YouVersion Logo
Search Icon

GENESIS 42

42
Bumili ng Pagkain ang mga Kapatid ni Jose sa Ehipto
1Nabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, “Bakit kayo nagtitinginan?”
2Kanyang#Gw. 7:12 sinabi, “Aking narinig na may trigo sa Ehipto. Bumaba kayo roon, at bumili kayo ng para sa atin, upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay.”
3Kaya't ang sampung kapatid ni Jose ay bumaba upang bumili ng trigo sa Ehipto.
4Subalit si Benjamin na kapatid ni Jose ay hindi pinasama ni Jacob sa kanyang mga kapatid, sapagkat sabi niya, “Baka may mangyaring kapahamakan sa kanya.”
5Kaya't ang mga anak ni Israel ay kasama ng iba pang nagsidating upang bumili ng trigo, sapagkat ang taggutom ay nakarating na sa lupain ng Canaan.
6Si Jose noon ang tagapamahala sa lupain. Siya ang nagbibili ng trigo sa lahat ng mga tao sa lupain. At dumating ang mga kapatid ni Jose at sila'y yumuko sa kanya na ang kanilang mga mukha ay nakasubsob sa lupa.
7Nakita ni Jose ang kanyang mga kapatid at nakilala sila, subalit siya'y nagkunwaring iba sa kanila, at nagsalita ng marahas na mga bagay sa kanila. Sinabi niya sa kanila, “Saan kayo nanggaling?” Sinabi nila, “Mula sa lupain ng Canaan, upang bumili ng pagkain.”
8Nakilala ni Jose ang kanyang mga kapatid, subalit siya'y hindi nila nakilala.
9Naalala#Gen. 37:5-10 ni Jose ang kanyang napanaginip tungkol sa kanila; at sinabi sa kanila, “Kayo'y mga espiya, naparito kayo upang tingnan ang kahubaran#42:9 o kahinaan. ng lupain.”
10Kanilang sinabi sa kanya, “Hindi, panginoon ko, kundi ang iyong mga lingkod ay nagsiparito upang bumili ng pagkain.
11Kaming lahat ay mga anak ng isa lamang lalaki. Kami ay mga taong tapat; ang iyong mga lingkod ay hindi mga espiya.”
12Kanyang sinabi sa kanila, “Hindi! Pumarito kayo upang tingnan ang kahubaran#42:12 o kahinaan. ng lupain.”
13Ngunit kanilang sinabi, “Kaming iyong mga lingkod ay labindalawang magkakapatid, na mga anak ng isa lamang lalaki sa lupain ng Canaan. Ang bunso ay nasa aming ama ngayon, at ang isa ay wala na.”
14Sinabi sa kanila ni Jose, “Iyan ang sinabi ko sa inyo, ‘Kayo'y mga espiya!’
15Sa pamamagitan nito ay masusubok kayo: Kung paanong nabubuhay si Faraon, hindi kayo aalis dito malibang pumarito ang inyong kapatid na bunso.
16Suguin ninyo ang isa sa inyo at dalhin dito ang inyong kapatid, habang kayo ay nasa bilangguan upang masubok ang inyong mga salita, kung may katotohanan sa inyo; at kung wala, kung paanong nabubuhay ang Faraon, ay tunay na mga espiya nga kayo.”
17Silang lahat ay kanyang inilagay na magkakasama sa bilangguan sa loob ng tatlong araw.
18Nang ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Gawin ninyo ito at kayo'y mabubuhay; sapagkat may takot ako sa Diyos.
19Kung kayo'y mga taong tapat, maiwan ang isa sa inyong magkakapatid kung saan kayo nakabilanggo; at ang iba ay humayo upang magdala ng trigo dahil sa taggutom sa inyong mga sambahayan.
20Dalhin ninyo sa akin ang inyong kapatid na bunso; sa ganito'y mapapatotohanan ang inyong mga salita, at hindi kayo mamamatay.” At kanilang ginawa ang gayon.
21Sinabi nila sa isa't isa, “Talagang tayo ay nagkasala dahil sa ating kapatid, sapagkat nakita natin ang kanyang pighati nang siya'y makiusap sa atin, ngunit hindi natin siya pinakinggan. Dahil dito'y dumating sa atin ang pighating ito.”
22Si#Gen. 37:21, 22 Ruben ay sumagot sa kanila, “Hindi ba sinabi ko sa inyo, huwag kayong magkasala laban sa bata; at ayaw kayong makinig? Kaya ngayon ay dumating ang pagtutuos para sa kanyang dugo.”
23Hindi nila nalalaman na naiintindihan sila ni Jose, yamang siya ay nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng isang tagapagsalin.
24Kaya't siya'y lumayo sa kanila at umiyak; at siya'y bumalik at nakipag-usap sa kanila. Kinuha niya sa kanila si Simeon, at siya'y tinalian sa harapan ng kanilang mga paningin.
25Ipinag-utos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sisidlan at ibalik ang salapi ng bawat isa sa kanya-kanyang sako at sila'y bigyan ng mababaon sa daan. At ito ay ginawa para sa kanila.
26Pagkatapos ay kanilang ipinapasan ang trigo sa kanilang mga asno at umalis mula roon.
27Sa pagbubukas ng isa sa kanyang sako upang bigyan ng pagkain ang kanyang asno sa tuluyan, nakita niya ang kanyang salapi, at nakita niya na ito ay nasa ibabaw ng kanyang sako.
28Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Ang salapi ko ay isinauli at tingnan din ninyo ang aking sako.” Sila'y nanlupaypay at bawat isa ay takot na nagsasabi sa kanyang kapatid, “Ano itong ginawa ng Diyos sa atin?”
29Nang sila'y dumating kay Jacob na kanilang ama sa lupain ng Canaan, isinalaysay nila sa kanya ang lahat ng nangyari sa kanila, na sinasabi;
30“Ang lalaking pinuno sa lupaing iyon ay marahas na kinausap kami at itinuring kaming mga espiya sa lupain.
31Ngunit aming sinabi sa kanya, ‘Kami ay mga tapat, hindi kami mga espiya.
32Kami ay labindalawang magkakapatid, mga anak ng aming ama; ang isa'y wala na, at ang bunso ay nasa aming ama ngayon sa lupain ng Canaan.’
33Sinabi sa amin ng lalaking iyon na pinuno ng lupain, ‘Sa pamamagitan nito ay makikilala ko kung kayo'y mga tapat. Iwan ninyo sa akin ang isa sa inyong mga kapatid; umalis kayo at magdala ng butil para sa taggutom sa inyong mga sambahayan.
34Dalhin ninyo rito sa akin ang inyong bunsong kapatid upang aking malaman na kayo'y hindi mga espiya, kundi kayo'y mga tapat. Saka ko isasauli sa inyo ang inyong kapatid at kayo'y makakapangalakal sa lupain.’”
Nakita ang Salapi sa Kanilang Sisidlan
35Nang inaalisan nila ng laman ang kanilang mga sako, sa sako ng bawat isa ay nakalagay ang kanya-kanyang bungkos ng salapi. Nang makita nila at ng kanilang ama ang kanilang mga bungkos ng salapi, sila ay natakot.
36Sinabi sa kanila ng kanilang amang si Jacob, “Pinangulila ninyo ako; si Jose ay wala na, at si Simeon ay wala na, at kukunin pa ninyo si Benjamin. Lahat ng ito ay nangyari sa akin!”
37Nagsalita si Ruben sa kanyang ama, “Maaari mong ipapatay ang aking dalawang anak kung hindi ko siya maibabalik sa iyo. Ibigay mo siya sa akin at siya'y ibabalik ko sa iyo.”
38Sinabi niya, “Hindi aalis ang aking anak na kasama ninyo sapagkat ang kanyang kapatid ay patay na, at siya na lamang ang natitira. Kung mangyari sa kanya ang anumang kapahamakan sa paglalakbay na inyong gagawin, ay pabababain nga ninyo ang aking mga uban na may kapanglawan sa Sheol.”

Currently Selected:

GENESIS 42: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in