YouVersion Logo
Search Icon

EZEKIEL 16

16
Ang Kawalang Katapatan
1Ang salita ng Panginoon ay muling dumating sa akin, na sinasabi,
2“Anak ng tao, ipaalam mo sa Jerusalem ang kanyang mga kasuklamsuklam.
3At sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa Jerusalem: Ang iyong pinagmulan at ang iyong kapanganakan ay ang lupain ng Cananeo; ang iyong ama ay Amoreo at ang iyong ina ay Hetea.
4Tungkol sa iyong kapanganakan, nang araw na ikaw ay ipanganak ay hindi pinutol ang iyong pusod, o pinaliguan ka man sa tubig upang linisin ka. Ikaw ay hindi pinahiran ng asin o nabalot man.
5Walang matang nahabag sa iyo upang gawin ang alinman sa mga bagay na ito bilang pagkahabag sa iyo, kundi ikaw ay inihagis sa kaparangan sapagkat ang iyong pagkatao ay itinakuwil nang araw na ikaw ay ipanganak.
6“Nang ako'y dumaan sa tabi mo, nakita kita na tigmak ng sariling dugo. Sa iyong pagkakahiga sa iyong dugo ay sinabi ko sa iyo, ‘Mabuhay ka!
7At lumaki ka na parang halaman sa parang.’ Ikaw ay lumaki at tumangkad at naging ganap na babae. Ang iyong dibdib ay nahubog at ang iyong buhok ay lumago; gayunman, ikaw ay hubo at hubad.
8“Nang ako'y muling dumaan sa tabi mo, at tumingin sa iyo, ikaw ay nasa panahon na upang umibig. Iniladlad ko ang aking balabal sa iyo, at tinakpan ko ang iyong kahubaran. Oo, ako'y sumumpa at nakipagtipan sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos, at ikaw ay naging akin.
9Nang magkagayo'y pinaliguan kita ng tubig at aking nilinis ang dugo na nasa iyo, at pinahiran kita ng langis.
10Binihisan din kita ng telang may burda, at sinuotan ng sandalyas na pinong balat, at binigkisan kita ng pinong lino, at binalot kita ng magandang damit.
11Ginayakan kita ng mga hiyas, at nilagyan ko ng mga pulseras ang iyong mga kamay, at ng isang kuwintas ang iyong leeg.
12At nilagyan ko ng singsing ang iyong ilong, ng mga hikaw ang iyong mga tainga, at ng isang magandang korona ang iyong ulo.
13Ikaw ay ginayakan ng ginto at pilak, samantalang ang iyong damit ay yari sa pinong lino, at magandang tela na may burda. Ikaw ay kumain ng mainam na harina, ng pulot, at ng langis. Ikaw ay lumaking napakaganda, at bagay na maging reyna.
14Ang iyong kabantugan ay kumalat sa gitna ng mga bansa dahil sa iyong kagandahan; sapagkat naging sakdal ka sa pamamagitan ng kamahalan na aking inilagay sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos.
15“Ngunit ikaw ay nagtiwala sa iyong kagandahan, at naging bayarang babae#16:15 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw. dahil sa iyong kabantugan, at ikinalat mo ang iyong pagpapaupa sa bawat nagdaraan.
16Kinuha mo ang ilan sa iyong mga suot, at gumawa ka para sa iyong sarili ng matataas na dako na may sari-saring kulay, at nagpakasama ka sa kanila. Ang gayong mga bagay ay hindi pa nangyari o mangyayari pa man.
17Kinuha mo rin ang iyong magagandang hiyas na ginto at pilak na aking ibinigay sa iyo, at gumawa ka para sa iyo ng mga larawan ng mga tao, at naging upahang babae ka sa kanila.
18Kinuha mo ang iyong mga bihisang may burda upang takpan sila at inilagay mo ang aking langis at ang aking insenso sa harapan nila.
19Ang aking tinapay na ibinigay ko sa iyo—pinakain kita ng piling harina, langis, at pulot—inilagay mo sa harapan nila bilang kaaya-ayang amoy, sabi ng Panginoong Diyos.
20Bukod dito'y kinuha mo ang iyong mga anak na lalaki at babae na iyong ipinanganak sa akin, at ang mga ito ay iyong inihandog sa kanila upang lamunin. Ang iyo bang mga pagpapaupa ay isang maliit na bagay,
21na iyong pinatay ang aking mga anak, at iyong ibinigay sila bilang handog na pinararaan sa apoy?
22Sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam at mga pagiging bayarang babae ay hindi mo inalala ang mga araw ng iyong kabataan, nang ikaw ay hubo, hubad, at tigmak sa iyong dugo.
Ang Pamumuhay ng Jerusalem Bilang Bayarang Babae
23“Pagkatapos ng iyong buong kasamaan (kahabag-habag, kahabag-habag ka! sabi ng Panginoong Diyos),
24ikaw ay nagtayo para sa iyo ng entablado, at gumawa ka para sa iyo ng mataas na dako sa bawat liwasan.
25Itinayo mo ang iyong mataas na dako sa bawat bukana ng daan, at ginawa mong kasuklamsuklam ang iyong kagandahan, at ibinuka mo ang iyong mga binti sa bawat nagdaraan, at pinarami mo ang iyong pagiging bayarang babae.
26Ikaw ay naging bayarang babae rin sa mga Ehipcio na iyong mahalay na kalapit-bayan, at pinarami mo ang iyong pagiging bayarang babae upang ibunsod mo ako sa galit.
27Kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at binawasan ko ang iyong takdang bahagi, at ibinigay kita sa kasakiman ng iyong mga kaaway, na mga anak na babae ng mga Filisteo, na nahiya sa iyong kahalayan.
28Bukod dito, ikaw ay naging bayarang babae rin sa mga taga-Asiria, sapagkat ikaw ay hindi nasisiyahan. Oo, ikaw ay naging bayarang babae rin sa kanila, at gayunma'y hindi ka nasiyahan.
29Pinarami mo rin ang iyong pagiging bayarang babae sa lupaing kalakalan ng Caldea; gayunma'y hindi ka nasiyahan.
30“Gaano ba ang pananabik ng iyong puso, sabi ng Panginoong Diyos, upang iyong gawin ang lahat ng bagay na ito, na gawa ng isang upahang babae;
31na itinatayo mo ang iyong entablado sa bukana ng bawat daan, at ginawa mo ang iyong mataas na dako sa bawat lansangan. Gayunma'y hindi ka naging gaya ng isang bayarang babae sapagkat tinanggihan mo ang upa.
32Isang asawang babae na mapakiapid na tumatanggap ng mga dayuhan sa halip na ang kanyang asawa!
33Ang mga tao'y nagbibigay ng mga kaloob sa lahat ng bayarang babae; ngunit ikaw ay nagbibigay ng iyong mga kaloob sa lahat ng iyong mangingibig, at iyong sinusuhulan sila upang sila'y magsilapit sa iyo sa bawat dako para sa iyong mga pagiging bayarang babae.
34Kaya't ikaw ay kakaiba sa ibang mga babae sa iyong pagpapaupa. Walang nag-udyok sa iyo upang magpaupa, at nagbigay ka ng upa, samantalang walang upa na ibinigay sa iyo, kaya't ikaw ay kakaiba.
Ang Hatol ng Diyos sa Jerusalem
35“Kaya't, O masamang babae, pakinggan mo ang salita ng Panginoon:
36Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Sapagkat ang iyong karumihan ay nalantad, at ang iyong kahubaran ay lumitaw sa mga pagpapaupa mo sa iyong mga mangingibig, at dahil sa lahat mong mga diyus-diyosan, at dahil sa dugo ng iyong mga anak na iyong ibinigay sa kanila,
37aking titipunin ang lahat na mangingibig mo na iyong kinalugdan, lahat ng iyong inibig at lahat ng iyong kinapootan. Titipunin ko sila laban sa iyo sa bawat lugar, at aking ililitaw ang iyong kahubaran sa kanila, upang kanilang makita ang iyong buong kahubaran.
38Aking hahatulan ka na gaya ng hatol sa mga babaing nangangalunya at nagpadanak ng dugo; at aking dadalhin sa iyo ang dugo ng kapusukan at paninibugho.
39Ibibigay kita sa kamay ng iyong mga mangingibig at kanilang ibabagsak ang iyong entablado, at gigibain ang iyong matataas na dako. Kanilang huhubaran ka ng iyong mga suot, kukunin ang iyong magagandang hiyas, at iiwan ka nilang hubo at hubad.
40Sila ay magdadala ng isang hukbo laban sa iyo, at babatuhin ka nila at pagpipira-pirasuhin ka ng kanilang mga tabak.
41Susunugin nila ng apoy ang iyong mga bahay, at maglalapat ng mga hatol sa iyo sa paningin ng maraming babae. Aking patitigilin ka sa pagiging bayarang babae, at ikaw ay hindi na rin magbabayad pa sa iyong mga mangingibig.
42Sa gayo'y aking bibigyang kasiyahan ang aking matinding galit sa iyo, at ako'y hindi na maninibugho sa iyo; ako'y matatahimik at hindi na magagalit pa.
43Sapagkat hindi mo naalala ang mga araw ng iyong kabataan, kundi ako'y pinapag-iinit mo sa lahat ng mga bagay na ito. Narito, kaya't akin namang ibabalik ang iyong mga gawa sa iyong ulo, sabi ng Panginoong Diyos: “Hindi ba gumawa ka ng kahalayan bukod sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam?
Kung Ano ang Puno ay Siyang Bunga
44Narito, bawat gumagamit ng mga kawikaan ay gagamit ng kawikaang ito tungkol sa iyo, ‘Kung ano ang ina, gayon ang anak na babae.’
45Ikaw ang anak na babae ng iyong ina, na namuhi sa kanyang asawa at sa kanyang mga anak. Ikaw ang kapatid ng iyong mga kapatid, na namuhi sa kanilang mga asawa at sa kanilang mga anak. Ang iyong ina ay isang Hetea, at ang iyong ama ay isang Amoreo.
46Ang iyong nakatatandang kapatid na babae ay ang Samaria na naninirahang kasama ng kanyang mga anak na babae sa dakong hilaga mo; at ang iyong nakababatang kapatid na babae na naninirahan sa iyong timog ay ang Sodoma na kasama ang kanyang mga anak na babae.
47Gayunma'y hindi ka nasiyahang lumakad sa kanilang mga lakad, o gumawa man ng ayon sa kanilang kasuklamsuklam. Sa loob lamang ng napakaigsing panahon ay higit kang naging masama kaysa kanila sa lahat ng iyong mga lakad.
48Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, ang Sodoma na iyong kapatid na babae at ang kanyang mga anak ay hindi gumawa ng gaya ng ginawa mo at ng iyong mga anak na babae.
49Narito, ito ang kasamaan ng iyong kapatid na babae na Sodoma; siya at ang kanyang mga anak na babae ay may kapalaluan, labis na pagkain, at masaganang kaluwagan, ngunit hindi tinulungan ang dukha at nangangailangan.
50Sila'y palalo at gumawa ng kasuklamsuklam na bagay sa harapan ko; kaya't aking inalis sila nang makita ko iyon.
51Ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati ng iyong mga kasalanan. Nakagawa ka ng higit na mga kasuklamsuklam kaysa kanila, at pinalabas mong higit na matuwid ang iyong mga kapatid na babae sa pamamagitan ng lahat ng mga kasuklamsuklam na iyong ginawa.
52Pasanin mo rin ang iyong kahihiyan, sapagkat nagbigay ka ng mabuting paghatol sa iyong mga kapatid na babae; dahil sa iyong mga kasalanan na iyong nagawa na higit na kasuklamsuklam kaysa kanila, sila'y higit na matuwid kaysa iyo. Kaya't mahiya ka rin, at pasanin mo ang iyong kahihiyan, sapagkat pinalabas mong matuwid ang iyong mga kapatid na babae.
Ibabalik sa Dati ang Sodoma at ang Samaria
53“Gayunman, ibabalik ko ang kanilang pagkabihag, ang pagkabihag ng Sodoma at ng kanyang mga anak na babae, at ang pagkabihag ng Samaria at ng kanyang mga anak na babae, at ibabalik ko ang sarili mong pagkabihag sa gitna nila,
54upang pasanin mo ang iyong sariling kahihiyan, at ikaw ay mapahiya dahil sa lahat ng iyong ginawa sa pagiging kaaliwan sa kanila.
55Tungkol sa iyong mga kapatid na babae, ang Sodoma at ang kanyang mga anak na babae ay babalik sa kanilang dating kalagayan. Ang Samaria at ang kanyang mga anak na babae ay babalik sa kanilang dating kalagayan, at ikaw at ang iyong mga anak na babae ay babalik sa inyong dating kalagayan.
56Hindi ba ang iyong kapatid na babae na Sodoma ay isang kasabihan sa iyong bibig sa araw ng iyong kapalaluan,
57bago lumitaw ang iyong kasamaan? Ngayo'y naging gaya ka niya na naging tampulan ng pagkutya para sa mga anak na babae ng Siria, at sa lahat ng nasa palibot niya, na mga anak na babae ng mga Filisteo na siyang kumukutya sa iyo sa palibot.
58Pasan mo ang parusa ng iyong kahalayan at ang iyong mga kasuklamsuklam, sabi ng Panginoon.
Ang Walang Hanggang Tipan
59“Oo, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Akin namang gagawin sa iyo ang gaya ng iyong ginawa, na iyong hinamak ang sumpa sa pagsira ng tipan.
60Gayunma'y alalahanin ko ang aking tipan sa iyo nang mga araw ng iyong kabataan, at aking itatatag sa iyo ang isang walang hanggang tipan.
61Kung magkagayo'y alalahanin mo ang iyong mga lakad, at mapapahiya ka kapag dinala ko ang iyong mga kapatid na babae, ang iyong nakatatanda at nakababatang kapatid, at aking ibibigay sila sa iyo bilang mga anak na babae, ngunit hindi dahil sa pakikipagtipan sa iyo.
62Aking itatatag ang aking tipan sa iyo, at iyong malalaman na ako ang Panginoon;
63upang iyong maalala, at mapahiya ka, at kailan pa man ay hindi mo na ibuka ang iyong bibig dahil sa iyong kahihiyan, kapag aking pinatawad ka sa lahat ng iyong ginawa, sabi ng Panginoong Diyos.”

Currently Selected:

EZEKIEL 16: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in