YouVersion Logo
Search Icon

GENESIS 29

29
Dumating si Jacob sa Tahanan ni Laban
1Nang magkagayo'y nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay, at nagtungo sa lupain ng mga tao sa silangan.
2Siya'y tumingin at nakakita ng isang balon sa parang. May tatlong kawan ng mga tupa na nagpapahinga sa tabi roon, sapagkat sa balong iyon pinaiinom ang mga kawan. Ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon ay napakalaki,
3at kapag nagkakatipon doon ang lahat ng kawan, iginugulong ng mga pastol ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon, at pinaiinom ang mga tupa, at muling inilalagay ang bato sa kanyang lugar sa ibabaw ng balon.
4Sinabi sa kanila ni Jacob, “Mga kapatid ko, taga-saan kayo?” At kanilang sinabi, “Taga-Haran kami.”
5Sinabi niya sa kanila, “Kilala ba ninyo si Laban na anak ni Nahor?” At kanilang sinabi, “Kilala namin siya.”
6Sinabi niya sa kanila, “Siya ba'y mabuti ang kalagayan?” At kanilang sinabi, “Oo; at narito ang kanyang anak na si Raquel na dumarating kasama ang mga tupa!”
7Sinabi niya, “Tingnan ninyo, maaga pa, hindi pa oras upang tipunin ang mga hayop; painumin ninyo ang mga tupa, at inyo silang pastulin.”
8Subalit sinabi nila, “Hindi namin magagawa hangga't hindi natitipong lahat ang kawan, at maigulong ang bato mula sa labi ng balon; at saka lamang namin paiinumin ang mga tupa.”
9Samantalang nakikipag-usap pa siya sa kanila, dumating si Raquel kasama ang mga tupa ng kanyang ama; sapagkat siya ang nag-aalaga ng mga iyon.
10Nang makita ni Jacob si Raquel na anak ni Laban, na kapatid ng kanyang ina, at ang mga tupa ni Laban, lumapit si Jacob at iginulong ang bato mula sa labi ng balon at pinainom ang kawan ni Laban.
11Hinagkan ni Jacob si Raquel at umiyak nang malakas.
12Sinabi ni Jacob kay Raquel na siya'y kamag-anak ni Laban na kanyang ama, at anak siya ni Rebecca. Kaya't tumakbo si Raquel#29:12 Sa Hebreo ay siya. at sinabi sa kanyang ama.
Tinanggap Siya ni Laban
13Nang marinig ni Laban ang balita ni Jacob na anak ng kanyang kapatid, tumakbo siya upang salubungin si Jacob at ito ay kanyang niyakap, hinagkan, at dinala sa kanyang bahay. Isinalaysay ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito at
14sinabi sa kanya ni Laban, “Talagang ikaw ay aking buto at aking laman.” At siya'y tumigil doong kasama niya ng isang buwan.
Naglingkod si Jacob para kina Raquel at Lea
15At sinabi ni Laban kay Jacob, “Hindi ba't ikaw ay aking kamag-anak? Dapat ka bang maglingkod sa akin nang walang upa? Sabihin mo sa akin, ano ang magiging upa mo?”
16May dalawang anak na babae si Laban; ang pangalan ng panganay ay Lea, at ang bunso ay si Raquel.
17Ang mga mata ni Lea ay mapupungay;#29:17 Ang kahulugan sa Hebreo ay di-tiyak. at si Raquel ay magandang kumilos at kahali-halina.
18Mahal ni Jacob si Raquel; kaya't kanyang sinabi, “Paglilingkuran kita ng pitong taon dahil kay Raquel na iyong anak na bunso.”
19Sinabi ni Laban, “Mas mabuti na ibigay ko siya sa iyo kaysa ibigay ko siya sa iba; tumira ka sa akin.”
20At naglingkod si Jacob ng pitong taon dahil kay Raquel, na sa kanya'y naging parang ilang araw dahil sa pag-ibig niya sa kanya.
Naging Asawa ni Jacob si Lea at si Raquel
21Sinabi ni Jacob kay Laban, “Ibigay mo sa akin ang aking asawa sapagkat naganap na ang aking mga araw at hayaan mong ako'y sumiping sa kanya.”
22Tinipong lahat ni Laban ang mga tao roon at siya'y gumawa ng isang handaan.
23Kinagabihan, kanyang kinuha si Lea na kanyang anak at dinala kay Jacob na sumiping naman sa kanya.
24Ibinigay ni Laban kay Lea ang kanyang alilang babae na si Zilpa upang kanyang maging alila.
25Kinaumagahan, si Lea pala iyon! At kanyang sinabi kay Laban, “Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba pinaglingkuran kita dahil kay Raquel? Bakit mo ako dinaya?”
26Sinabi ni Laban, “Hindi ganyan ang kaugalian dito sa aming lupain, na ibinibigay ang bunso bago ang panganay.
27Tapusin mo ang linggong ito, at ibibigay rin namin sa iyo ang isa, bilang kapalit sa paglilingkod na gagawin mo sa akin na pitong taon pa.”
28Ganoon ang ginawa ni Jacob, at tinapos niya ang linggo niya, at ibinigay ni Laban sa kanya si Raquel na kanyang anak upang maging asawa niya.
29Sa kanyang anak na si Raquel ay ibinigay ni Laban bilang alilang babae ang kanyang alilang si Bilha.
30Kaya't sumiping din si Jacob kay Raquel, at inibig si Raquel nang higit kaysa kay Lea; at naglingkod siya kay Laban ng pitong taon pa.
Mga Naging Anak ni Jacob
31Nang makita ng Panginoon na si Lea ay kinapootan, binuksan niya ang kanyang bahay-bata; subalit si Raquel ay baog.
32Naglihi si Lea at nanganak ng isang lalaki, at tinawag niyang Ruben;#29:32 Ibig sabihin ay Tingnan mo, isang anak na lalaki. sapagkat kanyang sinabi, “Sapagkat tiningnan ng Panginoon ang aking kapighatian; kaya't ngayo'y mamahalin ako ng aking asawa.”
33Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki at sinabi, “Sapagkat narinig ng Panginoon na ako'y kinapopootan, ibinigay rin niya sa akin ito”; at tinawag niyang Simeon.#29:33 Ibig sabihin ay Narinig ng Panginoon.
34Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, “Ngayo'y makakasama ko na ang aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kanya ng tatlong lalaki”; kaya't ang kanyang pangalan ay Levi.#29:34 Ibig sabihin ay makakasama.
35At muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, “Ngayo'y pupurihin ko ang Panginoon.” Kaya't tinawag niyang Juda;#29:35 Ibig sabihin ay pupurihin. at hindi na siya nanganak.

Currently Selected:

GENESIS 29: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy