GENESIS 45
45
Nagpakilala si Jose sa Kanyang mga Kapatid
1Kaya't#Gw. 7:13 hindi nakapagpigil si Jose sa harapan ng mga nakatayo sa tabi niya, at siya ay sumigaw, “Paalisin ninyo ang lahat ng tao sa aking harapan.” Kaya't walang taong nakatayo sa harapan niya nang si Jose ay magpakilala sa kanyang mga kapatid.
2Siya'y umiyak nang malakas, at ito ay narinig ng mga Ehipcio at ng sambahayan ng Faraon.
3Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako'y si Jose. Buháy pa ba ang aking ama?” Ang kanyang mga kapatid ay hindi makasagot sa kanya, sapagkat sila'y nanginig sa kanyang harapan.
4Kaya't sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Lumapit kayo sa akin.” At sila'y lumapit, at kanyang sinabi, “Ako'y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Ehipto.
5Ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili sapagkat ako'y ipinagbili ninyo rito; sapagkat sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magligtas ng buhay.
6Sapagkat ang taggutom ay dalawang taon na sa lupain; at limang taon pang hindi magkakaroon ng pagbubukid o pag-aani man.
7Sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magpanatili para sa inyo ng mga matitira sa daigdig at upang panatilihing buháy para sa inyo ang maraming nakaligtas.
8Kaya't hindi kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Diyos, at ginawa niya ako bilang ama kay Faraon, at bilang panginoon sa kanyang buong bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Ehipto.
9Magmadali#Gw. 7:14 kayo at pumunta kayo sa aking ama, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng iyong anak na si Jose: Ginawa ako ng Diyos na panginoon sa buong Ehipto, pumarito ka sa akin, huwag kang magtagal.
10Ikaw ay maninirahan sa lupain ng Goshen, at malalapit ka sa akin, ikaw at ang iyong mga anak, ang mga anak ng iyong mga anak, ang iyong mga kawan, mga bakahan, at ang iyong buong pag-aari.
11At doo'y tutustusan kita, sapagkat may limang taong taggutom pa; baka ikaw, at ang iyong sambahayan, at ang lahat ng iyo ay maging dukha.’
12Nakikita ng inyong mga mata at ng mga mata ng aking kapatid na si Benjamin, na ang bibig ko mismo ang nagsasalita sa inyo.
13Inyong sabihin sa aking ama kung paanong ako'y iginagalang sa Ehipto, at ang lahat ng inyong nakita. Magmadali kayo at dalhin ninyo rito ang aking ama.”
14Siya'y humilig sa leeg ng kanyang kapatid na si Benjamin, at umiyak; at si Benjamin ay umiyak sa kanyang leeg.
15Kanyang hinagkan ang lahat niyang mga kapatid, at umiyak sa kanila; at pagkatapos ay nakipag-usap sa kanya ang kanyang mga kapatid.
16Nang ang ulat ay naibalita sa sambahayan ng Faraon, “Dumating na ang mga kapatid ni Jose,” ito ay minabuti ni Faraon at ng kanyang mga lingkod.
17Sinabi ng Faraon kay Jose, “Sabihin mo sa iyong mga kapatid, ‘Gawin ninyo ito: Kargahan ninyo ang inyong mga hayop, humayo kayo at umuwi sa lupain ng Canaan.
18Kunin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sambahayan, at pumarito kayo sa akin. Ibibigay ko sa inyo ang pinakamabuti sa lupain ng Ehipto, at inyong tamasahin ang katabaan ng lupain.’
19Ngayo'y inuutusan ka, ‘Gawin mo ito: kumuha kayo ng mga karwahe sa lupain ng Ehipto para sa inyong mga anak, at sa inyong mga asawa, at kunin ninyo ang inyong ama at kayo'y pumarito.
20Huwag na ninyong alalahanin pa ang inyong pag-aari, sapagkat ang pinakamabuti ng buong lupain ng Ehipto ay sa inyo.’”
21Ganoon nga ang ginawa ng mga anak ni Israel, at ayon sa sinabi ng Faraon ay binigyan sila ni Jose ng mga karwahe, at ng mababaon sa daan.
22Sa kanilang lahat ay nagbigay siya ng mga pampalit na bihisan; ngunit kay Benjamin ay nagbigay siya ng tatlong daang pirasong pilak, at limang pampalit na bihisan.
23Sa kanyang ama ay nagpadala siya ng ganito: sampung asnong may pasang mabuting mga bagay mula sa Ehipto, at sampung babaing asno na may pasang trigo, tinapay, at pagkain ng kanyang ama sa daan.
24Kaya't kanyang pinahayo ang kanyang mga kapatid, at sila'y umalis at kanyang sinabi sa kanila, “Huwag kayong mag-aaway sa daan.”
25Sila'y umahon mula sa Ehipto, at dumating sa lupain ng Canaan, kay Jacob na kanilang ama.
26Kanilang sinabi sa kanya, “Si Jose ay buháy pa! Sa katunaya'y siya ang pinuno sa buong lupain ng Ehipto.” Siya ay nabigla; hindi siya makapaniwala sa kanila.
27Subalit nang kanilang sabihin sa kanya ang lahat ng mga salita na sinabi ni Jose sa kanila, at nang kanyang makita ang mga karwahe na ipinadala ni Jose upang dalhin siya, ay nanauli ang diwa ni Jacob na kanilang ama.
28At sinabi ni Israel, “Sapat na! Si Jose na aking anak ay buháy pa. Dapat akong pumunta at makita siya bago ako mamatay.”
Currently Selected:
GENESIS 45: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001