SANTIAGO 1
1
Pagbati
1Si#Mt. 13:55; Mc. 6:3; Gw. 15:13; Ga. 1:19 Santiago, na alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo, ay bumabati sa labindalawang lipi na nasa Pangangalat.
Pananampalataya at Karunungan
2Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag kayo'y nahaharap sa sari-saring pagsubok,
3yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis.
4At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan.
5Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at iyon ay ibibigay sa kanya.
6Ngunit humingi siyang may pananampalataya na walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay katulad ng alon sa dagat na hinihipan at ipinapadpad ng hangin.
7Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-akala na siya'y tatanggap ng anumang bagay mula sa Panginoon.
8Siya ay isang taong nagdadalawang isip, di-matatag sa lahat ng kanyang mga lakad.
Kahirapan at Kayamanan
9Ngunit ang kapatid na hamak ay hayaang magmalaki sa kanyang pagkakataas,
10at#Isa. 40:6, 7 (LXX) ang mayaman sa kanyang pagkaaba, sapagkat siya'y lilipas na gaya ng bulaklak sa parang.
11Sapagkat ang araw ay sumisikat na may nakakapasong init at tinutuyo ang damo at nilalagas ang bulaklak nito, at nawawala ang kagandahan nito. Gayundin ang taong mayaman ay malalanta sa gitna ng kanyang abalang pamumuhay.
Tukso at Pagsubok
12Mapalad ang taong nagtitiis ng pagsubok, sapagkat kapag siya ay subok na, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon#1:12 Sa Griyego ay niya. sa mga nagmamahal sa kanya.
13Huwag sabihin ng sinuman kapag siya'y tinutukso, “Ako'y tinutukso ng Diyos,” sapagkat ang Diyos ay hindi natutukso ng masasama, at hindi rin siya nanunukso sa sinuman.
14Ngunit ang bawat tao ay natutukso ng sarili niyang pagnanasa, kapag siya ay nahila at naakit nito;
15at kapag ang pagnanasang iyon ay naipaglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan, at ang kasalanan kapag malaki na ay nagbubunga ng kamatayan.
16Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid.
17Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na nanggagaling sa Ama ng mga ilaw, na sa kanya ay walang pag-iiba, o anino man ng pagbabago.
18Alinsunod sa kanyang sariling kalooban, tayo ay ipinanganak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga unang bunga sa kanyang mga nilalang.
Pakikinig at Pagtupad
19Unawain ninyo ito, minamahal kong mga kapatid: ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, marahan sa pagsasalita, mabagal sa pagkagalit;
20sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos.
21Kaya't alisin ninyo ang lahat ng karumihan at ang nalalabing kasamaan, at tanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang itinanim, na may kapangyarihang magligtas ng inyong mga kaluluwa.
22Ngunit maging tagatupad kayo ng salita, at hindi tagapakinig lamang, na dinadaya ninyo ang inyong mga sarili.
23Sapagkat kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, siya ay katulad ng isang tao na tinitingnan ang kanyang likas na mukha sa salamin;
24sapagkat minamasdan niya ang kanyang sarili at umaalis, at agad niyang nalilimutan kung ano ang kanyang katulad.
25Ngunit ang tumitingin sa sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatili na hindi tagapakinig na malilimutin, kundi tagatupad na gumagawa, siya ay pagpapalain sa kanyang gawain.
26Kung inaakala ng sinuman na siya'y relihiyoso, subalit hindi pinipigil ang kanyang dila, kundi dinadaya ang kanyang puso, ang relihiyon ng taong iyon ay walang kabuluhan.
27Ang dalisay na relihiyon at walang dungis sa harapan ng ating Diyos at Ama ay ito: ang dalawin ang mga ulila at ang mga balo sa kanilang kahirapan, at panatilihin ang sarili na hindi nadungisan ng sanlibutan.
Currently Selected:
SANTIAGO 1: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001