JEREMIAS 31
31
Ang Pagbabalik ng Israel
1“Sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ako ang magiging Diyos ng lahat ng angkan ni Israel, at sila'y magiging aking bayan.”
2Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Ang mga taong nakaligtas sa tabak
ay nakatagpo ng biyaya sa ilang;
nang ang Israel ay maghanap ng kapahingahan.
3Ang Panginoon ay nagpakita sa kanya mula sa malayo.
Inibig kita ng isang walang hanggang pag-ibig,
kaya't ipinagpatuloy ko ang aking kagandahang-loob sa iyo.
4Muli kitang itatayo, at ikaw ay muling maitatayo,
O birhen ng Israel!
Muli mong gagayakan ang iyong sarili ng mga tamburin,
at lalabas ka sa pagsasayaw ng mga nagsasaya.
5Muli kang magtatanim ng mga ubasan
sa mga bundok ng Samaria;
ang mga tagapagtanim ay magtatanim,
at masisiyahan sa bunga.
6Sapagkat magkakaroon ng araw na ang mga bantay ay sisigaw
sa mga burol ng Efraim:
‘Bangon, at tayo'y umahon sa Zion,
sa Panginoon nating Diyos.’”
7Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Umawit kayo nang malakas na may kagalakan para sa Jacob,
at magsihiyaw kayo dahil sa pinuno ng mga bansa;
magpahayag, magpuri, at magsabi,
‘O Panginoon, iligtas mo ang iyong bayan,
ang nalabi ng Israel.’
8Narito, dadalhin ko sila mula sa hilagang lupain,
at titipunin ko sila mula sa pinakamalayong bahagi ng daigdig.
Kasama nila ang bulag at ang pilay,
ang babaing may anak at ang malapit nang manganak ay magkakasama;
isang malaking pulutong, sila'y babalik rito.
9Sila'y darating na may iyakan,
at may mga pakiusap na papatnubayan ko silang pabalik,
palalakarin ko sila sa tabi ng mga batis ng tubig,
sa matuwid na daan na hindi nila kakatisuran;
sapagkat ako'y ama sa Israel,
at ang Efraim ang aking panganay.
10“Inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, O mga bansa,
at inyong ipahayag sa mga pulo sa malayo;
inyong sabihin, ‘Ang nagpakalat sa Israel ay siyang magtitipon sa kanya,
at iingatan siya gaya ng pag-iingat ng pastol sa kanyang kawan.’
11Sapagkat tinubos ng Panginoon ang Jacob,
at kanyang tinubos siya sa kamay ng higit na malakas kaysa kanya.
12Sila'y darating at aawit nang malakas sa kaitaasan ng Zion,
at sila'y magniningning dahil sa kabutihan ng Panginoon,
dahil sa butil, at sa alak, langis,
at dahil sa guya ng kawan at ng bakahan;
at ang kanilang buhay ay magiging gaya ng dinilig na halamanan;
at sila'y hindi na manlulupaypay pa.
13Kung magkagayo'y magagalak ang dalaga sa sayawan,
at ang mga binata at matatanda ay magsasaya.
Gagawin kong kagalakan ang kanilang pagluluksa,
aaliwin ko sila at bibigyan ko ng kagalakan sa kanilang kalungkutan.
14Bubusugin ko ng kasaganaan ang kaluluwa ng mga pari,
at ang aking bayan ay masisiyahan sa aking kabutihan, sabi ng Panginoon.”
Ang Habag ng Panginoon sa Israel
15Ganito#Gen. 35:16-19; Mt. 2:18 ang sabi ng Panginoon,
“Isang tinig ang naririnig sa Rama,
panaghoy at mapait na pag-iyak.
Iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak;
siya'y tumatangging maaliw dahil sa kanyang mga anak,
sapagkat sila'y wala na.”
16Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Itigil mo ang iyong tinig sa pag-iyak,
at ang iyong mga mata sa pagluha;
sapagkat gagantimpalaan ang iyong mga gawa, sabi ng Panginoon;
at sila'y babalik mula sa lupain ng kaaway.
17May pag-asa para sa iyong hinaharap, sabi ng Panginoon;
at ang iyong mga anak ay babalik sa kanilang sariling lupain.
18Tunay na aking narinig ang Efraim na tumataghoy,
‘Pinarusahan mo ako, at ako'y naparusahan
na parang guya na hindi pa naturuan;
ibalik mo ako upang ako'y mapanumbalik,
sapagkat ikaw ang Panginoon kong Diyos.
19Sapagkat pagkatapos kong tumalikod ay nagsisi ako;
at pagkatapos na ako'y maturuan ay sinugatan ko ang aking hita;
ako'y napahiya, at ako'y nalito,
sapagkat dinala ko ang kahihiyan ng aking kabataan!’
20Si Efraim ba'y aking minamahal na anak?
Siya ba ang giliw kong anak?
Sapagkat kung gaano ako kadalas nagsasalita laban sa kanya,
ay gayon ko siya naaalala.
Kaya't nasasabik ang aking puso sa kanya;
ako'y tiyak na maaawa sa kanya, sabi ng Panginoon.
Ang Darating na Kasaganaan sa Bayan ng Diyos
21“Maglagay ka ng mga pananda sa daan para sa iyo,
gumawa ka ng mga posteng tanda:
ituwid mo ang iyong pag-iisip sa lansangan,
ang daan na iyong dinadaanan.
Bumalik ka, O birhen ng Israel,
bumalik ka rito sa iyong mga lunsod.
22Hanggang kailan ka magpapabalik-balik,
O ikaw na di-tapat na anak na babae?
Sapagkat ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay sa lupa:
ang isang lalaki ay palilibutan ng isang babae.”
23Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: “Minsan pa ay gagamitin nila ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa mga bayan nito, kapag ibinalik ko ang kanilang mga kayamanan:
‘Pagpalain ka ng Panginoon, O tahanan ng katuwiran,
O banal na burol!’
24Ang Juda at ang lahat ng bayan niya ay magkasamang titira doon, ang mga magbubukid at ang mga gumagala na may mga kawan.
25Sapagkat aking bibigyang kasiyahan ang pagod na kaluluwa,
at bawat nanlulupaypay ay aking pasisiglahin.”
26Mula roo'y nagising ako at tumingin, at ang aking pagkakatulog ay kasiya-siya sa akin.
27“Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking hahasikan ang sambahayan ng Israel at ang sambahayan ng Juda ng binhi ng tao at ng binhi ng hayop.
28At mangyayari, na kung paanong binantayan ko sila upang bunutin, at upang wasakin, upang ibagsak, upang lipulin at dalhan ng kasamaan, gayon ko sila babantayan upang magtayo at magtanim, sabi ng Panginoon.
29Sa#Ez. 18:2 mga araw na iyon ay hindi na nila sasabihin:
‘Ang mga magulang ay kumain ng maaasim na ubas,
at ang mga ngipin ng mga anak ay nangingilo.’
30Ngunit bawat isa ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasamaan; bawat taong kumakain ng maaasim na ubas ay mangingilo ang ngipin.
31Narito,#Mt. 26:28; Mc. 14:24; Lu. 22:20; 1 Cor. 11:25; 2 Cor. 3:6 #Heb. 8:8-12 ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y gagawa ng panibagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda,
32hindi katulad ng tipan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno nang kunin ko sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto—ang aking tipan na kanilang sinira, bagaman ako'y asawa#31:32 o panginoon. sa kanila, sabi ng Panginoon.
33Ngunit#Heb. 10:16 ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon: Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso; at ako'y magiging kanilang Diyos at sila'y magiging aking bayan.
34At#Heb. 10:17 hindi na tuturuan ng bawat isa sa kanila ang kanyang kapwa, at ng bawat tao ang kanyang kapatid, na magsasabi, ‘Kilalanin mo ang Panginoon;’ sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakahamak sa kanila hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa,” sabi ng Panginoon.
35Ganito ang sabi ng Panginoon,
na nagbibigay ng araw bilang liwanag sa maghapon,
at ng mga takdang kaayusan ng buwan at ng mga bituin bilang liwanag sa gabi,
na nagpapakilos sa dagat upang umugong ng mga alon niyon—
ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan:
36“Kung ang takdang kaayusan na ito ay humiwalay
sa harapan ko, sabi ng Panginoon,
ang binhi ng Israel ay hihinto
sa pagiging isang bansa sa harapan ko magpakailanman.”
37Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kung ang mga langit sa itaas ay masusukat,
at ang mga saligan ng lupa sa ilalim ay magalugad,
akin ngang itatakuwil ang buong lahi ng Israel
dahil sa lahat nilang nagawa, sabi ng Panginoon.”
38“Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang lunsod ay maitatayo para sa Panginoon mula sa tore ng Hananel hanggang sa Pintuang-bayan sa Panulukan.
39At ang panukat na pisi ay lalabas papalayo, tuluy-tuloy sa burol ng Gareb, at pipihit sa Goa.
40At ang buong libis ng mga bangkay at mga abo, at ang lahat ng parang hanggang sa batis ng Cedron, hanggang sa panulukan ng Pintuang-bayan ng Kabayo patungong silangan ay magiging banal sa Panginoon. Hindi na ito mabubunot o magigiba kailanman.”
Currently Selected:
JEREMIAS 31: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001