YouVersion Logo
Search Icon

EXODO 3

3
Ang Nagniningas na Puno
1Noon ay inaalagaan ni Moises ang kawan ni Jetro na kanyang biyenan na pari sa Midian; kanyang pinatnubayan ang kawan sa kabila ng ilang at nakarating sa bundok ng Diyos, sa Horeb.
2Ang#Gw. 7:30-34 anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanya sa isang ningas ng apoy na mula sa gitna ng isang mababang punungkahoy. Siya'y nagmasid at ang punungkahoy ay nagliliyab ngunit ito'y hindi nasusunog.
3Sinabi ni Moises, “Ako'y pupunta sa kabila at titingnan ko itong dakilang panooring ito, kung bakit ang punungkahoy ay hindi nasusunog.”
4Nang makita ng Panginoon na siya'y pumunta sa kabila upang tumingin ay tinawag siya ng Diyos mula sa gitna ng mababang punungkahoy, “Moises, Moises.” Sumagot siya, “Narito ako.”
5Kanyang sinabi, “Huwag kang lumapit dito. Hubarin mo ang sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa.”
6Sinabi pa niya, “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.” Si Moises ay nagtakip ng kanyang mukha sapagkat siya'y natakot na tumingin sa Diyos.
Sinugo ng Diyos si Moises
7Sinabi ng Panginoon, “Aking nakita ang paghihirap ng aking bayan na nasa Ehipto at aking narinig ang kanilang daing dahil sa mga umaapi sa kanila. Talagang nalalaman ko ang kanilang pagdurusa.
8Ako'y bumaba upang iligtas sila mula sa kamay ng mga Ehipcio at upang sila'y dalhin sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing iyon, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, sa lugar ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo at Jebuseo.
9At ngayon, ang daing ng mga anak ni Israel ay nakarating sa akin, at nakita ko rin ang pang-aapi na ginawa sa kanila ng mga Ehipcio.
10Halika, ikaw ay aking susuguin kay Faraon upang iyong ilabas sa Ehipto ang aking bayan, ang mga anak ni Israel.”
11Sinabi ni Moises sa Diyos, “Sino ako upang pumaroon kay Faraon at upang ilabas sa Ehipto ang mga anak ni Israel?”
12Kanyang sinabi, “Ako'y makakasama mo; at ito'y magiging tanda sa iyo na ikaw ay aking sinugo: kapag iyong nailabas na sa Ehipto ang bayan, sasambahin ninyo ang Diyos sa bundok na ito.”
13Ngunit#Exo. 6:2, 3 sinabi ni Moises sa Diyos, “Pagdating ko sa mga anak ni Israel at sasabihin ko sa kanila, ‘Sinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sasabihin nila sa akin, ‘Ano ang kanyang pangalan?’ Anong sasabihin ko sa kanila?”
14Sinabi#Apoc. 1:4, 8 ng Diyos kay Moises, “AKO AY ANG AKO NGA.” At kanyang sinabi, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA.’”
15Sinabi pa ng Diyos kay Moises, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Sinugo ako sa inyo ng Panginoon,#3:15 Ang salitang PANGINOON kapag lahat ay malalaking titik ay kumakatawan sa pangalan ng Diyos, YHWH, na sa talatang ito ay nakaugnay sa pandiwang hayah, o ako nga. ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.’ Ito ang aking pangalan magpakailanman at ito ang itatawag sa akin ng lahat ng mga lahi.
16Humayo ka at tipunin mo ang matatanda sa Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Ang Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa akin, na nagsasabi, “Tunay na kayo'y aking dinalaw at aking nakita ang ginagawa sa inyo sa Ehipto.
17At aking sinabi, aking aalisin kayo sa kapighatian sa Ehipto at dadalhin ko kayo sa lupain ng Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo, at ng Jebuseo, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.”’
18Kanilang papakinggan ang iyong tinig. Ikaw at ang matatanda sa Israel ay pupunta sa hari ng Ehipto, at inyong sasabihin sa kanya, ‘Ang Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin at ngayo'y pahintulutan mo kami na maglakbay ng tatlong araw sa ilang. Nais naming makapaghandog sa Panginoon naming Diyos.’
19Alam ko na hindi kayo papahintulutan ng hari ng Ehipto na umalis maliban sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay.
20Kaya't aking iuunat ang aking kamay at sasaktan ko ang Ehipto sa pamamagitan ng lahat kong kababalaghan na aking gagawin sa gitna niyon at pagkatapos, papahintulutan niya kayong umalis.
21Pagkakalooban#Exo. 12:35, 36 ko ang bayang ito ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio at sa pag-alis ninyo ay hindi kayo aalis na walang dala.
22Bawat babae ay hihingi sa kanyang kapwa at ang dayuhan sa kanyang bahay ng mga hiyas na pilak, mga hiyas na ginto at mga damit, at inyong ipapasuot sa inyong mga anak na lalaki at babae. Sa ganito ay inyong sasamsaman ang mga Ehipcio.”

Currently Selected:

EXODO 3: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in