YouVersion Logo
Search Icon

MGA HUKOM 6

6
Ang Israel ay Bumagsak sa Kamay ng Midian
1Gumawa ng masama ang mga anak ni Israel sa paningin ng Panginoon; at ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Midian nang pitong taon.
2At ang Midian ay nagtagumpay laban sa Israel. Dahil sa Midian ay gumawa ang mga anak ni Israel ng mga taguan sa bundok, sa mga yungib, at ng mga muog.
3Sapagkat tuwing maghahasik ang Israel, ang mga Midianita at Amalekita, at ang mga taga-silangan ay umaahon at sinasalakay sila.
4Sila'y nagkakampo sa tapat nila at kanilang sinisira ang bunga ng lupa, hanggang sa may Gaza, at wala silang iniiwang makakain sa Israel, maging tupa, baka, o asno man.
5Sila'y aahong dala ang kanilang kawan at ang kanilang mga tolda; at sila'y dumarating na parang mga balang sa dami. Sila at ang kanilang mga kamelyo ay hindi mabilang; kaya't kanilang sinisira ang lupain sa kanilang pagdating.
6Gayon lubhang naghirap ang Israel dahil sa Midian; at ang mga anak ni Israel ay dumaing sa Panginoon.
7Nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel dahil sa Midian,
8nagsugo ang Panginoon ng isang propeta sa mga anak ni Israel, at kanyang sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Kayo'y aking pinangunahan mula sa Ehipto, at inilabas ko kayo sa bahay ng pagkaalipin.
9Iniligtas ko kayo sa kamay ng mga Ehipcio, at sa kamay ng lahat ng mga nagpapahirap sa inyo, at aking pinalayas sila sa harap ninyo, at ibinigay ko sa inyo ang kanilang lupain.
10At sinabi ko sa inyo, ‘Ako ang Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong magbibigay-galang sa mga diyos ng mga Amoreo, na ang kanilang lupain ay inyong tinatahanan.’ Ngunit hindi ninyo dininig ang aking tinig.”
Si Gideon ay Dinalaw ng Anghel ng Panginoon
11Ang anghel ng Panginoon ay dumating at umupo sa ilalim ng ensina na nasa Ofra, na pag-aari ni Joas na Abiezerita, habang ang kanyang anak na si Gideon ay gumigiik ng trigo sa ubasan, upang itago ito sa mga Midianita.
12Nagpakita ang anghel ng Panginoon sa kanya, at sinabi sa kanya, “Ang Panginoon ay sumasaiyo, ikaw na magiting na mandirigma.”
13Sinabi ni Gideon sa kanya, “Subalit ginoo, kung ang Panginoon ay kasama namin, bakit ang lahat ng ito ay sumapit sa amin? Nasaan ang lahat ng kanyang kamangha-manghang gawa na isinaysay sa amin ng aming mga ninuno, na sinasabi, ‘Hindi ba tayo iniahon ng Panginoon mula sa Ehipto?’ Ngunit ngayo'y itinakuwil kami ng Panginoon at ibinigay kami sa kamay ng Midian.”
14At bumaling sa kanya ang Panginoon, at sinabi, “Humayo ka sa kalakasan mong ito, at iligtas mo ang Israel sa kamay ng Midian. Hindi ba kita isinusugo?”
15Sinabi niya sa kanya, “Ngunit ginoo, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aking angkan ang pinakamahina sa Manases, at ako ang pinakahamak sa sambahayan ng aking ama.”
16Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Subalit ako'y makakasama mo at iyong ibubuwal ang mga Midianita, bawat isa sa kanila.”
17At sinabi niya sa kanya, “Kung nakatagpo ako ngayon ng biyaya sa iyong paningin, ay bigyan mo ako ng isang tanda na ikaw nga ang nakikipag-usap sa akin.
18Huwag kang umalis dito hanggang sa ako'y dumating sa iyo, at ilabas ko ang aking kaloob, at ilapag ko sa harap mo.” At kanyang sinabi, “Ako'y maghihintay hanggang sa ikaw ay bumalik.”
19Kaya't si Gideon ay pumasok sa kanyang bahay, at naghanda ng isang batang kambing, ng mga munting tinapay na walang pampaalsa at ng isang efang harina. Inilagay niya ang karne sa isang basket, at kanyang inilagay ang sabaw sa isang palayok, at dinala ang mga ito sa kanya sa ilalim ng ensina, at inihain ang mga ito.
20At sinabi ng anghel ng Diyos sa kanya, “Kunin mo ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa at ipatong mo sa batong ito at ibuhos mo rito ang sabaw.” At gayon ang ginawa niya.
21Pagkatapos ay iniabot ng anghel ng Panginoon ang dulo ng tungkod na nasa kanyang kamay, at sinaling ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa. May lumabas na apoy sa bato at tinupok ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa; at ang anghel ng Panginoon ay nawala sa kanyang paningin.
22Nalaman ni Gideon na iyon ang anghel ng Panginoon; at sinabi ni Gideon, “Tulungan mo ako, O Panginoong Diyos! Sapagkat aking nakita ang anghel ng Panginoon nang mukhaan.”
23Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Sumaiyo ang kapayapaan; huwag kang matakot, hindi ka mamamatay.”
24Nang magkagayo'y nagtayo roon si Gideon ng isang dambana sa Panginoon, at tinawag iyon na, Ang Panginoon ay kapayapaan. Hanggang sa araw na ito, iyon ay nakatayo pa rin sa Ofra ng mga Abiezerita.
Giniba ni Gideon ang Dambana ni Baal
25Nang gabing iyon, sinabi ng Panginoon sa kanya, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, ang ikalawang toro na may pitong taong gulang. Ibagsak mo ang dambana ni Baal na pag-aari ng iyong ama, at putulin mo ang sagradong poste#6:25 Sa Hebreo ay Ashera. na katabi niyon.
26Ipagtayo mo ng dambana ang Panginoon mong Diyos sa tuktok ng kutang ito, sa tamang ayos. Pagkatapos, kunin mo ang ikalawang toro, at ialay mo bilang isang handog na sinusunog, pati ang kahoy ng sagradong poste#6:26 Sa Hebreo ay Ashera. na iyong puputulin.”
27Kaya't kumuha si Gideon ng sampung lalaki sa kanyang mga katulong at ginawa ang ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya; ngunit dahil siya'y takot na takot sa sambahayan ng kanyang ama at sa mga lalaki sa bayan, hindi niya iyon ginawa sa araw kundi sa gabi.
28Kinaumagahan, nang maagang bumangon ang mga lalaki sa bayan, ang dambana ni Baal ay wasak na, ang sagradong poste#6:28 Sa Hebreo ay Ashera. na katabi niyon ay pinutol, at ang ikalawang toro ay inihandog sa dambanang itinayo.
29Sinabi nila sa isa't isa, “Sino ang gumawa ng bagay na ito?” Nang kanilang siyasatin at ipagtanong ay kanilang sinabi, “Si Gideon na anak ni Joas ang gumawa ng bagay na ito.”
30Nang magkagayo'y sinabi ng mga taong-bayan kay Joas, “Ilabas mo ang iyong anak upang siya'y mamatay, sapagkat kanyang winasak ang dambana ni Baal, at kanyang pinutol ang sagradong poste#6:30 Sa Hebreo ay Ashera. na katabi niyon.”
31Ngunit sinabi ni Joas sa lahat ng nakatayong laban sa kanya, “Ipaglalaban ba ninyo si Baal? O ipagtatanggol ba ninyo siya? Sinumang magtanggol sa kanya ay papatayin sa kinaumagahan. Kung siya'y diyos hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili, sapagkat ibinagsak ang kanyang dambana.”
32Kaya't nang araw na iyon, si Gideon#6:32 Sa Hebreo ay siya. ay tinawag na Jerubaal, na ang ibig sabihin ay, “Magsanggalang si Baal laban sa kanya,” sapagkat ibinagsak niya ang kanyang dambana.
33Nang magkagayo'y lahat ng mga Midianita, mga Amalekita at ang mga taga-silangan ay nagpulong; at pagtawid sa Jordan ay nagkampo sila sa Libis ng Jezreel.
34Ngunit lumukob ang Espiritu ng Panginoon kay Gideon; at hinipan niya ang trumpeta, at ang mga Abiezerita ay tinawag upang sumunod sa kanya.
35At nagpadala siya ng mga sugo sa buong Manases, at sila rin ay tinawagan upang sumunod sa kanya. Siya'y nagpadala ng mga sugo sa Aser, Zebulon, at Neftali, at sila'y umahon upang salubungin sila.
Ang Tanda ng Balat ng Tupa
36Pagkatapos, sinabi ni Gideon sa Diyos, “Kung iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinabi,
37ilalagay ko ang isang balahibo ng tupa sa giikan; kung magkaroon ng hamog sa balat lamang, at maging tuyo ang buong lupa, ay malalaman ko nga na iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinabi.”
38At gayon nga ang nangyari. Kinaumagahan, nang siya'y maagang bumangon at pigain ang balat, nakapiga siya ng hamog sa balahibo ng tupa na sapat na mapuno ng tubig ang isang mangkok.
39Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Huwag mag-alab ang iyong galit laban sa akin, hayaan mong magsalita ako nang minsan pa. Ipasubok mo pa sa aking minsan sa pamamagitan ng balahibo. Tuyuin mo ngayon ang balahibo lamang, at sa buong lupa ay magkaroon ng hamog.”
40Gayon ang ginawa ng Diyos nang gabing iyon, sapagkat ang balat lamang ang tuyo, at nagkaroon ng hamog sa buong lupa.

Currently Selected:

MGA HUKOM 6: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in