HABAKUK 3
3
Ang Panalangin ni Habakuk
1Panalangin ni propeta Habakuk ayon sa Shigionot.
2O Panginoon, narinig ko ang tungkol sa iyo
at ako'y natatakot.
O Panginoon, buhayin mong muli ang iyong mga gawa sa gitna ng mga taon.
Sa gitna ng mga taon ay ipaalam mo iyon,
sa kapootan ay alalahanin mo ang kaawaan.
3Ang Diyos ay dumating mula sa Teman,
at ang Banal mula sa Bundok ng Paran. Selah
Ang kanyang kaluwalhatia'y tumakip sa mga langit,
at ang lupa'y punô ng kanyang kapurihan.
4Ang kanyang ningning ay parang liwanag;
may mga sinag na nagliliwanag mula sa kanyang kamay;
at doo'y ikinubli niya ang kanyang kapangyarihan.
5Sa unahan niya'y nagpapauna ang peste,
at ang salot ay malapit na sumusunod.
6Siya'y tumayo at sinukat ang lupa.
Siya'y tumingin at niliglig ang mga bansa;
at ang mga walang hanggang bundok ay nangalat;
ang mga burol na walang hanggan ay nagsiyukod.
Ang kanyang mga pamamaraan ay walang hanggan.
7Nakita ko ang mga tolda sa Cusan na nasa pagdadalamhati.
Ang mga tabing ng lupain ng Midian ay nanginig.
8Ang iyo bang poot ay laban sa mga ilog, O Panginoon?
Ang iyo bang galit ay laban sa mga ilog,
O ang iyo bang poot ay laban sa dagat,
kapag ikaw ay sumasakay sa iyong mga kabayo,
sa iyong karwahe ng kaligtasan?
9Hubad na nilantad mo ang iyong pana,
ayon sa panunumpa na tungkol sa iyong salita. Selah
Iyong nilagyan ng mga ilog ang lupa.
10Nakita ka ng mga bundok at ang mga ito'y nanginig;
ang rumaragasang tubig ay dumaan,
ibinigay ng kalaliman ang kanyang tinig,
at itinaas nito ang kanyang mga kamay.
11Ang araw at buwan ay tumigil sa kanilang mataas na lugar,
sa liwanag ng iyong mga palaso sila'y umalis,
sa kislap ng iyong makinang na sibat.
12Ikaw ay lumakad na may galit sa mga lupain,
iyong tinapakan ang mga bansa sa galit.
13Ikaw ay lumabas upang iligtas ang iyong bayan,
at iligtas ang iyong pinahiran ng langis.
Iyong dinurog ang puno ng masamang sambahayan,
hinubaran mo siya mula hita hanggang sa leeg. Selah
14Iyong tinusok ang ulo ng kanyang mga mandirigma ng kanyang sariling sibat;
na dumating na parang ipu-ipo upang pangalatin ako;
ang kanilang kagalakan ay sakmaling lihim ang dukha.
15Iyong tinapakan ang dagat ng iyong mga kabayo,
ang bunton ng makapangyarihang tubig.
Ang Propeta ay Nagtitiwala sa Panginoon
16Aking narinig, at ang aking katawan ay nanginginig,
ang aking mga labi ay nangangatal sa tinig;
ang kabuluka'y pumapasok sa aking mga buto,
ang aking mga hakbang ay nanginginig.
Ako'y tahimik na maghihintay sa araw ng kapahamakan,
na dumating sa bayan na sumasakop sa atin.
17Bagama't ang puno ng igos ay hindi namumulaklak,
ni magkakaroon man ng bunga sa mga puno ng ubas;
ang olibo ay hindi magbubunga,
at ang mga bukid ay hindi magbibigay ng pagkain;
ang kawan ay aalisin sa kulungan,
at hindi na magkakaroon ng bakahan sa mga silungan,
18gayunma'y magagalak ako sa Panginoon,
ako'y magagalak sa Diyos ng aking kaligtasan.
19Ang#2 Sam. 22:34; Awit 18:33 Diyos, ang Panginoon, ay aking kalakasan;
ginagawa niya ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
pinalalakad niya ako sa aking matataas na dako.
Sa Punong Manunugtog: na may panugtog na may kuwerdas.
Currently Selected:
HABAKUK 3: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001