na kanyang pinili?’ Ganito nila hinamak ang aking bayan kaya't hindi na sila isang bansa sa kanilang paningin.
25Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung ang aking tipan sa araw at gabi ay hindi manatili at ang mga panuntunan ng langit at ng lupa ay hindi ko itinatag;
26ay itatakuwil ko nga ang binhi ni Jacob at ni David na aking lingkod at hindi ako pipili ng isa sa kanyang binhi na mamumuno sa binhi ni Abraham, Isaac, at Jacob. Sapagkat ibabalik ko ang kanilang mga kayamanan at kahahabagan ko sila.”
Currently Selected:
JEREMIAS 33: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001