EZEKIEL 11
11
Pinatay ang Masasamang Pinuno
1Bukod dito'y, itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa silangang pintuan ng bahay ng Panginoon, na nakaharap sa dakong silangan. Sa pasukan ng pintuan ay mayroong dalawampu't limang lalaki. At nakita ko na kasama nila si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatias na anak ni Benaya, na mga pinuno ng bayan.
2Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ito ang mga lalaki na nagbabalak ng kasamaan, at nagbibigay ng masamang payo sa lunsod na ito;
3na nagsasabi, ‘Hindi pa malapit ang panahon sa pagtatayo ng mga bahay; ang lunsod na ito ang kaldero, at tayo ang karne.’
4Kaya't magsalita ka ng propesiya laban sa kanila, magsalita ka ng propesiya, O anak ng tao.”
5Ang Espiritu ng Panginoon ay dumating sa akin, at sinabi niya sa akin, “Sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon: Ito ang inyong iniisip, O sambahayan ni Israel; nalalaman ko ang mga bagay na pumasok sa inyong isip.
6Pinarami ninyo ang inyong pinatay sa lunsod na ito, at inyong pinuno ang mga lansangan nito ng mga patay.
7Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang inyong mga patay na ibinulagta ninyo sa gitna nito ay mga karne, at ang lunsod na ito ay siyang kaldero; ngunit kayo'y ilalabas ko sa gitna nito.
8Kayo'y natakot sa tabak at aking pararatingin ang tabak sa inyo, sabi ng Panginoong Diyos.
9At aking ilalabas kayo sa gitna ng lunsod, at ibibigay ko kayo sa mga kamay ng mga dayuhan, at maglalapat ako ng mga hatol sa inyo.
10Kayo'y mamamatay sa pamamagitan ng tabak. Aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
11Ang lunsod na ito ay hindi magiging inyong kaldero, o kayo man ay magiging karne sa gitna nito. Aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel.
12At inyong malalaman na ako ang Panginoon, na ang mga tuntunin ay hindi ninyo sinunod, o inyo mang isinagawa ang aking mga batas, kundi kayo'y namuhay ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansa na nasa palibot ninyo.”
13Nang ako'y nagsasalita ng propesiya, si Pelatias na anak ni Benaya ay namatay. Nang magkagayo'y nasubasob ako, at ako'y sumigaw nang malakas, at aking sinabi, “Ah, Panginoong Diyos! Ganap mo na bang tatapusin ang nalabi ng Israel?”
Muling Titipunin ang mga Labi ng Israel
14At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
15“Anak ng tao, ang iyong mga kapatid, ang iyong sariling mga kamag-anak, ang kapwa mo mga bihag, ang buong sambahayan ni Israel, silang lahat ay ang mga pinagsabihan ng mga naninirahan sa Jerusalem, ‘Lumayo na sila nang malayo sa Panginoon; sa amin ay ibinigay ang lupaing ito bilang ari-arian.’
16Kaya't iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Bagaman sila'y aking inilayo sa gitna ng mga bansa, at bagaman ikinalat ko sila sa gitna ng mga lupain, gayunman ako'y naging santuwaryo nila sa sandaling panahon sa mga lupain na kanilang pinuntahan.’
17Kaya't iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Aking titipunin kayo mula sa mga bayan, at sa mga lupain na inyong pinangalatan, at aking ibibigay sa inyo ang lupain ng Israel.’
18At kapag sila'y pumaroon, kanilang aalisin ang lahat na karumaldumal na mga bagay roon, at ang lahat ng kasuklamsuklam niyon.
19Bibigyan#Ez. 36:26-28 ko sila ng isang puso, at lalagyan ko sila ng bagong espiritu. Aalisin ang batong puso sa kanilang laman, at aking bibigyan sila ng pusong laman,
20upang sila'y makasunod sa aking mga tuntunin, at maganap ang aking mga batas at magawa ang mga iyon. Sila'y magiging aking bayan at ako'y magiging kanilang Diyos.
21Ngunit tungkol sa kanila na ang puso ay sumunod ayon sa kanilang mga karumaldumal na mga bagay, at sa kanilang mga kasuklamsuklam, aking dadalhin ang kanilang mga gawa sa ibabaw ng kanilang sariling mga ulo, sabi ng Panginoong Diyos.”
Inalis ng Panginoon ang Kanyang Kaluwalhatian sa Jerusalem
22Pagkatapos#Ez. 43:2-5 nito, itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak at ang mga gulong na nasa tabi nila; at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas ng mga iyon.
23At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumailanglang mula sa gitna ng lunsod, at huminto sa ibabaw ng bundok na nasa dakong silangan ng lunsod.
24Itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pangitain sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos sa mga bihag na nasa Caldea. At iniwan ako ng pangitain na aking nakita.
25At sinabi ko sa mga bihag ang lahat ng mga bagay na ipinakita sa akin ng Panginoon.
Currently Selected:
EZEKIEL 11: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001