YouVersion Logo
Search Icon

ISAIAS 21

21
Ang Pagbagsak ng Babilonia
1Ang pahayag tungkol sa ilang ng karagatan.
Kung paanong dumaan ang mga ipu-ipo sa Negeb
ito'y nagmumula sa ilang
mula sa isang kakilakilabot na lupain.
2Isang matinding pangitain ang ipinahayag sa akin;
ang magnanakaw ay nagnanakaw,
at ang mangwawasak ay nangwawasak.
Umahon ka, O Elam;
kumubkob ka, O Media;
lahat ng buntong-hininga na nilikha niya'y
aking pinatigil na.
3Kaya't ang aking mga balakang ay punô ng kahirapan;
punô ako ng paghihirap,
gaya ng mga hirap ng babae sa panganganak,
ako'y nakayuko na anupa't hindi ako makarinig;
ako'y nanlulumo na anupa't hindi ako makakita.
4Ang aking isipan ay umiikot, ang pagkasindak ay nakabigla sa akin;
ang pagtatakipsilim na aking kinasabikan
ay nagpanginig sa akin.
5Sila'y naghanda ng hapag-kainan,
iniladlad nila ang alpombra,
sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom.
Magsitindig kayong mga pinuno,
langisan ninyo ang kalasag!
6Sapagkat ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin,
“Ikaw ay humayo, maglagay ka ng bantay;
ipahayag niya kung ano ang nakikita niya.
7Kapag siya'y nakakita ng mga nakasakay, mga mangangabayo na dala-dalawa,
nakasakay sa mga asno, nakasakay sa mga kamelyo,
makinig siyang masikap,
ng buong sikap.”
8At siya na nakakita ay sumigaw:
“O Panginoon, ako'y nakatayo sa muog,
patuloy kapag araw,
at ako'y nakatanod sa aking bantayan
nang buong magdamag.
9Tingnan#Apoc. 14:8; 18:2 mo, dumarating ang mga mangangabayo,
mga mangangabayong dala-dalawa!”
At siya'y sumagot at nagsabi,
“Bumagsak, bumagsak ang Babilonia;
at lahat na larawang inanyuan ng kanyang mga diyos
ay nagkadurug-durog sa lupa.”
10O ikaw na aking giniik, at trigo ng aking giikan,
ang aking narinig sa Panginoon ng mga hukbo,
sa Diyos ng Israel, ang aking ipinahayag sa iyo.
Ang Pahayag tungkol sa Edom
11Ang pahayag tungkol sa Duma.
May tumatawag sa akin mula sa Seir,
“Bantay, gaano pa katagal ang gabi?
Bantay, gaano pa katagal ang gabi?”
12Sinabi ng bantay,
“Ang umaga ay dumarating, at gayundin ang gabi.
Kung kayo'y mag-uusisa, mag-usisa kayo;
muli kayong bumalik.”
Ang Pahayag tungkol sa Arabia
13Ang pahayag tungkol sa Arabia.
Sa gubat ng Arabia ay tumigil kayo,
O kayong naglalakbay na mga Dedaneo.
14Sa nauuhaw ay magdala kayo ng tubig,
salubungin ng tinapay ang takas,
O mga naninirahan sa lupain ng Tema.
15Sapagkat sila'y tumakas mula sa mga tabak,
mula sa binunot na tabak,
mula sa busog na nakaakma,
at mula sa matinding digmaan.
16Sapagkat ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, “Sa loob ng isang taon, ayon sa mga taon ng magpapaupa, ang lahat ng kaluwalhatian ng Kedar ay magwawakas;
17at ang nalalabi sa mga mamamana, sa mga makapangyarihang lalaki na mga anak ni Kedar ay magiging iilan, sapagkat ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, ay siyang nagsalita.”

Currently Selected:

ISAIAS 21: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in