YouVersion Logo
Search Icon

EZEKIEL 13

13
Ang Pahayag Laban sa mga Bulaang Propetang Lalaki
1At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2“Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban sa mga propeta ng Israel na nagsasalita ng propesiya, at sabihin mo sa kanila na nagsasalita ng propesiya mula sa kanilang sariling isipan: ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon!’
3Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang mga hangal na propeta na sumusunod sa kanilang sariling espiritu, at walang nakitang anuman!
4O Israel, ang iyong mga propeta ay naging parang mga asong-gubat sa mga gibang dako.
5Kayo'y hindi sumampa sa mga sira, o iginawa man ninyo ng kuta ang sambahayan ni Israel, upang siya'y makatayo sa pakikipaglaban sa araw ng Panginoon.
6Sila'y nagsalita ng kabulaanan at nanghula ng kasinungalingan. Kanilang sinasabi, ‘Sabi ng Panginoon;’ bagaman hindi sila sinugo ng Panginoon, gayunma'y naghihintay sila sa katuparan ng kanilang mga salita.
7Hindi ba kayo nakakita ng huwad na pangitain, at hindi ba kayo nagsalita ng kasinungalingang panghuhula, tuwing inyong sasabihin, ‘Sabi ng Panginoon', bagaman hindi ko sinalita?”
8Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Sapagkat kayo'y nagsalita ng kabulaanan at nakakita ng mga kasinungalingan, kaya't narito, ako'y laban sa inyo, sabi ng Panginoong Diyos.
9At ang aking kamay ay magiging laban sa mga propeta na nakakakita ng mga huwad na pangitain at nagbigay ng sinungaling na panghuhula. Sila'y hindi mapapasama sa kapulungan ng aking bayan, o matatala man sa talaan ng sambahayan ni Israel, ni sila man ay papasok sa lupain ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoong Diyos.
10Sapagkat#Jer. 6:14; 8:11 sa katotohanan, sapagkat kanilang iniligaw ang aking bayan, na sinasabi, ‘Kapayapaan;’ ngunit walang kapayapaan; at sapagkat, nang ang bayan ay magtatayo ng kuta, narito, tinapalan ito ng apog.
11Sabihin mo sa kanila na nagtatapal ng apog na iyon ay babagsak. Magkakaroon ng malakas na ulan; malalaking granizo ang babagsak, at isang unos na hangin ang darating.
12At kapag ang kuta ay bumagsak, hindi ba sasabihin sa inyo, ‘Nasaan ang tapal na inyong itinapal?’
13Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y magpaparating ng unos na hangin dahil sa aking galit; at magkakaroon ng bugso ng ulan dahil sa aking pagkagalit, at malalaking mga granizo upang wasakin iyon.
14Ibabagsak ko at ilalagpak sa lupa ang kuta na inyong tinapalan ng apog, upang ang pundasyon niyon ay lilitaw. Kapag iyon ay bumagsak, kayo'y malilipol sa gitna niyon, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
15Ganito ko gagamitin ang aking poot sa pader, at sa nagtapal ng apog; at sasabihin ko sa iyo: Ang pader ay wala na, ni ang nagtapal man;
16ito ang mga propeta ng Israel na nagsalita ng propesiya tungkol sa Jerusalem at nakakakita ng pangitain ng kapayapaan para sa bayan, ngunit walang kapayapaan, sabi ng Panginoong Diyos.
Ang Pahayag Laban sa mga Bulaang Propetang Babae
17“At ikaw, anak ng tao, humarap ka laban sa mga anak na babae ng iyong bayan, na nagsasalita ng propesiya mula sa kanilang sariling isipan, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanila,
18at iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang mga babae na nananahi ng mga bendang para sa pulsuhan, at nagsisigawa ng mga lambong na para sa ulo ng mga taong may iba't ibang sukat upang manghuli ng mga kaluluwa! Huhulihin ba ninyo ang mga kaluluwa ng aking bayan, at hahayaang buháy ang ibang mga kaluluwa para sa inyong pakinabang?
19Inyong nilapastangan ako sa gitna ng aking bayan dahil sa ilang dakot na sebada at ilang pirasong tinapay. Inyong ipinapatay ang mga taong hindi marapat mamatay at upang hayaang mabuhay ang mga taong hindi marapat mabuhay, sa pamamagitan ng inyong mga kasinungalingan sa aking bayan na nakikinig sa mga kasinungalingan.
20“Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y laban sa inyong mga benda na inyong ipinanghuhuli ng mga buhay, at pupunitin ko sila mula sa inyong mga kamay. Aking palalayain ang mga kaluluwa na inyong hinuli na gaya ng mga ibon.
21Sisirain ko rin ang inyong mga lambong, at ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay, at hindi na sila mapapasa inyong kamay bilang biktima, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
22Sapagkat sa pamamagitan ng kasinungalingan ay inyong pinapanghina ang puso ng matuwid, bagaman hindi ko siya pinapanghina. Inyong pinalakas ang masama, upang huwag humiwalay sa kanyang masamang lakad upang iligtas ang kanyang buhay.
23Kaya't hindi na kayo makakakita ng mapanligaw na pangitain o manghuhula man. Ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”

Currently Selected:

EZEKIEL 13: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in