SANTIAGO 4
4
Pakikipagkaibigan sa Sanlibutan
1Saan nagmumula ang mga digmaan at saan nagmumula ang mga pag-aaway sa inyo? Hindi ba mula sa inyong mga kalayawan na nakikipaglaban sa inyong mga sangkap?
2Kayo'y naghahangad, at kayo'y wala; kayo'y pumapatay at kayo'y nag-iimbot at kayo'y hindi nagkakamit. Kayo'y nag-aaway at nagdidigmaan. Kayo'y wala, sapagkat hindi kayo humihingi.
3Kayo'y humihingi, at hindi tumatanggap, sapagkat humihingi kayo sa masamang dahilan, upang gugulin ninyo ito sa inyong mga kalayawan.
4Mga mangangalunya! Hindi ba ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya't sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.
5O iniisip ba ninyo na walang kabuluhan ang sinasabi ng kasulatan na, “Ang espiritu na pinatira niya sa atin ay nagnanasa na may paninibugho?”
6Ngunit#Kaw. 3:34 (LXX) siya'y nagbibigay ng higit pang biyaya. Kaya't sinasabi, “Ang Diyos ay sumasalungat sa mga mapagmataas, subalit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”
7Kaya't pasakop kayo sa Diyos, labanan ninyo ang diyablo, at siya ay lalayo sa inyo.
8Lumapit kayo sa Diyos, at siya'y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong mga kamay, mga makasalanan, at pabanalin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang pag-iisip.
9Kayo'y managhoy, magluksa, at umiyak. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagluluksa, at ang inyong kagalakan ng kalungkutan.
10Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at kanyang itataas kayo.
Babala Laban sa Paghatol
11Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Ang nagsasalita laban sa kapatid, o humahatol sa kanyang kapatid ay nagsasalita ng masama laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan. Ngunit kung ikaw ay humahatol sa kautusan, hindi ka na tagatupad ng kautusan, kundi isang hukom.
12Iisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom, siya na may kapangyarihang magligtas at pumuksa. Kaya, sino ka na humahatol sa iyong kapwa?
Babala Laban sa Kapalaluan
13Halikayo#Kaw. 27:1 ngayon, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o sa ganoong bayan, at kami ay mangangalakal doon ng isang taon at kikita.”
14Gayunman ay hindi ninyo nalalaman kung ano ang magaganap bukas. Ano ba ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sandaling panahon ay lumilitaw, at pagkatapos ay naglalaho.
15Sa halip ay dapat ninyong sabihin, “Kung loloobin ng Panginoon kami ay mabubuhay at gagawin namin ito o iyon.”
16Subalit ngayon ay nagmamalaki kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng gayong pagmamalaki ay masama.
17Kaya't ang sinumang nakakaalam ng paggawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kanya.
Currently Selected:
SANTIAGO 4: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001