JEREMIAS 32
32
Si Jeremias ay Ibinilanggo
1Ang#2 Ha. 25:1-7 salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon nang ikasampung taon ni Zedekias na hari ng Juda, na siyang ikalabingwalong taon ni Nebukadnezar.
2Nang panahong iyon ay kinukubkob ng hukbo ng hari ng Babilonia ang Jerusalem, at si Jeremias na propeta ay nakakulong sa bulwagan ng bantay na nasa palasyo ng hari ng Juda,
3sapagkat ibinilanggo siya ni Zedekias na hari ng Juda, na sinasabi, “Bakit ka nagsasalita ng propesiya at nagsasabi, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia, at kanyang sasakupin ito.
4Si Zedekias na hari ng Juda ay hindi makakatakas sa kamay ng mga Caldeo, kundi tiyak na ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, at siya'y makikipag-usap sa kanya nang mukhaan at makikita siya nang mata sa mata.
5At kanyang dadalhin si Zedekias sa Babilonia, at siya'y mananatili roon hanggang sa dalawin ko siya, sabi ng Panginoon; bagaman labanan ninyo ang mga Caldeo, hindi kayo magtatagumpay?’”
6Sinabi ni Jeremias, “Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
7Narito, si Hanamel na anak ni Shallum na iyong tiyuhin ay darating sa iyo, at magsasabi, ‘Bilhin mo ang bukid ko na nasa Anatot, sapagkat mayroon kang karapatan ng pagtubos sa pamamagitan ng pagbili.’
8Sa gayo'y si Hanamel na anak ng aking tiyuhin ay dumating sa akin sa bulwagan ng bantay ayon sa salita ng Panginoon, at sinabi sa akin, ‘Bilhin mo ang aking bukid na nasa Anatot, sa lupain ng Benjamin, sapagkat mayroon kang karapatan ng pagmamay-ari at ang pagtubos ay nasa iyo; bilhin mo ito para sa iyong sarili!’ Nang magkagayo'y nalaman ko na ito'y salita ng Panginoon.
9“At binili ko ang bukid na nasa Anatot kay Hanamel na anak ng aking tiyuhin, at tinimbang ko sa kanya ang salapi—labimpitong siklong pilak.
10Nilagdaan ko ang kasulatan, tinatakan ito, tumawag ng mga saksi, at tinimbang ko sa kanya ang salapi sa timbangan.
11Pagkatapos ay kinuha ko ang may tatak na kasulatan ng pagkabili na naglalaman ng mga kasunduan at pasubali, at ang bukas na sipi.
12Ibinigay ko ang kasulatan ng pagkabili kay Baruc na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, sa harapan ni Hanamel na anak ng aking tiyuhin, sa harapan ng mga saksi na lumagda sa kasulatan ng pagkabili, at sa harapan ng lahat ng mga Judio na nakaupo sa bulwagan ng bantay.
13Inatasan ko si Baruc sa harapan nila, na sinasabi,
14‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kunin mo itong natatakang kasulatan ng pagkabili at itong bukas na kasulatan, at iyong ilagay sa sisidlang lupa upang tumagal ang mga ito nang mahabang panahon.
15Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Muling mabibili sa lupaing ito ang mga bahay, mga bukid, at mga ubasan!’
Ang Panalangin ni Jeremias
16“Pagkatapos na maibigay ko ang kasulatan ng pagkabili kay Baruc na anak ni Nerias, nanalangin ako sa Panginoon, na sinasabi:
17‘Ah Panginoong Diyos! Ikaw ang siyang gumawa ng langit at ng lupa sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong unat na kamay! Walang bagay na napakahirap sa iyo,
18na nagpapakita ng kagandahang-loob sa mga libu-libo, ngunit pinagbabayad ang kasamaan ng mga magulang sa kanilang mga anak kasunod nila, O dakila at makapangyarihang Diyos. Ang kanyang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo;
19dakila sa payo at makapangyarihan sa gawa; na ang mga mata ay mulat sa lahat ng lakad ng anak ng mga tao, na ginagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga lakad, at ayon sa bunga ng kanyang mga gawa.
20Ikaw ay nagpakita ng mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Ehipto, at hanggang sa araw na ito sa Israel at sa gitna ng sangkatauhan, at gumawa ka ng pangalan para sa iyong sarili, gaya ng sa araw na ito.
21Inilabas mo ang iyong bayang Israel sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, ng malakas na kamay, ng unat na bisig, at may malaking kakilabutan;
22at ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila, isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot.
23Sila'y pumasok at inangkin nila ito, ngunit hindi nila dininig ang iyong tinig o lumakad man sa iyong kautusan; wala silang ginawa sa lahat ng iyong iniutos na gawin nila. Kaya't pinarating mo sa kanila ang lahat ng kasamaang ito.
24Narito, ang mga bunton ng pagkubkob ay dumating sa lunsod upang sakupin ito; at dahil sa tabak, taggutom, at salot, ang lunsod ay ibinigay sa kamay ng mga Caldeo na lumalaban dito. Kung ano ang iyong sinabi ay nangyayari; at narito, nakikita mo ito.
25Sinabi mo sa akin, O Panginoong Diyos, “Bilhin mo ng salapi ang bukid, at tumawag ka ng mga saksi,”—bagaman ang lunsod ay ibinibigay sa kamay ng mga Caldeo.’”
26At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,
27“Narito, ako ang Panginoon, ang Diyos ng lahat ng laman; mayroon bang anumang napakahirap para sa akin?
28Kaya't#2 Ha. 25:1-11; 2 Cro. 36:17-21 ganito ang sabi ng Panginoon: Ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng mga Caldeo at sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sasakupin niya ito.
29Ang mga Caldeo na lumalaban sa lunsod na ito ay darating at susunugin ang lunsod na ito, pati ang mga bahay na ang mga bubungan ay kanilang pinaghandugan ng insenso kay Baal at pinagbuhusan ng mga handog na inumin para sa mga ibang diyos, upang ako ay ibunsod sa galit.
30Sapagkat ang mga anak ng Israel at ang mga anak ng Juda ay walang ginawa kundi kasamaan sa aking paningin mula sa kanilang kabataan. At ang mga anak ng Israel ay walang ginawa kundi ako'y ibunsod sa galit sa pamamagitan ng gawa ng kanilang mga kamay, sabi ng Panginoon.
31Tunay na ang lunsod na ito ay pumupukaw ng aking galit at poot, mula sa araw na ito'y itinayo hanggang sa araw na ito, kaya't ito'y aking aalisin sa harap ng aking paningin,
32dahil sa lahat ng kasamaan ng mga anak ng Israel at ng mga anak ng Juda na kanilang ginawa upang ako ay ibunsod sa galit, sila, ang kanilang mga hari, kanilang mga pinuno, kanilang mga pari, kanilang mga propeta, mga mamamayan ng Juda, at ng mga naninirahan sa Jerusalem.
33Tinalikuran nila ako, at hindi ang kanilang mukha, at bagaman paulit-ulit ko silang tinuruan ay hindi sila nakinig upang tumanggap ng turo.
34Kundi#2 Ha. 23:10; Jer. 7:30, 31; 19:1-6 inilagay nila ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang ito'y dungisan.
35At#2 Ha. 23:10; Jer. 7:31; Lev. 18:21 kanilang itinayo ang matataas na dako ni Baal sa libis ng anak ni Hinom, upang ihandog ang kanilang mga anak na lalaki at babae kay Molec, na hindi ko iniutos sa kanila o pumasok man sa aking pag-iisip, na kanilang gawin ang kasuklamsuklam na ito na naging sanhi ng pagkakasala ng Juda.
Isang Pangako ng Pag-asa
36“At ngayon ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa lunsod na ito na inyong sinasabi, ‘Ito'y ibinigay sa kamay ng hari ng Babilonia sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.’
37Narito, titipunin ko sila mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila sa aking galit at sa aking poot, at ibabalik ko sila sa dakong ito, at akin silang patitirahing tiwasay.
38At sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos.
39Bibigyan ko sila ng isang puso at ng isang daan, upang sila'y matakot sa akin sa lahat ng panahon para sa ikabubuti nila at ng kanilang mga anak kasunod nila.
40Ako'y gagawa sa kanila ng isang walang hanggang tipan, at hindi ako hihiwalay sa kanila upang gawan sila ng mabuti; at ilalagay ko sa kanilang puso ang pagkatakot sa akin, upang huwag silang humiwalay sa akin.
41Ako'y magagalak sa kanila na gawan ko sila ng mabuti, at sa katapatan ay itatanim ko sila sa lupaing ito nang aking buong puso at buong kaluluwa.
42“Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Kung paanong aking dinala ang lahat ng malaking kasamaang ito sa bayang ito, gayon ko dadalhin sa kanila ang lahat ng mabuti na aking ipinangako sa kanila.
43At ang mga bukid ay mabibili sa lupaing ito na iyong sinasabi, Ito ay wasak, walang tao o hayop man; ito ay ibinigay sa kamay ng mga Caldeo.
44Bibilhin ng salapi ang mga bukid at ang bilihan ay lalagdaan, tatatakan at tatawag ng mga saksi sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda at ng lupaing maburol, at sa mga bayan ng Shefela at ng Negeb; sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan, sabi ng Panginoon.”
Currently Selected:
JEREMIAS 32: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001