YouVersion Logo
Search Icon

EXODO 30

30
Ang Dambana ng Insenso
(Exo. 37:25-28)
1“Gagawa ka ng isang dambana na pagsusunugan ng insenso. Ito'y gagawin mo mula sa kahoy na akasya.
2Isang siko ang magiging haba niyon, at isang siko ang luwang; magiging parisukat iyon, at dalawang siko ang magiging taas; ang mga sungay niyon ay kaisang piraso niyon.
3Ito'y babalutin mo ng lantay na ginto, ang mga tagiliran sa palibot, at ang mga sungay; at igagawa mo ito ng isang moldeng ginto sa palibot.
4Igagawa mo ito ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng molde, sa dakong itaas ng dalawang tagiliran mo iyon gagawin; iyon ay magiging suotan ng mga pasanan upang mabuhat ito.
5Ang iyong gagawing mga pasanan ay kahoy na akasya, at babalutin mo ito ng ginto.
6Iyong ilalagay ito sa harapan ng tabing na nasa may kaban ng patotoo, sa harapan ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, kung saan kita kakatagpuin.
7Maghahandog si Aaron sa ibabaw niyon ng mababangong insenso, tuwing umaga kapag kanyang inaayos ang mga ilaw, ay ihahandog niya iyon,
8at kapag sinisindihan ni Aaron ang mga ilawan sa gabi, kanyang ihahandog iyon bilang isang insensong patuloy na handog sa harapan ng Panginoon sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
9Huwag kayong maghahandog ng hindi banal na insenso sa ibabaw niyon, o ng handog na susunugin, o ng handog na butil man at huwag kayong magbubuhos ng handog na inumin sa ibabaw niyon.
10Si Aaron ay magsasagawa ng pagtubos sa ibabaw ng mga sungay ng dambana, minsan sa isang taon. Siya ay tutubos ng kasalanan minsan sa isang taon sa pamamagitan ng dugo ng handog pangkasalanan, sa buong panahon ng inyong mga salinlahi; iyon ay kabanal-banalan sa Panginoon.”
11Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,
12“Pagbilang mo sa mga anak ni Israel, magbibigay ang bawat isa sa kanila ng pantubos ng kanyang sarili sa Panginoon, kapag iyong binibilang sila, upang huwag magkaroon ng salot sa gitna nila kapag iyong binibilang sila.
13Bawat#Exo. 38:25, 26; Mt. 17:24 mapapasama sa pagbilang ay magbibigay nito: kalahati ng isang siklo ayon sa siklo ng santuwaryo: (ang isang siklo ay dalawampung gera), kalahating siklo bilang handog sa Panginoon.
14Bawat mapasama sa pagbilang, mula sa dalawampung taong gulang pataas, ay magbibigay ng handog sa Panginoon.
15Ang mayaman ay hindi magbibigay nang higit, at ang dukha ay hindi magbibigay nang kulang sa kalahating siklo, kapag nagbibigay kayo ng handog sa Panginoon, upang ipantubos sa inyong mga sarili.
16At iyong kukunin sa mga anak ni Israel ang salaping pantubos at iyong ilalaan sa paglilingkod sa toldang tipanan; na maging pinakaalaala sa mga anak ni Israel sa harapan ng Panginoon, upang ipantubos sa inyong mga kaluluwa.”#30:16 o mga buhay.
Ang Palangganang Tanso
17Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,
18“Gagawa#Exo. 38:8 ka rin ng isang palangganang yari sa tanso, na may patungang tanso, upang paghugasan. Iyong ilalagay ito sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at iyong sisidlan ito ng tubig.
19Si Aaron at ang kanyang mga anak ay maghuhugas doon ng kanilang mga kamay at mga paa.
20Kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan ay maghuhugas sila ng tubig, upang sila'y huwag mamatay, o kapag sila'y lumalapit sa dambana upang maglingkod, upang magsunog ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
21Kaya't maghuhugas sila ng kanilang mga kamay at mga paa upang huwag silang mamatay. Ito'y magiging isang batas magpakailanman para sa kanila, sa kanya at sa kanyang binhi, sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.”
Ang Langis na Pambuhos
22Bukod#Exo. 37:29 dito'y sinabi ng Panginoon kay Moises,
23“Magdala ka rin ng pinakamaiinam na pabango: ng purong mira na limang daang siklo, at ng mabangong kanela na kalahati nito ang dami, dalawang daan at limampu; at ng mabangong kalamo na dalawang daan at limampu,
24at ng kasia, limang daan, ayon sa siklo ng santuwaryo, at ng langis ng olibo na isang hin;
25at gagawa ka mula sa mga ito ng banal na langis na pambuhos, isang pabangong tinimpla ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango; siya ngang magiging banal na langis na pambuhos.
26Iyong bubuhusan niyon ang toldang tipanan, at ang kaban ng patotoo,
27at ang hapag, ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang ilawan at ang mga kasangkapan niyon, at ang dambana ng insenso,
28ang dambana ng handog na sinusunog kasama ang lahat ng mga kasangkapan, ang palanggana at ang patungan nito.
29Pakabanalin mo ang mga iyon upang maging kabanal-banalan; sinumang humawak sa mga iyon ay magiging banal.
30Iyong bubuhusan ng langis si Aaron at ang kanyang mga anak, at itatalaga sila, upang sila'y maglingkod sa akin bilang mga pari.
31Sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ito ang aking magiging banal na langis na pambuhos sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
32Hindi ito ibubuhos sa laman ng mga karaniwang tao, ni huwag kayong gagawa ng gaya niyan sa pagkakagawa, ito ay banal at ito'y magiging banal sa inyo.
33Sinumang gumawa ng gaya niyan, o sinumang gumamit niyan sa isang dayuhan ay ititiwalag sa kanyang bayan.’”
34At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magdala ka ng mababangong pabango ng estacte, onix, at galbano; mababangong pabango na may purong kamanyang (na bawat isa'y magkakapareho ng bahagi),
35at gumawa ka ng insenso, na pabangong ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango, hinaluan ng asin, dalisay at banal.
36Iyong didikdikin ang iba niyan nang pinung-pino at ilalagay mo sa harapan ng kaban ng tipan,#30:36 o patotoo. sa loob ng toldang tipanan na doon kita kakatagpuin; ito ay magiging kabanal-banalan para sa inyo.
37Ang insensong inyong gagawin, ayon sa mga sangkap niyon ay huwag ninyong gagawin para sa inyong sarili; iyon ay aariin mong banal sa Panginoon.
38Sinumang gagawa nang gaya niyan, upang gamiting pabango ay ititiwalag sa kanyang bayan.”

Currently Selected:

EXODO 30: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in