YouVersion Logo
Search Icon

EXODO 7

7
Ang Pagkasugo nina Moises at Aaron
1Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tingnan mo, ginawa kita bilang Diyos kay Faraon, at si Aaron na iyong kapatid ay magiging iyong propeta.
2Iyong sasabihin ang lahat ng aking iniuutos sa iyo; at sasabihin kay Faraon ni Aaron na iyong kapatid upang pahintulutan ang mga anak ni Israel na lumabas sa kanyang lupain.
3Subalit#Gw. 7:36 aking papatigasin ang puso ni Faraon at aking pararamihin ang aking mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Ehipto.
4Ngunit si Faraon ay hindi makikinig sa inyo at aking ipapatong sa Ehipto ang aking kamay at ilalabas ko ang aking mga hukbo, ang aking bayan, na mga anak ni Israel, sa lupang Ehipto sa pamamagitan ng mga dakilang gawa ng paghatol.
5Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon, kapag iniunat ko sa Ehipto ang aking kamay, at inilabas ko ang mga anak ni Israel mula sa kanila.”
6Gayon ang ginawa ni Moises at ni Aaron; kung ano ang iniutos ng Panginoon sa kanila ay gayon ang ginawa nila.
7Si Moises noon ay walumpung taong gulang at si Aaron ay walumpu't tatlong taong gulang nang sila'y makipag-usap kay Faraon.
Tanda ng Tungkod ni Aaron
8Nagsalita ang Panginoon kina Moises at Aaron,
9“Kapag sinabi ni Faraon sa inyo, ‘Patunayan ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng kababalaghan;’ at iyo ngang sasabihin kay Aaron, ‘Kunin mo ang iyong tungkod at ihagis mo sa harap ni Faraon, upang ito'y maging isang ahas.’”
10Kaya't sina Moises at Aaron ay pumunta kay Faraon at kanilang ginawa ang ayon sa iniutos ng Panginoon. Inihagis ni Aaron ang kanyang tungkod sa harap ni Faraon at ng kanyang mga lingkod at ito'y naging ahas.
11Nang magkagayo'y ipinatawag naman ni Faraon ang mga pantas at ang mga manggagaway, at ang mga salamangkero sa Ehipto ay gumawa ng gayundin ayon sa kanilang mga lihim na kaalaman.
12Inihagis ng bawat isa ang kanya-kanyang tungkod at naging mga ahas. Ngunit nilamon ng tungkod ni Aaron ang mga tungkod nila.
13Ang puso ni Faraon ay nagmatigas pa rin, at hindi niya pinakinggan sila gaya ng sinabi ng Panginoon.
Pinagmatigas ni Faraon ang Kanyang Puso
14Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang puso ni Faraon ay nagmamatigas, ayaw niyang paalisin ang bayan.
15Pumunta ka kay Faraon kinaumagahan habang siya'y patungo sa tubig. Tumayo ka sa tabi ng ilog upang harapin siya, at ang tungkod na naging ahas ay hawakan mo.
16Sasabihin mo sa kanya, ‘Sinugo ako sa iyo ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo, na sinasabi, “Payagan mong umalis ang aking bayan, upang sila'y makasamba sa akin sa ilang.” Ngunit hanggang ngayon hindi mo pa tinutupad.’
17Kaya't#Apoc. 16:4 ganito ang sabi ng Panginoon, “Sa pamamagitan nito ay makikilala mo na ako ang Panginoon.” Tingnan mo, aking hahampasin ng tungkod na nasa aking kamay ang tubig na nasa ilog at ito'y magiging dugo.
18Ang mga isda na nasa ilog ay mamamatay, ang ilog ay babaho, at ang mga Ehipcio ay mandidiring uminom ng tubig sa Nilo.’”
19Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron, ‘Kunin mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa tubig sa Ehipto, sa kanilang mga ilog, sa kanilang mga bambang, at sa kanilang mga lawa at sa lahat nilang tipunan ng tubig, upang maging dugo ang mga ito; at magkakaroon ng dugo sa buong lupain ng Ehipto, maging sa mga sisidlang kahoy at maging sa mga sisidlang bato.’”
Ang Tubig ay Naging Dugo
20Gayon ang ginawa nina Moises at Aaron, gaya ng iniutos ng Panginoon. Kanyang itinaas ang tungkod at hinampas ang tubig na nasa ilog, sa paningin ni Faraon at ng kanyang mga lingkod, at ang lahat ng tubig na nasa ilog ay naging dugo.
21Ang mga isda sa ilog ay namatay at ang ilog ay bumaho at ang mga Ehipcio ay hindi makainom ng tubig sa ilog; at nagkaroon ng dugo sa buong lupain ng Ehipto.
22Subalit ang mga salamangkero sa Ehipto ay gumawa ng gayundin sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na kaalaman. Ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at ayaw niyang pakinggan sila, gaya ng sinabi ng Panginoon.
23Si Faraon ay tumalikod at umuwi sa kanyang bahay, na hindi man lamang niya inilagay ito sa kanyang puso.
24Lahat ng mga Ehipcio ay humukay sa palibot ng ilog upang makakuha ng tubig na maiinom, sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog.
25Pitong araw ang lumipas pagkatapos na hampasin ng Panginoon ang ilog.

Currently Selected:

EXODO 7: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in